"Kapag nabore ako, iiwan na kita," babala ni Pearl kay Jenjen habang kumakatok sila sa bahay ng mga Soliven.
Ang lote ng mga Rosales at Soliven ay magkatabi sa Ubas Road, ang kalye kung saan naroon ang mga maykaya sa kanilang lugar.
Habang naghihintay sila ng magbubukas ng gate, ay tanaw niya ang napakagandang disenyo ng terasa ng mga Soliven na nakaharap sa kalsada. Mula roon ay nakita niyang lumabas si Mac, pagkatapos ay bigla ring nawala. Saglit lamang ay nakita niya itong palabas ng entrance door at nagtungo sa gate upang pagbuksan sila.
"Pasok kayo," aya nito sa kanila.
"Nandiyan na 'yong kaibigan mo?" tanong naman ni Jenjen na ang mga mata ay pinaglalakbay sa loob.
Obvious na obvious naman 'to, naisip niya.
"Wala pa, eh," nakangiti pa ring tugon ni Mac. Of all people ay ito na yata ang pinakamanhid. Niluwangan nito ang pagkakabukas ng gate at pinapasok sila. "Sa terrace na lang tayo." Itinuro nito ang hagdanan sa isang gilid ng bahay na direktang paakyat doon. Naunang humakbang si Jenjen, nakasunod naman dito si Mac. Siya naman ay tila tuta na nakasunod lamang sa mga ito. Hindi pa man ay gusto na niyang mapabusangot.
Nang makaayat sila sa terasa ay naabutan na nila ang nakahandang chessboard sa ibabaw ng marble-top table at maayos nang nakasalansan ang mga piyesa. Dalawang upuan ang magkaharap sa mesang iyon. Ang isa pang mahabang sofa ay nasa isang tabi. Sa isa pang mesita ay nakahanda ang mga sandwich at isang pitcher ng juice. Apat na baso ang naroroon at nasalinan na.
Dumiretso si Jenjen sa isang puwesto sa harap ng chessboard. Si Pearl ay dumiretso sa sofa.
"Nasa'n na 'yong kaibigan mo?" pangungulit na naman ng pinsan niya.
"Parating na yon, tinawagan ko na kanina. Paalis na raw ng bahay," tugon ni Mac, umupo ito sa silyang kaharap ni Jenjen. "Gusto mong turuan na kita?"
Pilit ang ngiti ni Jenjen. Alam naman niya kung bakit. Ang gusto nito ay si Nico ang magtuturo rito.
"Si Tita Nikki, Mac?" Ang mama nito ang tinutukoy niya.
"Nasa kitchen, nagbe-bake," sagot nito na hindi man lang siya sinulyapan. Titig na titig ito kay Jenjen. Hindi naman ito pinapansin ng kanyang pinsan. Sanay na kasi ito sa ganoong tingin kaya bale-wala na rito kung titigan man ito ni Mac buong maghapon.
"Pupuntahan ko lang si Tita Nikki," ani Pearl uli. Hindi na niya hinintay na sumagot ito. Tumayo na siya at tinungo ang pintuan papasok sa second floor at dumiretso pababa sa hagdan. Kabisado niya kung saan naroon ang kusina kahit nakapikit.
"Good morning, Tita Nikki!" bati niya kay Mrs. Soliven na abala sa paghahalu-halo ng arina sa isang malaking bowl. Nakasuot ito ng pulang apron; ang buhok ay sapo ng malapad na head band at naka-ponytail sa likod. Hobby na nito ang pagbe-bake.
"Oh! Hi, Pearl," enthusiastic na tugon nito sa kanya. "Nasaan na ang pinsan mo?"
"Nasa terrace na, Tita. Naglalaro na sila ni Mac." Hinila niya ang isa pang mataas na stool at umupo roon. Pinagmasdan niya ang ginagawa nito.
"Aba, eh, bakit narito ka? Makisali ka roon sa mga kaibigan mo."
"Hindi ako mahilig sa chess, Tita. Si Twinkle po?" Ang hinahanap niya ay ang bunsong kapatid ni Mac na three-years old pa lamang.
"Nasa TV room yata. Ipinasaksak sa daddy niya 'yong bagong biling cartoons na DVD."
"Puwede ba akong pumunta roon, Tita?"
"Oo naman. Hala, sige na. Madudumihan ka lang dito," pagtataboy ng ginang. Isinenyas pa nito ang kamay na talagang pinaaalis siya.
Natatawang bumaba siya ng stool. Paglabas ng kusina ay dumiretso siya sa pintuan sa gawing kaliwa ng hagdan. Nakapinid ang pinto niyon bagama't sa labas ay dinig niya ang dagundong ng sounds ng digital video component ng pamilya.
BINABASA MO ANG
Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel Panganiban
Romansa"See?" pagbibiro niya kay Nico nang makatayo. Nagsalubong ang mga kilay nito. "I'm really sorry, Lara," anito uli sa babae. Hindi na pinansin ng binata ang pagsama ng mukha nito. Hinawakan na lamang siya nito sa braso at hinila palabas. "Ano ba?" pi...