"SIGE na, Pearl," tigas na kakukulit sa kanya ng pinsan niyang si Jenjen. Nasa study table siya at subsob ang ulo sa pag-aaral para sa math quiz niya kinabukasan.
Nakatalikod siya rito. At kung nakikita lamang nito ang hitsura niya habang walang tigil ito sa pagsasalita ay malamang na magsimula na naman ang mga batang away nila. Pinalalaki niya ang mga mata at pinahahaba ang kanyang nguso. Itinataas niya ang kilay at panay ang belat sa kaharap ng dingding.
Kanina pa siya nagme-make face.
Iritang-irita na siya! Kung maaari nga lang singhalan niya ito.
Sa likod niya ay panay naman ang ikot nito sa harap ng full-length mirror ng kanyang tokador. Nakadikit sa katawan nito ang pulang bestida na yari sa malambot na tela. Sabrina-cut ang style niyon at hindi pa lumampas sa tuhod nito ang haba.
Ang damit ay padala pa sa kanya galing Amerika ng kanyang Tita Emee, ang bunsong kapatid ng kanyang ama. At isa iyon sa mga designs nito na nakahilera sa sariling show room nito sa New York. Huling stock na nga raw iyon kung kaya't itinabi na nito para sa kanya.
Napakaganda ng damit na iyon na ang presyo ay hindi pag-aaksayahang bilhin ng kanyang mama. Gawa sa Paris ang fabric niyon at ang lace naman ay sa England. Handmade ang embroidery ng mga silver roses sa gawing dibdib na siyang ikinaespesyal niyon.
Medyo hapit iyon sa baywang. Nang una niya iyong sukatin ay hindi siya makapaniwala sa nakita niya sa salamin.
Sexy pala siya, at bagay sa kanya ang pula. She looked radiant and beautiful.
"Palit na lang tayo ng damit sa JS," ulit pa ni Jenjen.
Ang kapal ng mukha! nanggagalaiting hiyaw ng isip niya.
"Siguro naman, meron ka nang gown na isusuot, ano?" pigil ang sarkasmong tugon niya. Kilala niya ito. Kung February ang JS Prom nila, wala pang Pasko ay nakabili o nakapagpatahi na ito ng damit.
Kahit na hindi pa niya nakikita ang itim na spaghetti-strapped, velvet long-sleeved gown nito na naka-hanger sa loob ng closet nito—na binalutan pa ng plastic para siguraduhing hindi maalikabukan—ay hindi siya magkakamali.
She had known Jenjen to be vain, to the point of conceit. Palibhasa ay pinalaki ito ng nanay nito na nakaharap sa salamin at pinagmamasdang mabuti ang mukha.
Ang Auntie Carol niya ang may-ari ng malaking beauty parlor sa bayan; at kahit kuwarenta y otso na ang edad nito ay sexy at maganda pa rin ito.
Si Jenjen naman, baby pa yata ay isinasali na sa kung anu-anong beauty contest at suwerte namang nananalo.
Pero aminado siyang hindi naman iyon dahil sa suwerte. Totoo namang maganda ang pinsan niya.
At siya, si Pearl Evangelista, ay pinalaki naman ng kanyang papa at mama na nasa harap ng study table at nagbabasa. Grade one pa lang yata siya ay pinagbabasa na siya ng kanyang papa ng broadsheet.
Magmula nang tumuntong siya sa kindergarten school ay hindi pa siya nawala sa top five sa class standing. At ngayong pareho na silang fifteen-years old na magpinsan ay gayon na rin kalaki ang agwat ng kanilang personality.
Si Jenjen ang maganda. Siya ang matalino.
Palagi siyang nasa cream of the crop ng klase. Palaging pambato ng klase sa mga quiz bees at editor-in-chief pa ng kanilang high school paper.
Late-bloomer nga lang siya. Kailan lang siya natutong mag-ipit ng buhok at maglagay ng pulbos sa mukha. Iyong iba niyang kaedad ay nagme-makeup na sa pagpasok sa eskuwelahan.
Hindi naman siya pangit. Kamukha nga raw niya ang mama niyang si Conching. At pila-pila ang mga manliligaw nito noong dalaga pa ito.
Madalas mag-Reyna Elena ang kanyang mama sa mga Santacruzan noong araw. Samantalang ang Auntie Carol naman niya ay Reyna Emperatriz lang. Dahilan siguro kung kaya't pinalaki nito si Jenjen na ang nasa isip, salita, at gawa ay ang pagiging maganda. Pero kahit naman gayon, hindi siya insecure sa kanyang pinsan. Naiinis lang talaga siya rito.
BINABASA MO ANG
Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel Panganiban
Romance"See?" pagbibiro niya kay Nico nang makatayo. Nagsalubong ang mga kilay nito. "I'm really sorry, Lara," anito uli sa babae. Hindi na pinansin ng binata ang pagsama ng mukha nito. Hinawakan na lamang siya nito sa braso at hinila palabas. "Ano ba?" pi...