Chapter 8

470 12 1
                                    

NANG mga sumunod na araw ay hindi pinagka-kakausap ni Penelope si Miguel. "Oo" at "hindi" lang ang isasagot niya rito kung kakausapin siya. Ang akala nito, naiinis pa rin siya dahil sa panunukso nito sa kanya tungkol kay Bruce sa nagdaang party. Ang hindi nito alam, hanggang ngayon ay malinaw pa sa isip niya kung paano magtawagan ng "sweetheart" ito at ang babaeng kasayaw nito. Inis na inis siya tuwing maaalala niya iyon.

Minsan ay may babaeng tumawag sa telepono at hinahanap si Miguel. Nagkataon na siya ang nakasagot. Inisip niya kung iyon kaya ang babaeng kasayaw nito. Ang totoo, nasa labas lamang ito at nagkukumpuni ng sasakyan. Pero ipinagkaila niya. Sabi niya ay wala. Tinanong naman niya ang message kung ano, pero wala naman daw. Napatawag lang. Only goes to show na hindi importante ang dahilan ng pagtawag nito. Kaya puwedeng hindi na niya iyon paratingin kay Miguel.

Hindi lang isang beses tumawag ang babaeng iyon na nalaman niyang "Janet" ang pangalan. Palagi itong tumatawag. Masuwerte si Miguel kung iba ang makakasagot. Pero kung siya, siguradong hindi makakarating.

ISANG gabi ay dumating si Miguel sa bahay kasama ang babaeng nakasayaw nito sa party. Para namang sinadya ng pagkakataon na naroon siya sa living room at nagbabasa. Kadalasan, kapag ganoong oras ay nakakain na siya at nasa kuwarto na lang niya, naghahanda na sa pagtulog.

Pero dahil sa nag-merienda siya kaninang hapon ay busog pa siya kaya't nagkataon na ngayon pa lang siya ginugutom. Katunayan ay papunta na sana siya sa komedor para kumain nang dumating ang dalawa. At dahil nga naroon siya sa sala, napilitan tuloy siyang pakiharapan ang bisita ni Miguel.

"Penelope, siya si Janet, girlfriend ko. Janet, si Penelope, my stepsister." Pagkasabi niyon ay bumaling ito sa kanya.

"Actually, Penelope, she knows about us so we don't have to pretend in front of her. Pamangkin siya ni Ex-mayor Barranda. Sa Manila siya talaga naka-base pero siguro she'll be staying here in Zambales for a month or two para magbakasyon. Tamang-tama naman na kasalukuyan din akong nagbabakasyon dito ngayon."

Tama pala ang hinala niya na ito at ang babaeng nagngangalang "Janet" na madalas na tumawag ay isa. Nginitian siya ni Janet at nakipagkamay sa kanya. "Hello. Nakita na kita do'n sa party kaya lang medyo madilim sa dance floor at umalis ka agad. Pero ngayong natitigan kita, maganda ka nga pala. Alam mo, palagi kang naikukuwento sa akin ni Mig—"

"Nakahain na ba si Aling Tina?" putol ni Miguel sa sinasabi ni Janet. "Tumawag ako kanina rito, eh. Sabi ko, maghanda ng pagkain ng mga bandang alas-otso at ganitong oras kami darating ni Janet. Nakapaghain na kaya siya?"

"Hindi pa yata. Ang alam ko nga ay ngayon pa lang sila patapos magluto ni Minda. May ginawa yata sila kanina."

"Tingnan mo 'tong si Aling Tina, kung kailan ako nagpasabi na magluto nang maaga, do'n nakalimutan."

Pagkuwa'y nag-isip ito. "Pero baka naman hindi niya nakalimutan. Baka hindi lang talaga nakarating sa kanya ang bilin ko." Tumingin ito sa nobya. "'Di ba Janet, ang sabi mo sa akin, madalas mo kong tawagan pero hindi ko naman nalalaman na tumawag ka pala. Makakalimutin yata talaga ang mga taong nakatira dito. Especially where phone calls are concerned," makahulugang sabi nito sabay tingin sa kanya.

Nabigla si Penelope kaya hindi siya agad na nakapagsalita. Pero ipinasya niyang magpatay-malisya. "K-kanino ka ba nagbilin? Sino ba ang nakasagot sa'yo?"

"Si Minda. Minsan, talaga makakalimutin 'yang si Minda, eh. Hindi mo malaman kung sinasadya o ano," dagdag na sabi pa nito.

Pilit siyang ngumiti. Iniba na rin niya ang usapan.

"Magpunta na kayo sa dining room. Baka nakahain na. S-sige, mauna na muna ako."

"Why? Hindi mo ba kami sasaluhan? Magsabay-sabay na tayo," paanyaya sa kanya ni Miguel.

Umiling siya. "Mamaya pa ko kakain. Hindi pa ako gutom. Sige." Parang wala sa sarili umakyat siya at nagtungo sa kanyang silid.

Hiyang-hiya siya. Alam niyang alam nito ang ginawa niyang pagkakaila rito sa tuwing tumatawag si Janet. Hindi siya tuloy makatingin nang diretso sa dalawa.

Nahiga siya sa kama at tumitig sa kisame. Pero mukha nina Miguel at Janet ang nakikita niya. Hindi pala pilit ang ganda ni Janet. Maganda pala talaga ito at mukhang mabait pa. Hindi tulad niyang suplada. Hindi nakapagtatakang magustuhan ito ni Miguel.

Pero teka, eh, ano naman sa kanya kung may nobya si Miguel? Natural lang naman iyon dahil hindi naman sila totoong mag-asawa. Pagkatapos ng dalawang taon ay tapos na rin ang pagsasama nilang ito. At kapag nabawi na niya ang Dominico Country Farm, magkakani-kanya na sila ng buhay at posibleng hindi na sila magkita pa. Ano nga ba ang problema niya? Eh, di magpaligaw rin siya sa iba at nang magka-boyfriend siya.

Napailing siya at ipinikit ang mga mata. She was not being true to herself. Papaano nga ba niya magagawang magpaligaw sa iba kung may isang lalaki na siyang natutuhan na ring mahalin kahit na papaano? At ang lalaking iyon ay walang iba kundi si Miguel. But what chance does she have now ngayong may Janet na ito?

Nagulat siya nang pagpasok niya sa bathroom sa loob ng kanyang silid ay nakita niyang puro sulat at drawing ng pentel pen ang mga puting dingding. Nagkalat din sa sahig ang mga displays niyang kandila at mga sabon. Umaapaw na rin ang tubig sa bathtub dahil patuloy pa rin ang labas ng tubig sa gripo. Bukas din ang shower at ang gripo sa lababo. Naglalawa na sa sahig kung kaya't basang-basa na rin pati ang mga rugs. At kung hindi niya napatay ang shower at ang gripo, lalabas ang tubig diretso sa carpeted floor ng kanyang silid.

Umakyat ang dugo sa ulo niya. Mabilis at malaki ang mga hakbang na lumabas siya ng kuwarto. Sigurado siya kung sino ang may kagagawan ng gulo sa banyo niya.

"Karen! Karen!" Galit na galit ang tinig niya at halos marinig ang boses niya hanggang sa labas ng malaking bahay.

"Karen! Nasaan ka?"

Natagpuan niya ang bata na nasa isang silid na pinagawang playroom ni Miguel para dito. Gulat na gulat ito at kaagad na gumapang sa ilalim ng plastic table na drawing-an nito nang makita siyang humahagibis sa galit n

ang lumapit.

"Ano'ng ginawa mo sa bathroom ko, ha? Bakit ka pumasok sa kuwarto ko? Bakit?" sigaw niya.

Hinila niya ito mula sa ilalim ng mesa. Wala siyang pakialam kung mabalian man ito.

"Nag-play lang naman po ako," sagot nito na habang umiiyak ay nanginginig din sa takot.

Inalog niya ang balikat nito. "Nag-play? Nag-play ba ang tawag mo doon sa gulong ginawa mo?" Hindi niya napigilan ang sarili at nasaktan niya ito. "Wala kang karapatan na pumasok doon, naiintindihan mo? Wala kang karapatan na galawin ang hindi sa 'yo! Manang-mana ka sa nanay mo!"

Sakto naman na pumasok si Miguel sa kuwartong iyon. Nakita nito ang ginawa niyang pananakit sa kapatid nila.

"Penelope, bakit ba?" Agad nitong kinuha si Karen mula sa kanya. "Bakit pati bata ay sinasaktan mo?

"Bakit hindi mo tanungin 'yang batang 'yan? Pakialamera! Dinudumihan ang bahay ng daddy ko!"

"Eh, bata nga 'to, eh! Bakit kailangan mo pang saktan?"

"At bakit kailangan mo ring kunsintihin? Pareho kayong nagmana sa nanay ninyo!"

Biglang nawala ang hinahon sa mukha ni Miguel at nilapitan siya. Madiin siyang hinawakan sa balikat nito. "Huwag mong idadamay sa away natin ang mama ko! Patay na siya't nananahimik na. Kaya bigyan mo ng kaukulang respeto.

"Iginagalang ko ang daddy mo kaya matuto ka ring igalang ang mama ko!" nanginginig ang boses na patuloy nito. Pagkatapos ay pahagis na binitiwan nito ang balikat niya at hinila si Karen palabas ng kuwartong iyon. Naiwan siyang nabigla sa mga pangyayari. Sunod niyon ay ang hindi niya napigilang pag-­‐‑iyak.

Miguel, My Stepbrother - Paula Justine CruzTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon