Chapter 4

175 6 0
                                    

Isang magarang Chedeng na napipinturahan ng kremang humimpil sa tapat nina Peachy isang hapon. Naging center of attraction tuloy iyon ng mga taong bumibili. Maging si Peachy ay napako ang atensyon doon, tila interesadong hintayin kung sinumang nilalang ang posibleng bumaba roon.

Tumaas ang isang kilay niya nang bumaba buhat sa kabilang pintuan niyon si Roldan. "Bongga!" naibulalas niya sa isip.

Isa sa mga naroon ay si Leon. At umasim ang mukha nito pagkakita sa binata. Hindi naman lingid dito na ang binata ay isang "karibal." "Akala ko naman ay kung sino na! Nakikiangkas lang pala!" pasaring nitong tiniyak na umabot sa pandinig ni Roldan.

Lumapit ang binata sa karamihan. Tinapik pa nito sa balikat si Leon, sabay sabi: "Pare!" Ngunit hindi naman iyon ininda ng huli; bagkus ay walang sabi-sabing umalis na.

Isang bagay na gustung-gusto ni Peachy sa ugali ni Roldan ay ang pagiging cool. Kung sa iba lang niyang manliligaw, baka lumaban na ito ng pasaringan kay Leon. Mababaw ang loob ng binata, mahusay makisama, marunong makibagay.

Sa kabila ng tikas at hitsura, hindi ito marunong magyabang. Lumapit sa kanya si Roldan. "Peach... kasama ko si... si kuwan..." Bahagya itong nag-isip. "Si B-Boss... boss ko!"

Sinulyapan ni Peachy ang sasakyan. Tingin niya'y nakatunghay rin sa gawi nila ang kung sinumang boss na nasa loob niyon. "Boss mo? Iimbitahan mo rin lang naman, dito pa sa turuturo?"

"Cowboy naman 'yan. Walang problema riyan, basta okay lang sa 'yo," paniniguro ng binata. "Ikaw pa? Hiya ko lang sa 'yo! Baka mamaya lang diyan, eh, pintasan lang niyang amo mo 'tong lugar namin. Masikip, hindi sosy ang atmosphere!"

Itinakip ng binata ang hintuturo nito sa labi niya, tanda na parang pinatatahimik siya nito. "No problem, okay?" bulong nito sa kanya.

Nagulat siya sa iginawi nito. Nagulat din siya sa kanyang sarili. Parang may kung anong kumislot sa kalooban ng kanyang pagkatao. Amoy na amoy niya ang hininga nito sa pagkakadikit ng kanyang mukha. At parang nagayuma siya niyon.

Alam niyang palaboy din si Roldan. Isang kahig at isang tuka, kumbaga. Pero marunong itong mag-alaga sa sarili. Kahit lumang damit ang mga isinusuot, malinis ang mga iyon. At wala itong hindi kanais-nais na amoy. Walang putok. Hindi bad breath, na kadalasan na niyang naamoy sa mga binatang madalas tumambay sa kanila.

Sinulyapan niya ito habang kausap nito ang sinasabing "boss". Pinag-aralan niyang mabuti ang bawat galaw nito. Napakarami itong magagandang katangian. Hindi lamang sa panlabas na kaanyuhan, maging sa kalooban.

Muling umusbong sa puso niya ang panghihinayang. Kung naging mayaman lang ito...

Bago pa niya namalayan, naigiya na ng binata ang bisita nito paloob sa kanilang maliit na kainan. Nakaramdam siya ng panliliit habang nag-eestima sa bago nilang "kustomer". Tingin niya'y walang kabagay-bagay ito sa pagpasok sa mga ganoong klase ng lugar. Mestisuhin ito; tingin niya'y nasa mid-forties pa lamang. Matikas din ito, lalo na sa magarang amerikanang suot.

"Siyanga pala, Peach, boss ko—si Mr. Nonilon Atienza." Bumaling si Roldan sa lalaki. "Bosing, si Peachy—"

Bahagyang ngumiti ang lalaki. Inabot nito ang kamay ng dalaga. "So, ikaw pala si Peachy. It's a pleasure to meet you."

Ramdam na ramdam ng dalaga ang manipis na palad ng lalaki. Na-conscious tuloy siya dahil bukod sa magaspang ang kanyang kamay, puno pa ito ng kalyo. Naisip tuloy niyang baka mangati si Mr. Atienza.

Binawi na niya ang kamay, hindi na sumagot sa pag-aalalang baka mapapiyok siya sa pag-Ingles. Nginitian na lamang niya ito.

"Ano ho ang gusto ninyong inumin?" tanong niya.

Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty CaneteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon