Chapter 7

143 4 0
                                    

Hindi naman masasabing date ang lakad nila ni Roldan, ngunit excited pa rin si Peachy na makasama ang binata sa buong maghapon. Kahapon pa siya humingi ng permiso sa ina at pinayagan naman siya nito.

Nagbihis siya nang maganda: ternong blusa at palda na light peach ang kulay. Paminsan-minsan lang niya isinusuot ang damit na iyon, for special occasions only kumbaga.

Magandang-maganda siya sa kanyang paningin. Iyon ang kanyang akala. Pero naluma siya nang dumating si Roldan, sakay ng pamilyar na kotseng pula. Hindi niya ma-imagine na magiging ganoon ka-elegante at kaguwapo ang binata sa klase ng damit na suot nito: long-sleeved na polong maroon at beige na slacks.

Tingin niya tuloy ay alangan siyang sumabay rito. At tumitindi ang kutob niyang hindi ito ordinaryong tao.

"Ready ka na?" Nakangiting hinagod siya nito ng tingin, sinabayan pa ng pilyong sipol.

Hindi naman siya kumibo, hindi rin ngumiti. Nagtatanong ang mga matang napatitig lamang siya sa guwapong mukha ng kaharap.

Hindi naman iyon ininda ng binata. Bumaling ito kay Aling Tasing, nagpaalam, at saka iginiya ang dalaga papunta sa kotse.

Sumasabay sa saliw ng rock music na nagmumula sa car stereo ang binata. Umiindayog ang katawan nito habang panay ang sulyap sa kanya; nanatili naman siyang walang kibo, walang ekspresyon ang mukha.

"Hindi mo ba gusto ang music? Gusto mong palitan ko ng mellow?" naitanong nito sa kanya, na tila ang intensyon ay makuha ang atensyon niyang nahuhulog sa malalim na pag-iisip. Umiling siya.

"May problema ka ba?" kaswal na tanong ng binata.

Bumakat ang pagkairita sa maamong mukha niya. Doon siya naiinis sa ganoong attitude nito—na akala, lahat ng bagay ay napakasimple. Mabangis ang tinging ipinukol niya rito. "Sino ka ba talaga, Roldan?"

"Ano ba namang klaseng tanong 'yan?"

"Hindi na ako makapaghintay. Mababaliw na ako sa kaiisip kung sino ka. Ano ka ba talaga at ano ang intensyon mo sa amin?"

Cool na cool pa rin ang binata sa kabila ng paghihisterya niya. Pinisil siya nito sa baba. "I told you, sweetheart..."

Hinampas niya ang kamay nito. "Hindi na ako nakikipagbiruan sa 'yo!" sigaw niya. "Pinaglalaruan mo na ako!"

Pumiyok ang boses niya. Tanda lamang iyon na unti-unti nang bumibigay ang kanyang damdamin. Hindi na niya naiibigan ang paglalaro ng lalaki ukol sa katauhan nito.

Tumuwid ito ng pagkakaupo, diretso ang tingin sa manibela. "Hindi kita pinaglalaruan. Be a little patient... maiintindihan mo rin ang mga sinasabi ko." Iyon lamang at kapwa na sila natahimik.

MALAYU-LAYO ang kanilang nalalakbay. Wala na sa kamalayan ni Peachy kung nasaang sulok na sila ng Kamaynilaan. Wala naman sa kalye ang kanyang atensyon, kundi nasa mga halu-halong damdamin na nagsasalimbayan sa kanyang puso at utak.

Pumasok ang kotse sa isang subdibisyon. Hindi na nahagip ng kanyang mga mata ang pangalan niyon. Tanging ang dalawang security guards na sumaludo kay Roldan ang napagtuunan niya ng pansin.

Humimpil ang kotse sa tapat ng isang malaking bahay na napipinturahan ng puti, at ang bubungan ay murang asul. Bukas ang gate ng bahay, ibig sabihin may tao sa loob.

Pinagbuksan siya ng binata ng pintuan. Bumaba siya ng sasakyan. Iginiya siya papasok sa bakuran ng malaking bahay.

"Kaninong bahay ito?" tanong niya sa mahinang tinig, kababakasan ng bahagyang panginginig.

"Sa loob mo na malalaman. Halika." Inalalayan siya ni Roldan sa braso.

Bihasang-bihasa ito sa pagpasok sa kabahayan. Walang katuk-katok. Diretsong bukas ito sa seradura ng entrance door.

Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty CaneteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon