Chapter 5

533 10 1
                                    

Maagang nagising si Penelope kinabukasan.

Dala ng hindi niya paghahapunan kagabi, agad niyang tinungo ang komedor para mag-breakfast dahil sobrang gutom na siya.

Heavy breakfast ang inihain sa kanya ni Aling Tina. Sinangag, piniritong itlog, at tapa na may sawsawang suka na may sili, bawang, paminta, at sibuyas. Kasama rin ang mainit na pandesal at butter.

Samantalang hinog na mangga at papaya ang ibinigay ni Minda bilang dessert niya. Dahil hindi siya umiinom ng kape, nag-request na lang siya ng cold water. Matapos pagsilbihan, iniwan na siya ni Aling Tina.

Mayamaya, lumabas mula sa dirty kitchen si Aling Tina at niyaya siya na samahan siya sa pagkain.

"Naku, huwag na at tapos na ako," sabi ni Penelope.

Tumango lang si Aling Tina. "Eh, si Miguel ho, nasaan?"

Gusto sana niyang bawiin ang tanong pero nasabi na niya. Ewan niya kung bakit itinanong niya kung nasaan ito.

"Si Sir Miguel? Maagang umalis. Mga alas-singko yata ng madaling-araw ay wala na rito."

"Ho? Bakit sobrang aga naman yata?"

"Gano'n talaga si Sir Miguel. Maagang umaalis kapag lumuluwas ng Maynila."

"Ano'ng gagawin niya do'n?" Bago sila ikasal, naglalagi muna siya sa bahay ng kanyang Tita Cynthia sa Maynila. Bumalik lamang siya rito sa Zambales the day before their wedding. Kaya hindi pa niya alam ang routine nito.

"Sa pagkakaalam ko, may mga negosyo rin siyang inaasikaso doon. Pakiusap lamang ng daddy mo na pamahalaan niya ang farm na ito. Kaya si Sir Miguel, nandito lang ng tatlong araw sa loob ng isang linggo."

Bigla ay nagkainteres siya na magpakuwento kay Aling Tina tungkol sa lalaki. "Mabait po ba si Miguel? Ano po ba siyang klaseng tao?"

Umupo ito sa isang silya. Mukhang handa itong makipagkuwentuhan sa kanya nang matagal. "Sa totoo lang, Ma'am Penelope, sa loob ng dalawang taong pagkakakilala ko sa kanya ay medyo nakilala ko na rin ang ugali niya. Napakabait po ni Sir Miguel. Marunong makisama sa mga tao at napakamapagpakumbaba. Hindi astang-mayaman."

"Gano'n? Eh, nayayabangan nga ho ako sa kanya, eh."

"Naku, baka hindi lang po kayo sanay sa kanya. Mapagbiro kasi 'yun eh."

"Maayos ba ang relasyon nila ni Daddy?"

"Oo naman. Dahil kung hindi ay hindi ipagkakatiwala ng ama mo ang pamamahala sa farm na ito. Ang pagkakaalam ko nga ay ayaw sana talagang asikasuhin ito ni Sir Miguel dahil marami rin siyang iniintindi. Pero nakiusap talaga ang daddy mo dahil wala na siyang nakikitang ibang puwedeng mag-manage."

"Okay naman bang mag-manage si Miguel?"

"Maayos po, Ma'am. Kahit na nga sabihin pang tatlong araw lamang sa loob ng isang linggo siya nandito, nasa ayos naman po ang lahat. Kasi may hacienda sila dati sa Tarlac kaya may alam siya sa pangangasiwa ng ganitong klaseng negosyo. Sa pagkakaalam ko nga po ay doon siya sa Tarlac lumaki."

"Kaya lang ay nagpasya si Ma'am Aleta na bitawan ang haciendang iyon dahil dumarami na ang negosyo nila sa Maynila. Kaya ibinenta na lang nila. Pero nabanggit ni Sir Miguel sa akin na kung siya raw ang masusunod noon, hindi raw niya ipapabenta ang hacienda nila. Mas gusto niya raw kasi do'n kaysa sa Maynila. Mas tahimik. Kaya siguro pumayag din siya sa pakiusap ng daddy mo na i-manage itong farm ninyo. Dahil nga mas gusto niyang manirahan sa ganitong klaseng lugar. At gaya nga po ng sinabi ko, napakahusay niyang mag-manage."

Tumango-tango siya muli. Iyon din ang sinabi sa kanya ni Mang Ipe nang magkausap sila na mahusay magpalakad ng farm si Miguel. Mahusay itong makisama sa mga tao at mabait.

Miguel, My Stepbrother - Paula Justine CruzTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon