Chapter 3

543 13 1
                                    

NAKASAKAY na si Penelope sa kotse at bubuhayin na sana ang makina niyon nang bigla siyang matigilan sa naisip—wala siyang maa-accomplish kung aalis siya roon. As a matter of fact, bibigyan lang niya ito ng pagkakataon na makapaghanda sa susunod niyang pagsugod. Baka iutos pa nito na huwag na siyang papasukin doon sa farm. At kapag nangyari iyon, lalo siyang mahihirapan. Saan pa niyang lupalop ito hahagilapin? At malaman man niya, wala rin siyang magagawa kung pagtataguan siya nito. At least doon sa farm, hindi siya mapagtataguan nito dahil nga ito ang namamahala roon.

Nag-isip pa siya nang kaunti. Pagkatapos ay nagpunta siya sa opisina ng farm at muling hinanap si Mang Ipe.

"Nagkausap na ba kayo ni Sir Miguel?" tanong nito sa kanya.

"Oho. Pero malabo pa." Ayaw na muna niyang i-elaborate ang pag-uusap nila. "Puwede ho bang makitawag? Maglo-long distance lang ako sa Maynila."

Nakatatlong ring muna sa kabilang linya bago may sumagot. Nabosesan niya agad kung sino ang nakasagot sa kanya.

"Hello, Arjay."

"O, Ate Pen, kumusta ka na?" nag-aalalang tanong ng second cousin niyang mas bata sa kanya ng tatlong taon at kasalukuyang nasa huling taon sa kolehiyo.

"I'm fine. Ang mommy mo?" Ang tinutukoy niya ay ang kanyang Tita Cynthia.

"Wala, umalis."

"Gano'n ba? O sige, sa iyo na lang ako hihingi ng favor."

Ipinakiusap niya sa pinsan na tumawag sa bahay nila at iutos sa driver ng daddy niya na dalhin doon sa Zambales ang lahat ng gamit niya. Nakaempake pa rin naman ang mga gamit niya mula noong dumating siya galing sa Amerika kung kaya't wala nang kailangang iayos pa.

Ikinuwento na rin niya sa pinsan ang dahilan kaya niya ipinagagawa iyon.

"Hanggang ngayon, Ate Pen, napaka-strong-willed mo pa rin."

"Dapat lang. Dahil hindi biru-biro ang gusto kong bawiin. Ikaw na ang bahala, Arjay, ha? Sana mamayang gabi nandito na yung mga gamit ko. Ikaw na rin ang bahalang magpaliwanang sa mommy mo. At saka..."

Hindi niya alam kung dapat pa niyang ituloy ang bigla niyang naisip na sabihin. Pero napagpasyahan niyang ituloy na rin para hindi naman sabihin ng kanyang pinsan na wala talaga siyang pakialam sa half-sister niya.

"K-kayo na muna ang bahala kay Karen, ha? Hindi ko lang talaga siya maiintindi ngayon. Marami pa akong dapat na unahing asikasuhin."

Bumalik siya sa bahay pagkatapos. Wala na roon si Miguel. Ayon kay Aling Tina ay umalis daw uli. Sinamantala niya ang pagkakataon at nagpahain uli. Gutom na gutom na kasi siya dahil hindi na niya nagawang mag-lunch kanina. Kung tutuusin ay puwedeng ang master's bedroom ang gamitin niya sa paglagi niya roon. Pero naisip niyang sobrang laki niyon kaya ang ipinaayos na lang niya ay ang kuwartong madalas niyang gamitin noon kapag nagbabakasyon siya.

Mag-a-alas-sais na nang gabi nang dumating ang mga bagahe niya. Sinabihan niya ang driver ng kanyang ama na huwag na munang bumalik sa Maynila at doon na lang magpalipas ng gabi. Then she spent the next two hours unpacking her things.

Mayamaya ay tinawag siya ni Aling Tina dahil nakahanda na ang hapunan. Hindi na siya nagtagal pa. Gusto na rin niyang makakain para makapagpahinga na. Nasa kalagitnaan siya ng kanyang paghahapunan nang dumating si Miguel.

"Akala ko'y aalis ka?"

Tiningnan niya ito nang diretso sa mga mata.

"Nagbago ang isip ko," malamig niyang sagot.

Naupo ito sa tapat niya na agad namang hinainan ng plato ni Aling Tina. "Bakit? Natatakot ka ba na baka pagtaguan kita't hindi mo nàko mahagilap?"

Natigilan siya sa katotohanang sinabi nito.

Miguel, My Stepbrother - Paula Justine CruzTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon