"HINDI pa bumabalik ang mga magulang ni Flora mula sa pamamasyal. Mahaba pa rin ang panahon bago dumating si Andy upang sunduin siya. Natagpuan niya ang sariling iniisip ang mga nangyari sa kanya nang araw na iyon.
Inalok siya ng kasal ni Andy dahil sa maraming kadahilanan. Oo nga't sinabi nitong mahal siya nito at hindi niya iyon pinagdududahan. Sa mga halik at yakap nito ay alam niyang totoo ang sinabi nito na mahal siya.
Ngunit hindi niya maaaring ipagsawalang-bahala ang katotohanang kailangan ni Loyd ng isang ina. At malapit sa kanya ang bata, kaya natural lamang na ang kapakanan muna nito ang isipin ni Andy. Alam niya kung gaano nito kamahal ang anak.
Naroon din ang katotohanang matagal na panahon ding namuhay ang mag-ama na silang dalawa lamang. Kailangan nina Andy at Loyd ng babaeng mag-aasikaso sa mga pangangailangan nila.
Nariyan din ang katotohanan na magpapakasal lamang sa kanya si Andy for companionship. Malungkot ang buhay ng nag-iisa. Alam niya iyon. Marahil ay iyon din ang nararamdaman nito. Hindi ba't noong una silang magkita ay kinailangan siya nitong pakiusapang manatili, dahil kailangan nito ng taong makakausap, ng makakaunawa sa inner struggles na nararamdaman nito?
Anuman, kailangan niyang tandaan na hindi magpapakasal sa kanya si Andy for romantic notions. It only happens in fantasyland. Sa mga romantikong libro. At hindi sa normal na mga taong tulad nila.
Iyon ang mga konklusyong nabuo niya sa mga pangyayari.
"GUSTO ko hong hingin ang kamay ni Florabelle. Nagkasundo na ho kaming magpapakasal sa lalong madaling panahon," walang-ligoy na pahayag ni Andy sa mga magulang niyang magkatabi sa upuan.
Sabay na lumingon sa kinauupuan niyang single-seater ang kanyang mga magulang. Nagtatanong ang mga mata ng mga ito.
Isang ngiti at tango lamang ang isinagot niya sa mga tanong na hindi naman namutawi sa bibig ng mga ito.
"Bakit naman ang kamay lamang, hindi mo ba gusto ang kabuuan ng anak ko?" nakangiting tanong ng kanyang papa kay Andy.
"Bakit ba puro ka kalokohan?" Marahang tinapik ng kanyang mama ang pagbibiro ng kanyang papa. "Mamang ngang magseryoso ka."
Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Andy na sapat na upang magpabilis sa pintig ng puso niya.
"Seryoso ka ba sa sinasabi mong iyan, Andy?" Pormal na ang tono ng kanyang papa. Napalitan ng kaseryosohan ang mga mata nitong hindi iniwan ang mukha ni Andy.
"Wala ho akong intensyong gawing biro ang ganito kaseryosong usapan."
"Kung ganoon ay pumapayag na kami. Yaman din lamang na nagmamahalan na pala kayo ni Flora namin, aba'y bakit pa kami tututol."
"Salamat, Papa, Mama." Hinagkan niya sa pisngi ang mga magulang.
"Kailan ninyo balak na magpakasal?" tanong ng kanyang mama.
"Sa lalong madaling panahon, Mama. Pag-uusapan pa namin ang eksaktong buwan at petsa," tugon niya.
"Buweno, kayo ang bahala," ang mama niya uli.
"Magpapaalam ho muna kami." Magalang na tumayo si Andy.
"Aalis muna kami, 'Pa, 'Ma," pagpapaalam niya sa mga magulang.
"Mag-iingat kayo."
"ARE YOU happy?" tanong ni Andy nang mapansin ang pananahimik niya. Kasalukuyang na silang patungo sa kanilang date, bagama't hindi niya alam kung saan siya nito dadalhin.
"Yes," mabilis niyang tugon dito. Kahit pa nga hindi maalis-alis sa isip niya ang mga posibleng dahilan nito sa pag-aalok sa kanya ng kasal.
"Pasensya ka na kung hindi ko naisama si Daddy sa pagsasabi sa mga magulang mo."
BINABASA MO ANG
My Blue-Eyed Girl - Reinne
RomanceFlorabelle wanted to belong to someone. Subalit parang nawawalan na siya ng pag-asa na darating pa iyon. Kung bakit ba naman kasi ang mga lalaking nagkakainteres sa kanya ay hindi niya gusto. At ang mga lalaking gusto niya ay tila hindi naman siya n...