PANAY ang sulyap ni Peachy sa orasan.
Nakadamit-pambahay pa rin siya, ngunit obvious na naihanda na niya ang kanyang sarili. Ayaw niyang umasa sa iniwang salita ni Roldan ngunit naroon sa kanyang dibdib ang pag-asam. Kung sakali't darating ito at inaya siya, saka na lamang siya magbibihis.
Maraming bumibili sa kanila nang gabing iyon, ngunit hindi siya gasinong tumutulong dahil ayaw niyang magmukhang exhausted at amoy-barbecue. Ngayon lamang ito, ngayon lamang niya ipauubaya sa ina at kapatid ang munting negosyo.
Pumukaw sa kanyang guniguni ang tatlong sunud-sunod na pagbusina ng isang sasakyan. At kulang na lang ay lumundag ang kanyang puso sa matinding kagalakan dahil kahit hindi man niya nakikita, alam niyang si Roldan ang dumating. At hindi nga siya nagkamali. Narito na ang binata sa kanyang harapan. Makisig na makisig sa suot nitong ternong gray at panloob na asul. Hindi kayang itago sa mga mata niya ang paghanga. Ano ang sinabi ng ilan nating lokal na artista kung looks and elegance din lang ang pag-uusapan?
"So.. hindi ka pa pala ready?" sabi nito sa kanya matapos siyang hagurin mula ulo hanggang paa.
"Bakit mo naman aasahang ready na ako?" kunwa'y nagmaaang-maangan siya.
"Aw, don't play innocent, you little witch." Sinunggaban siya nito sa isang braso at iginiya sa hagdanan paakyat sa silid. "Now, get up, quick." Sabay palo nito sa kanyang puwitan.
Bahagyang namula ang pisngi niya sa ginawa nito. Madilim ang mukhang bumaling siya rito. "Ang yabang-yabang mo!" pagalit niyang wika. Pero sa tonong tanging ito lamang ang makakarinig. "Kung ayaw kong sumama, may magagawa ka?"
Idinikit nito ang mukha sa kanya. "Eh, kung turuan kaya kita ng leksyon sa harap nila?" Sabay turo nito sa gawi nina Aling Tasing. "May magagawa ka ba?"
"Sobra talaga ang kapal ng lalaking ito," nagngingitngit na nawika niya sa sarili. Ngunit may magagawa pa ba siya?
Inirapan niya ito habang nakangisi ito. At saka padabog siyang umakyat sa silid.
Prinoblema niya ang damit na isusuot. Maging ang pinakamaayos at pinakadisente niyang damit ay hindi pa rin uugma sa klase ng pananamit ng binata. Magmumukha pa rin siyang alalay nito.
Ganunpaman, naisip niyang hindi naman siya nagpilit sumama rito. Problema na nito kung magmukha man siyang kahiya-hiya sa kanyang ayos. Isinuot pa rin niya ang kanyang paboritong denim pants at kamisetang puti.
Relaxed na relaxed ang binata sa paghihintay sa kanya. Nakade-kuwatro ito at nakadipa ang dalawang kamay sa sandalan ng mahaba nilang sofa. Umarko ang kilay nito pagkakita sa kanya nang bumaba siya ng hagdanan.
"Kung naaalangan kang isama ako dahil wala akong magandang damit, puwede ka pang umurong. Dahil talagang wala akong magarang damit na puwede kong ipares sa magarang ayos mo," paunang sabi ng dalaga rito.
Sa halip na ma-offend, higit pang lumuwang ang pagkakangiti nito. "No problem. Kahit naka-bikini ka lang, I'll be more than grateful to have you." Tumayo ito at lumapit sa kanya. "Shall we?"
Nagpatiunang lumabas ng bahay si Peachy; nagpaalam sa ina. Inulan siya ng katakut-takot na kantiyaw buhat sa mga lalaking regular nang bumibili roon. Mandin kasi ay naroon si Leon at hindi kayang ipinta ang ekspresyong nasa mukha nito.
"Wala ka, pare, goodbye ka na sa love mo. May love nang iba!" sabi ng isa.
"Sorry ka na lang, 'tol. Eh, kahit kariton kasi, hindi mo maipagawa si Peachy!" sabi ng isa pa.
Biruan lang naman iyon, pero birong hindi nagugustuhan ng dalaga. Gustuhin man niyang magalit, para ano pa? Hahaba lamang ang usapan. Kasalanan naman talaga niya iyon kung tutuusin, dahil dati-rati'y walang pakundangan kung ipangalandakan niyang mag-aawasa lamang siya kung ang lalaki'y makapagluluhog sa kanya ng magarang bahay, kotse, et cetera. Bakit ngayo'y ikagagalit niya ang sampal ng katotohanan?
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty Canete
RomanceNgayon lamang niya napatunayan, mahirap nga palang sawayin ang puso. To be exact, ang kahawig ni Roldan ay ang hinahangaan niyang Hollywood actor: ang tindig, ang pangangatawan, ang alun-along buhok, at ang magandang set ng ngipin. Perfect! Ngunit h...