NAKILALA at nakagaanan na ng loob ni Eloisa si Roldan. Naipakilala na rin nito ang lalaki sa nobyong si Teody. Paminsan-minsan nga ay tumatambay ang dalawang lalaki sa tindahan nina Peachy. Nag-iinuman.
"Hindi ka ba nanghihinayang sa kaguwapuhan ni Roldan?" minsan ay naitanong ni Eloisa sa kaibigan.
Umirap lamang si Peachy. "Ano naman kung guwapo? Makakain ko ba 'yon?"
"Mukha namang mabait at responsable 'yong tao, ah."
"Responsable?" Nanlaki ang mga mata ni Peachy. "Responsable ba 'yong walang oras kung tumambay rito? Malay natin kung nagre-report talaga 'yan sa trabaho niya?"
"Huu! Sabihin mo, ayaw mo lang talagang tingnan ang magagansang katangian ni Roldan dahil sa bulsa ka pa rin nakatingin!" kantiyaw sa kanya ng kaibigan.
"Dahil 'yon ang dapat! Sa hirap ng buhay ngayon!"
"Pero hindi mo dapat i-settle ang utak mo sa ideyang hindi ka makikipag-on unless na-meet mo na ang hinihintay mong ideal man. Baka dumating ang time na uugud-ugod ka na'y wala pa rin ang pinapangarap mong prinsipe!"
"Bahala na! 'Kakasawa na kasi ang kahirapan!" Sumeryoso ang mukha niya.
"Tao ang gumagawa ng kanyang kapalaran," ani Eloisa. "Oo, makakatagpo ka nga ng mayamang gusto mo, eh, kung bubugbugin ka naman? O kaya'y ikulong sa bahay. Masisiyahan ka ba?"
Hindi siya kumibo.
Pero hindi nangangahulugan iyon na sumasang-ayon siya sa sinabi ng kaibigan.
Iniba niya ang tema ng usapan. "I wonder kung ano'ng 'pinakain sa 'yo ni Roldan at mukhang panay ang build up mo sa kanya."
"Sabihin na nating gusto ko siya para sa 'yo!" Pilya ang ngiting nasa labi ni Eloisa.
"Hindi naman lumiligaw sa akin 'yon, ah!"
"Loka! Hindi 'yon mag-aaksaya ng panahong magpunta-punta rito kung walang intensyon!"
Sa isang banda, hindi rin naman siya manhid para hindi niya maramdamang may gusto sa kanya si Roldan. In fact, talagang may dating din sa kanya ang binata. Pero hindi niya puwedeng hayaan iyon.
"Kung bibigyan ko ng pagkakataon ang sarili ko, hindi malayong ma-in love nga ako sa kanya," pag-amin niya.
"'Yon naman pala, eh. Bakit mo pipigilan ang sarili mo?"
"Saan naman ako dadalhin ng pag-ibig na 'yan kung ang papatulan ko'y paris din nating isang kahig-isang tuka?" Sumeryoso uli siya. "Mahirap makipagsapalaran. Sa umpisa lang kayo sweet. Pero kapag nagsulputan na ang mga problema, wala! Sa away din mauuwi."
Napailing si Eloisa. Tipong hopeless na ito sa katuwiran niya. "O, siya, siya, suko na 'ko," anito. "Para kasing nawawala ang existence ng nakilala kong Peachy kapag ganyang nagdradrama ka na, eh!" pabirong wika nito.
Napangiti na rin siya. "Oo nga, eh. Hindi yata ako sanay!"
Katulad din sa mga pabrika, sarado ang tindahan nina Peachy kapag Linggo. Sa araw na ito niya nagagawa ang mga gawaing-bahay na hindi niya naaasikaso kapag abala silang mag-iina sa tindahan.
Matapos makapagsimba sa umaga, uunahin niya ang paglilinis ng kanilang bahay, katulong si Isay; pagkatapos ay ang bakuran. Magwawalis at magdidilig siya ng mga halaman. Pinakahuli na ang paglalaba, dahil ito ang gawaing halos umubos ng oras niya sa buong maghapon.
Si Aling Tasing na lamang ang namamahala sa pagluluto.
Nasa kasagsagan ng paglalaba si Peachy. Basang-basa na ang suot niyang kamisetang puti at shorts, na halos dumikit na sa kanyang balat.
"Ate, may bisita ka!" sigaw ni Isay na alam niyang tumatakbo palapit sa kanya.
Kunot-noong nilingon niya ang kapatid. "Sino?"
