Chapter 12

879 29 6
                                    

ALAS-TRES pa lang ng madaling-araw ay ayos na si Penelope. Nakaayos na rin ang kanyang bagahe. Ang iba nga ay nakalagay na sa kanyang kotse. Nang tulog na ang lahat kagabi ay tahimik siyang bumaba at inilagay na sa kanyang kotse ang mga gamit niya para wala na siyang gaanong problemahin ngayon.

Pumasok muna siya sa silid ni Karen. Nakatuwad pa ito nang mapasukan niya. Napangiti siya. Sarap na sarap pa sa pagtulog ang kapatid niya. Iniayos niya ang pagkakahiga nito at hinalikan ang matatambok na pisngi nito. Sayang at lately na lang niya ito natutuhang mahalin. At sayang din na mapapahiwalay na siya rito ngayon. Siguro, balang-araw magkakasama rin sila uli. Kapag nasa ayos na ang lahat sa buhay niya.

Nasa dulo ang silid ni Miguel. Lumapit siya sa tapat niyon at inilusot sa ilalim ng pinto ang sulat niya para dito. Pagkatapos ay nagmamadali na siyang lumabas ng bahay patungo sa kanyang sasakyan.

Bandang alas-kuwatro pa ang gising ni Miguel. Ganoon din ang gising nina Aling Tina at Minda. Kailangan na niyang umalis.

SAKTO alas-kuwatro y medya ng madaling-araw kung lumabas si Miguel ng kanyang silid para mag-rounds na sa farm. Nakapaligo na siya't nakabihis na rin. Naghahanda na ng almusal si Aling Tina nang pumasok siya sa kusina para mag-agahan na mabilis din niyang tinapos. Palabas na siya ng bahay nang maalalang nakalimutan niya ang kanyang jacket. Bumalik siya sa kanyang silid para kunin iyon. Palabas na uli siya nang mapayuko siya at makita ang isang papel na nakatupi sa sahig na malapit sa pinto. Dinampot niya iyon at mabilis na inalis ang pagkakatupi. At laking gulat niya nang makitang sulat iyon sa kanya ni Penelope.

Miguel, Salamat sa lahat ng mga kabutihang ginawa mo. Hindi ko makakalimutan lahat 'yon. Gusto kong malaman mo na hindi na ako maghahabol pa sa farm namin. Alam ko na kasi ang lahat. Wala na akong karapatan sa Dominico Country Farm. Pabalik na 'ko ng Amerika. Ikaw na muna ang bahala kay Karen, ha? 'Wag mo siyang paba-bayaan. But don't worry. I'll make it up to you someday. Lagi mo akong ikuwento sa kanya para hindi niya 'ko makalimutan. Palagi ka ring magpadala ng mga pictures ninyo. Please extend my apologies to Janet. Alam kong nakaabala ako sa inyo. Again, thank you very much. Sana balang-araw, makagawa rin ako ng kabutihan sa 'yo. Penelope

Napaupo siya sa kama at napatingin sa malayo. Wala ni sa hinagap niya na gagawin ni Penelope ang bagay na iyon. Sana ay nagkausap sila bago ito nagdesisyon ng ganoon. Alam niyang wala siyang karapatan na pigilin ito sa gusto nitong gawin.

Kung gusto na nitong bumalik sa Amerika ay wala siyang karapatang humadlang. Pero kung magagawa pa niya itong habulin ay gagawin niya. Nagmamadali siyang sumakay sa kanyang sasakyan at nilisan ang Zambales. Habang daan, umusal siya ng isang maikling dalangin na sana ay maabutan pa niya ito. Dahil napakaraming bagay ang gusto niyang sabihin at ipaalam dito. Natagpuan niya ang sarili sa harapan ng bahay ng Tita Cynthia ni Penelope. Lumakas din ang kabog ng kanyang dibdib nang makitang naka-park sa harap ng bahay ang kotse nito.

Sinunod-sunod niya ang kanyang pagdo-doorbell. Medyo nakasimangot pa ang maid nang lumabas. Sinabi niya agad kung sino ang sadya niya.

"Si Ma'am Penelope ho ba?"

"Oo. Pakisabi naman na nandito si Miguel."

"Ay, teka po."

Pumasok ang katulong. Di-nagtagal ay lumabas uli ito. Pero ang kasunod nito na lumabas ay hindi si Penelope kundi ang tiyahin nito.

"O, Miguel. Halika pumasok ka na muna."

"Si Penelope ho ang sadya ko. I want to talk to her. Nagpunta ako sa bahay n'ya pero wala naman daw do'n. Kaya naisip ko na dito siya nagpunta. Puwede ko ho ba siyang makausap kahit sandali lang po. Napakarami ko lang gustong sabihin sa kanya."

Miguel, My Stepbrother - Paula Justine CruzTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon