MARAMING luha ang nawala kay Peachy bago niya natutunang tanggapin ang mga pangyayari. Tama, ang pangarap ay pangarap. Malayo sa katotohanan.
Ang laki niyang tanga! Imagine, nangarap siya noon na makapag-asawa ng mayaman. Hindi niya naisip na puwede lang pala siyang gawing laruan.
At hindi niya naisip na maaari lang pala siyang gawing basahan ng mayamang angkang iyon! Istupida! Akala niya ganoon lang kasimple?
Ang pangyayaring iyon sa kanyang buhay ay parang isang eskandalo. Kumalat at pinagpiyestahan ng mga usyusero.
Si Leon, kapag nakikita niya, parang nang-uuyam kung makatingin. Kulang na lang ay sabihin sa kanya: "O, ano? Nasaan na ang iyong prinsipe? Sobra kasi sa taas ang lipad mo. Ayan, ano ka na ngayon?"
Pero hindi niya masisisi si Leon. Marahil, ikinatutuwa na rin niyang hindi na siya nito pinapansin. Pampagulo lang naman ito sa kanyang buhay. Eh, ano ba kung anuman ang iniisip nito? Basta ang mahalaga, malinis ang kanyang pagkatao. Napagsisihan na niya ang mga nagawang mali.
Kung ang tingin sa kanya ng mga tao sa paligid ay tulad din ng pagtingin ng mommy ni Roldan, wala na siyang magagawa. Kung nangarap man siya noon, labas doon si Roldan. Kailanman ay hindi niya iniisip na pagsamantalahan ang kabutihan nito. Umibig siya rito at nagawa niyang ilihim iyon. Sapagka't kailanman ay hindi niya nanaisin pagdudahan nito ang kanyang pag-ibig.
BISITA pa rin nila si Roldan nang gabing iyon. At nagtataka ito sa kakaibang ikinikilos ng mga taong naratnan. Ang dating magiliw na si Aling Tasing ay bahagya lang tumugon sa kanyang pagbati.
Namataan niya si Peachy sa may gilid ng bahay na nagdidilig ng halaman. Walang kangiti-ngiti ito nang makita siya.
"Galit ka pa ba sa akin?" Ang tinutukoy niya ay ang nangyari sa kanila sa penthouse.
Hindi tinugon ng dalaga ang tanong niya.
"Meron ka ba?" biro niya rito.
"Tigilan mo na ang kapupunta rito sa mga squatters!"
Nabigla siya sa inasal nito. "Hey, what's wrong?"
Padabog na itinigil ng dalaga ang ginagawa. Tinapunan siya nito ng matalim na tingin at saka tumingin sa malayo. "Itigil mo ang pagpunta-punta rito—mula ngayon!"
Gulantang si Roldan. "Pero bakit?"
"May problema ka sa pamilya mo, 'yon ang unahin mo. Walang maitutulong ang pagpunta-punta mo rito!"
"I can't believe you, Peach!"
"Puwes, maniwala ka—! Dahil nagpunta rito ang mommy mo kanina at inutusan akong layuan ka. Tama naman siya, eh. Wala kang mapapala kung ang mapupuntahan mo lang ay isang squatter na kagaya ko. Ambisyosa. Oportunista. Walang hangad kundi ang salapi." Tumulo ang luha sa mga mata nito.
"That's not true!" Akmang lalapitan ito ng binata—ngunit umurong ito.
"Ang masakit lang naman, Roldan," sabi nito, "ay ininsulto niya ang pagkatao ko gayong wala naman tayong relasyon. Wala tayong relasyon!" Umiiyak itong nagtatakbo papasok sa bahay.
Lulugo-lugong lumapit si Roldan kay Aling Tasing. Ngunit ramdam niya, maging ang matanda ay naglagay ng pader sa kanilang pagitan.
"Lutasin mo ang iyong problema, Roldan. Huwag mo nang idamay ang anak ko. Maawa ka sa kanya." May himig pakiusap sa tinig ng matanda. Sa malas ay wala naman talaga itong sama ng loob na nararamdaman para sa kanya. Sa loob ng maikling panahon ay itinuring na siya nitong anak. At napakabuting anak. Subalit kailangan lamang na umagwat ang mga ito sa kanya—katulad din ng pag-awat ng langit sa lupa.
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty Canete
Storie d'amoreNgayon lamang niya napatunayan, mahirap nga palang sawayin ang puso. To be exact, ang kahawig ni Roldan ay ang hinahangaan niyang Hollywood actor: ang tindig, ang pangangatawan, ang alun-along buhok, at ang magandang set ng ngipin. Perfect! Ngunit h...