Chapter 6

516 13 1
                                    

Dahil sa nangyari, hindi na rin nagtagal ang mga kaibigan ni Penelope. Bago umuwi ang mga ito, ay sumaglit muna sa kanilang bahay kinabukasan para kunin ang mga gamit. Pagkatapos, nag-empake na rin para umalis na. Ang isang linggong pagbabakasyon ng mga ito ay umikli nang wala pang dalawang araw.

"Paano Pen, aalis na kami."

"Kung aalis kayo ngayon, then I'm going with you. Sa Manila natin ituloy ang reunion natin."

"Ano? Baka magkagalit kayo lalo ng asawa mo," nag-aalalang sabi ni Loren.

Umirap lang siya. "Hmp! Huwag mong intindihin 'yon. Ako'ng bahala do'n. Nakaempake na nga ako eh."

"Eh, nasaan ang inempake mo? Kunin mo na. Kung sasama ka, aalis na tayo."

Ngumiti siya. "Nasa compartment na ng kotse ni Eric."

"Gano'n?" natatawang sabi ng mga kaibigan. "Gano'n! Kaya halika na kayo bago pa dumating ang Miguel na 'yon." Itinanong niya kanina kay Minda kung nasaan ito. As usual, nagra-rounds daw ito sa farm. Kaya may tsansa siyang makaalis ng walang hassle.

Pero saktong-sakto naman na nakasakay na silang lahat sa kotse ni Eric nang dumating si Miguel. Nagtaka siya dahil masyado pang maaga para dumating ito mula sa rutinang pag-ikot sa farm tuwing umaga. Siguro ay nakaramdam na may balak siyang umalis.

Kalmanteng bumaba ito ng pick-up at lumakad palapit sa kanila. Yumuko pa ito para makita siya sa nakabukas na bintana ng kotse. Nasa harap si Jenny, katabi ni Eric. Nakasakay siya sa backseat at napa-pagitnaan nina Loren at May.

"Saan ka pupunta?"

Hindi siya tumingin dito. Diretso lamang ang direksyon ng ulo niya at nakasimangot na humalukipkip. Inulit nito ang tanong.

"Ang sabi ko saan ka pupunta?"

"Hindi mo ba nakikita? Sasama ako sa mga kaibigan ko sa Manila."

"Eh, kung sabihin ko sa'yo na hindi puwede? May magagawa ka?"

"Bakit ka ba nakikialam?"

"Penelope, huwag mong ubusin ang pasensya ko sa 'yo," mariing sabi nito.

"Huwag mo 'kong turuan ng mga dapat kong gawin. Hindi ako bata, Miguel."

"But you are acting like one. Bumaba ka diyan ngayon din!"

"Eh, kung ayoko, may magagawa ka?"

"Meron. Kakaladkarin lang naman kita mula rito papasok sa loob ng bahay."

Nagtitigan sila ni Miguel. "Bibilangan lang kita ng hanggang tatlo. Isa," simula nito. Hindi siya natinag sa sinabi nito. "Dalawa." Nakaupo pa rin siya. "Dalawa't kalahati..." Nagbabanta na ang tono ng boses nito.

Tumingin siya nang diretso sa mga mata nito at nagdadabog na binuksan ang pinto ng kotse. Dali-daling bumaba si Loren na nakaupo sa gilid para makalabas siya. Binuksan din ni Eric ang compartment para ilabas ang gamit niya at idiniretso ang mga iyon sa kuwarto niya. Hindi na sila nagkapaalaman pa nang maayos ng mga kaibigan niya. Hiyang-hiya siya sa mga ito.

NAGKULONG siya sa silid nang buong araw. Hindi siya nag-almusal, hindi nananghalian, at hindi rin nag-merienda pagdating ng hapon. Mabuti na lamang at may nakatabi siyang biskwit at mga junk food sa kuwarto niya. At least ay nakatagal siya kahit na papaano.

Pero sa totoo lang, gutom na gutom na siya. Iba pa rin ang kanin at ulam. Iyon nga lang, gusto niyang pangatawanan ang hindi pagkain buong maghapon. Pagsapit ng hapunan ay muli siyang kinatok ni Minda para kumain ngunit nagmatigas pa rin siya. Hindi pa rin siya lumabas ng kuwarto.

Ala-una ng madaling araw nang mapagpasyahan niyang bumaba para kumain. Hindi na kasi talaga siya makatagal. Isa pa, hindi rin siya makatulog dahil nga kumakalam ang sikmura niya. Nang marating niya ang kusina ay agad siyang naghanap ng makakain sa ref. May nakita siyang nakatakip na tirang soup at kaldereta. May halabos na sugpo rin. Kukunin na niya sana ang mga iyon para initin nang may marinig siyang kalampag mula sa likuran. Kaya sa halip na pagkain ang kunin ay napadako ang kamay niya sa bote ng tubig para gawing proteksyon sakali. Mabuti na lang at iyon ang ginawa niya dahil ang naroon pala ay si Miguel.

Miguel, My Stepbrother - Paula Justine CruzTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon