Chapter 10

214 10 0
                                    

RODIENZA Hotel. Maliwanag, malinaw at nasa naglalakihang letra ang pangalan ng gusaling pinasok nina Roldan at Peachy. Maluwang ang gusali na umabot hanggang sa siyam na palapag. Papasok pa lamang sila sa lobby ay sinalubong na sila ng pagbati ng mga empleyado roon na pawang naka-uniporme. Lahat ay nagbigay-galang sa among dumating, kay Roldan.

Marunong naman tumayo sa lugar si Peachy. Kahit paano, alam niya kung paanong kilos ang angkop sa okasyon at magara ang kanyang damit. Pero naroon pa rin ang panliliit sa kanyang sarili. Hindi yata siya makahinga sa karangyaan ng paligid. Wala sa loob na napakapit siya sa braso ng binata.

Lihim itong napangiti sa kanyang ginawa. Iginiya siya nito patungo sa bar and café na nasa gawing kaliwa ng hotel lobby. Maagap silang sinalubong ng isang waiter at inalalayan hanggang sa makaupo sila sa isang mesang malapit sa orchestra.

Nagpaluto si Roldan ng espesyal na pagkain, at habang hindi pa iyon naihahain, dinulutan muna sila ng waiter ng isang imported wine. Nagsalin sa dalawang baso ang binata, inihatag ang isa sa harap ng dalaga.

"Hindi ako umiinom," pakli niya.

"Pagbigyan mo na ako. Birthday ko naman," ikinagulat niya ang rebelasyon iyon. "Birthday mo ngayon?"

Tumango ito.

"Happy birthday!" nakangiting sabi niya. Nawala na ang tensiyong kanina'y nadarama niya. "Kung sinabi mo kaagad, eh, di hindi na sana kita inaway. Naipagbalot pa kita ng tatlong isaw."

"Tatlong isaw? Bakit naman tatlo?"

Maging siya ay natigilan din. Bakit nga ba tatlo? Puwede namang dalawa. O apat kaya? Alam niyang may kahulugan ang tatlo.

Nang hindi siya umimik, sinamantala ni Roldan ang pagkakataon. "Don't I deserve a kiss?"

"Anooo?"

"Birthday ko ngayon, what's wrong?"

Napalinga ang dalaga sa paligid. Maraming tao. Kilala niya si Roldan. Kahit tumanggi siya ay malaya pa rin siya nitong nahahalikan. Parang nabasa nito ang kanyang iniisip. "Okay, mamamaya na lang. Kumain muna tayo."

Matapos kumain ay niyaya siya ni Roldan na mag-tour sa buong hotel. Sumakay sila sa elevator. Amusement center ang ikalawang palapag ng gusali. Private offices naman ang nag-o-occupy sa third hanggang seventh floor. Then ang eighth hanggang ninth ay penthouses na.

Pinanlamigan ng katawan si Peachy nang ipasok siya ng binata sa private unit nito. Ibig-ibig niyang magsisi kung bakit sumama-sama pa siya sa private unit nito. To think na sila lamang dalawa ang naroroon. Malamig ang lugar, tahimik, romantiko, parang nag-aanyaya ng...

Napapikit siya nang mariin. Pagdilat niya ay humugot siya ng malalim na buntong-hininga. Kung anu-ano ang sumisilid sa kanyang kukote. Lahat ba ng oras ay kailangan niyang isipin na may interes sa kanya si Roldan?

Isa lamang siyang ordinaryong babae. Si Roldan ay hindi pangkaraniwan. Ano ang dapat niyang i-expect?

Carpeted ang unit, at napakabango ng singaw ng hangin. Hangang-hanga siya sa lahat ng kanyang nakikita. Moderno at mamahalin ang mga kasangkapan. Saan man niya ipaling ang paningin, kompleto ang kagamitang kanyang nakikita. At pawang magaganda, na halos pumuno sa maluwang na espasyo ng lugar.

Higit pa siyang humanga nang hatakin ng binata ang kurtinang tumatabing sa glass window. Sapagka't mula sa kanyang kinatatayuan ay kitang-kita niya ang kalawakan ng gabi sa buong Kamaynilaan.

Lumapit siya roon, at tinanaw ang karimlan, ang nagtataasang mga gusali, at ang nagkikislapang mga ilaw. "Ang ganda!" buong paghanga niyang nasambit.

"Singganda mo," dugtong ng binata. Kaipala'y naa-amuse itong panoorin siya, sa ginagawa niyang pagmamasid.

Pag-ibig Sa Isang Pangarap - Liberty CaneteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon