Chapter 12

762 16 1
                                    

NAGKULONG si Pearl sa loob ng bahay maghapon. Pinagbilinan niya ang katulong na hindi siya tatanggap ng tawag maliban sa long-distance calls galing Canada.

Ilang beses tumunog ang telepono. Pinatay niya ang ringer volume ng extension sa kanyang silid. Gusto niyang mamahinga nang buong araw.

Hindi niya gustong umiyak, mag-isip, o kung ano pa man. Ang nais niya ay kalimutan ang sarili sa mga oras na iyon.

KINAHAPUNAN ay lumabas din siya ng silid niya. Bumaba siya sa kusina at humingi ng pagkain. Her eyes were already red from crying. Ngunit wala siyang pakialam kung anuman ang konklusyon ng katulong. She was busy preparing for her new plans. One week to go ay babalik na siya sa Maynila. Life would be the same again as it was.

Muling tumunog ang telepono. Kung pang-ilan ulit na iyon sa maghapong iyon ay hindi na niya mabilang. Nakita niya ang katulong na lumapit sa kinalalagyan niyon. Dinampot nito ang telepono at nakipag-usap. Mayamaya ay tumingin ito sa kanya at tinakpan ang mouthpiece.

"Kanina pa po ito tumatawag, Ate," anang katulong sa kanya. "Galit na galit na po."

"Hayaan mo siya," simpleng tugon niya.

KINABUKASAN ng Linggo ay nagpasyang magsimba si Pearl. