Chapter 2

552 14 3
                                    

EKSAKTO alas-sais ng umaga nang umalis siya ng bahay. Matagal-tagal din ang biyahe patungong Zambales at sa humigit-kumulang apat na oras na pagmamaneho ay talagang sasakit ang kanyang balakang. Nang makarating siya sa bungad ng kanilang farm ay mag-a-alas-diyes na ng umaga.

Hindi siya kilala ng nakabantay na guwardiya sa entrance. "Ano ho'ng sadya nila?"

Biglang nainis si Penelope at nanggigigil na hinubad ang shades na suot. Bakit kailangan siyang tanungin sa lugar na kung tutuusin ay siya ang may-ari?

"Kung anuman ang sadya ko, wala ka nang pakialam! Sa akin na lang 'yon! Now open the gate bago ako magwala rito!"

"Aba, hindi naman po yata puwedèyan, Ma'am!" nabiglang sabi ng security guard. Tila nagtataka ito na napakainit ng ulo niya samantalang tinatanong lang naman nito ang sadya n'ya.

"Utos sa amin na tanungin muna ang bawat taong pumapasok sa farm na ito. Kung hindi ninyo sasabihin kung ano o sino ang sadya ninyo, at kung hindi rin po kayo mag-iiwan ng ID, sorry na lang po pero hindi namin kayo mapapapasok."

Lalong umakyat ang dugo niya sa ulo sa narinig. Pero nagawa pa rin niyang ipakita sa guard ang isang ID na dala niya. "Si Penelope Dominico ako. I own this farm. Ngayon, kung gusto mo pang magtagal ka sa trabaho mo, papasukin mo na 'ko bago tuluyang mag-init ang ulo ko sàyo!"

Nagtatakang nagkatinginan ang dalawang security guards. Ang isang naiwan sa guardhouse ay nakakunot-noo pang tiningnan ang malaking arko sa taas na may nakalagay na Dominico County Farm. Kasunod niyon ay ang pagtingin nito sa ID na hawak niya. Sinisiguro marahil kung "Dominico" nga ang nakalagay na apelyido niya roon. Dahil na rin nanaig ang takot nito na baka mawalan ng trabaho ay kakamut-kamot ng ulo na binuksan nito ang gate.

Nakasimangot na pinaharurot niya ang kotse patungo sa pinaka-office ng farm. Ang sadya niya ay ang matandang katiwala ng daddy niya.

Mapalad namang nakasalubong niya ito sa lobby ng opisina ng farm nang papasok siya.

"Mang Ipe!" masaya niyang bati sa matandang tauhan sa kanilang farm. Napatingin sa kanya ang ibang naroon.

"Naku, Ma'am Pen! Kayo po pala!" malugod na ganting-bati nito.

"Kumusta na po kayo?" Natutuwa siya na ni-retain naman pala ng anak ni Aleta ang mga tauhan doon at hindi kumuha ng mga bago.

Pamilyar pa rin kasi kahit na papaano sa kanya ang ilang mukhang nakikita niya ngayon. At least ay hindi nawalan ng kabuhayan ang mga iyon.

Kahit kasi hindi siya nakikialam sa pamamahala ng Dominico Country Farm, alam niyang napakaraming umaasa ng ikabubuhay rito.

Sa tantiya niya ay mahigit sa tatlong daan ang mga tauhan nila roon. Napakalawak ng lupaing iyon at napakadami ng gawain. May piggery, may poultry, may cattlery, at may vegetable farm.

"Pasensya na po at hindi na namin nagawang makapunta sa burol ng inyong ama. Ang nagawa lang po namin ay ipagdasal siya rito at magpadala na lang ng bulaklak. Pero mabuti naman po at nadalaw kayo."

"Naiintindihan ko po." Pagkuwa'y inilapit niya nang kaunti ang bibig sa tainga ng matanda. "Mang Ipe, puwede ho ba tayong mag-usap sa isang lugar na walang ibang makaririnig sa atin?" mahina niyang sabi rito.

Nagpunta sila sa isang silid sa opisina. Magalang na pinaalis ng matanda ang dalawang tauhan na naroon at inutusan ang mga ito na magkape muna.

"Mang Ipe, may gusto po sana akong itanong sa inyo. Nagulat po kasi ako sa nalaman ko na dalawang taon na palang iba ang namamahala rito. Ang balita ko po ay ang anak ng pangalawang asawa ng daddy ko ang nagma-manage ngayon dito."

Miguel, My Stepbrother - Paula Justine CruzTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon