Chapter 5

180 4 0
                                    

LUMINGA si Loyd mula sa pinanonood na programa sa television. Kadalasang kasabay niyang nanonood ng TV ang kanyang papa. Ngunit ngayon ay wala ito sa paborito nitong puwesto na single seater. Tumayo siya mula sa upuan, pagkatapos ay tinungo niya ang silid ng papa niya.

Sinilip niya ito mula sa bahagyang nakaawang na pinto ng silid nito. Madilim sa loob at tanging ang liwanag mula sa pasilyo ang nagsisilbing tanglaw roon. Nakita niyang nakaupo sa gilid ng kama ang kanyang papa. Sapo ng isang kamay nito ang ulo, tahimik itong nakamasid sa isang larawan. Kahit na sa dilim ay alam niya kung kanino ang litratong iyon. May ganoon ding larawan sa silid niya.

"Papa?" marahang tawag niya rito. Nang mag-angat ito ng ulo ay saka pa lamang siya pumasok sa silid.

"What is it, Loyd?" Iniabot nito sa kanya ang isang kamay saka siya kinalong.

"Bakit ba nagki-kiss ang mga tao?"

"Siguro dahil gusto nila ang isa't isa."

"Ibig bang sabihin, gusto mo si Tita Flora?"

HINDI na nagulat si Andy sa tanong na iyon ni Loyd.

"Siguro."

"Nakita kitang hinahalikan mo si Tita Flora nang hinanap ninyo ako."

Magagawa pa ba niyang magsinungaling gayong maliwanag na nakita ng kanyang anak ang nangyari?

"Kung gusto mo si Tita Flora, ibig sabihin pakakasalan mo siya."

Napabuntong-hininga siya, bago piniling sagutin ang tanong nito.

"Loyd, hindi ibig sabihin na gusto mo ang isang tao ay pakakasalan mo na siya. Maraming damdamin ang dapat isipin bago magpakasal. At hindi ba nasabi ko na sa iyo na ipaubaya mo na sa akin ang tungkol doon?"

"Nagtatanong lang naman ako, Papa, eh. Paano ko maiintindihan kung hindi mo sasagutin ang mga tanong ko."

"Okay, naiintindihan na kita."

"Nami-miss mo si Mama, Papa?"

"Yeah."

"I miss her, too." Yumakap ito sa kanya. Niyakap din niya ito nang mahigpit. Tuluyan na niya itong ipinaghele hanggang sa makatulog ito sa kanyang bisig.

Dinala niya ito sa kabilang silid. Marahan niya itong ibinaba sa kama at kinumutan. Paalis na siya nang mamataan ang larawang kopya ng larawan sa silid niya.

"Matalino ang anak natin, Lisa, at lumalaki na siya," usal niya habang nakamasid sa larawang nakangiti sa kanya.

"MAY PROBLEMA tayo, Loyd," anunsiyo ni Andy sa anak nang umagang iyon.

Kumagat muna ng hot dog sa tinidor ang bata bago nagsalita. Iyon ang mga pagkakataong iniingatan niya. Mga sandaling normal na bata si Loyd.

"Anòyon, Papa?"

"Tumawag ang lolo mo, kailangan daw akong lumuwas sa Maynila bukas."

"Aalis ka?"

"Kailangan, anak."

Engineer siya at katulong siya ng ama sa construction business na itinayo nito. Binibigyan siya nito ng pabor upang maglaan ng mas malaking panahon para sa apo nito. Ipinatatawag lamang siya nito kung may importanteng lugar o modelong kailangan ang kanyang opinyon. Lahat ng trabaho at mga plano ay ginagawa niya sa bahay.

"Ano ang problema, Papa?"

"Wala akong maiiwang kasama mo rito. Sayang naman ang bakasyon kung isasama na kita sa Maynila. Isa pa'y isang araw lang naman ako roon. Babalik din ako agad."

"Problema nga iyan," animo'y matandang ayon nito.

Sabay silang nawalan ng imik. Sa Maynila ay may napakikiusapan siyang isang matandang babae upang bantayan si Loyd habang wala siya. Subalit nasa ibang lugar sila at wala pa silang kakilala roon. Hindi naman niya maaaring basta na lamang ipagkatiwala kung kanino ang kapakanan ng kanyang anak.

My Blue-Eyed Girl - ReinneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon