"Alam mo, Peach, iba na talaga ang kutob ko kay Roldan dati pa. Iba kasi ang dating niya. Mahusay lamang siyang magdala at makisama kaya hindi mo talaga siya paghihinalaan. Ang suwerte mo naman. Matutupad mo na ang pangarap mong makapangasawa ng super rich na kahawig pa ni Dean Cain!" ani Eloisa.
Hindi ito pinansin ni Peachy. Tahimik lamang siya habang patuloy sa pagpupunas sa mga kaserola ng mga nilutong ulam ni Aling Tasing. Nasa kusina ang matanda. Nitong mga nakaraang araw, hindi na niya mapigil ang ina sa paggawa ng mga dating gawain. Basta huwag lang aniya itong magpapagod nang husto, at laging magsasapin ng tuwalya sa likuran upang hindi matuyuan ng pawis.
"Ano'ng feeling mo, tita?" untag ni Eloisa, na ikinagulat niya.
"Wala," aniya.
"Wala?" Nanlaki ang mga mata ng kanyang kaibigan. "Anong wala? Hindi ka ba kinilig? 'Day, katuparan na ito ng mga pangarap mo!"
"Nakalimutan ko na ang tungkol doon," mahinang sabi ng dalaga. Sumulyap siya sa mukha ng kaibigan; takang-taka ito. "Kaibigan ko si Roldan. At wala akong balak na gamitin siya para lang makamit ko ang ambisyon ko."
Pumitik ang mga daliri ni Eloisa sa harapan ng mukha niya. Tila ibig nitong tiyaking hindi siya nahihipnotismo. "Hoy, okay ka lang? 'Di ba, dati'y kulang na lang ay makipag-away ka, mapa-nindigan mo lang ang iyong prinsipyo?"
"Noon 'yon. Nagbabago ang tao, Eloy."
Tinitigan siya nito ng may halong pagtataka, ilang minutong pinag-aralan ang mukha niya.
Mayamaya ay ngumiti ito nang makahulugan. "Do I smell romance here?"
Hindi rin niya pinansin ang panunudyo nito. Tahimik lamang siya habang patuloy sa ginagawa.
"In love ang kaibigan ko!" Sinabi iyon ni Eloisa sa hangin, naninirik ang mga matang magkadaop ang mga palad.
"Eloy, magkaibigan lamang kami ni Roldan. Ang humigit pa roon ay imposible na!" May lungkot sa mga mata niya, hindi iyon maitago. "Kung sakaling makapag-asawa ako ng mayaman at guwapo, tinitiyak kong hindi si Roldan 'yon. At imposible ko ring asamin ang pag-ibig niya."
"Bakit naman? Pareho n'yong gusto ang isa't isa—"
"Mahal ko si Roldan, hindi dahil sa anupaman," pag-amin niya; gumaralgal nang bahagya ang kanyang tinig. "Ayokong isipin niyang inibig ko siya dahil lamang sa kanyang kayamanan. At hindi rin siguro niya gugustuhing magmahal ng isang babaing ang habol sa kanya'y kayamanan."
Naunawaan ng kaibigan ang ibig niyang sabihin. Hinaplus-haplos niya ito sa balikat.
"Nagmamahalan na kayo ni Roldan bago pa natin nalaman na mayaman siya. Hindi mo na kasalanan 'yon. At sa palagay ko, hindi ganoon kababaw si Roldan para isipin pa ang ganoon."
Namumula ang mga mata niya nang humarap sa kaibigan. "Sabihin mo nga sa akin. Kung ikaw si Roldan, iibig ka ba sa oportunistang gaya ko?"
Hindi ito nakakibo.
"Hindi kami magkabagay ni Roldan, Eloy!"
Humimpil ang isang sasakyan sa harap ng bahay. May aasahan pa ba silang iba? Kulang na lang ay lumundag ang puso ni Peachy nang bumaba buhat doon ang makisig na binata—guwapung-guwapo sa baging anyo nito. May mag-aakala pa bang hindi si Clark Kent itong nasa harap nila?
"Hi, girls!"
"Naks! Bigatin ka na ngayon, ah!" Ang mga mata ni Eloisa ay sa kotseng pula nakatutok.
"Hiram ko lang 'yan!" tukoy ng binata sa dalang kotse. Kapagdaka'y bumaling ito kay Peachy. "Mukhang wala 'ata sa mood itong kaibigan natin?"
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty Canete
RomanceNgayon lamang niya napatunayan, mahirap nga palang sawayin ang puso. To be exact, ang kahawig ni Roldan ay ang hinahangaan niyang Hollywood actor: ang tindig, ang pangangatawan, ang alun-along buhok, at ang magandang set ng ngipin. Perfect! Ngunit h...