"Si Kuya Roldan!"
Napalatak siya. "Bisita ba 'yon?" ungol niya.
"Araw-araw na ngang nandito 'yan, eh!"
"Iba ngayon, Ate," ani Isay.
Banaag niya sa mga labi nito ang kakaibang ngiti. May halong kapilyahan.
"Anong iba?" takang-tanong niya.
"Kasi, may dala siyang bulaklak."
Hindi na siya kumibo. Bahagya siyang nag-isip. Bakit naman kaya maiisipan ni Roldan na dalhan pa siya ng mga bulaklak?
Wala sa loob na tinungo niya ang kanilang sala. Tumutulu-tulo pa ang kanyang mga kamay, saka ang laylayan ng kanyang kamiseta.
Patdang napatingin sa kanya ang binata. Saglit na napatitig sa kanyang kaanyuhan. Noon lamang niya parang naalalang halos nakabilad na ang kanyang katawan. Aninag na aninag iyon dahil sa pagkakabasa ng kanyang suot na damit.
"Sandali lang at magpapalit ako." Sabay takbo niya papasok sa kanyang silid. Nakaramdam siya ng pagkapahiya.
Nang makabalik ay hindi kaagad siya makatingin nang tuwid sa binata. Gayundin naman ito sa kanya. Tila nagkaroon ng tensyon sa pagitan nila.
"Napasyal ka? May pasok ka ba ngayon?" tanong niya rito.
"Wala naman. Napadaan lang," nakikiming tugon nito, at saka iniabot sa kanya ang tangang rosas. "Para sa iyo."
"Bakit ka naman nagdala nito?" Ganoon paman ay inabot niya rin ang mga bulaklak.
"Wala, basta naisip ko lang."
Sinipat niya ito nang maigi. "Talagang walang dahilan, ha?"
"Talaga bang hindi ako puwedeng lumigaw?" seryosong tanong nito.
"Bakit ka naman liligaw? Akala ko ba, eh, friends lang tayo?" panunupla niya.
Tinitigan siya ng binata. "Hindi ganoon ang nararamdaman ko."
Ramdam niyang seryoso ito. At ibig-ibig na niyang matangay sa malalagkit nitong titig sa kanya. Ngunit hindi iyon maaari.
"Ayaw ko ng ganyanan, ha?" Ibig niyang palitawin ditong nakikipagbiruan pa rin siya, ngunit pormal ang kanyang anyo.
"Dahil ba sa wala akong kotse? O dahil hindi magara ang damit ko? O dahil payat ang pitaka ko?" May laman ang tinuran nito.
At natumbok niyon ang damdamin niya. Bull's-eye!
Bumahid ang lungkot sa masayahing mukha niya. "Gusto ko lang maging matapat, Roldan. Ayokong nagpapaasa sa sinuman. Siguro nga, hindi ka rin sasang-ayon sa desisyon ko, na tulad din ng iba. Pero ito ako, iyon ang plano ko. Hindi naman masama ang mangarap, hindi ba?"
Yumuko ang binata. Ilang saglit na nakatunghay ito sa sahig ng kanilang bahay. Pagtunghay uli nito sa kanya ay maaliwalas na ang mukha. "Kung sakaling yumaman ako... iibig ka ba sa akin?"
"Nagbibiro ka ba?"
"Kung sakali lang..."
"Hay, naku, sabi nga, I'll just cross the bridge when I get there. Pero ngayon..." Sinipat niyang maigi ang lalaki mula ulo hanggang paa. "Hindi ko yata ma-imagine ang sinasabi mo," aniya. "Ni hindi ko nga alam kung saan ang bahay n'yo, o may bahay ka bang talaga? Baka naman NPA ka? Meaning, no permanent address! May pamilya ka ba? O talagang singaw ka lang sa daigdig na ito. O don't tell me na isa kang prinsipe sa kaharian at nag-disguise na ordinaryong mamamayan. Sino ka? Si Prinsipe Leonard ni Cinderella? Uso pa ba 'yon?"
Sa lahat ng tinuran niyang iyon, isang makahulugang ngiti ang tanging naging tugon ni Roldan.
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty Canete
RomanceNgayon lamang niya napatunayan, mahirap nga palang sawayin ang puso. To be exact, ang kahawig ni Roldan ay ang hinahangaan niyang Hollywood actor: ang tindig, ang pangangatawan, ang alun-along buhok, at ang magandang set ng ngipin. Perfect! Ngunit h...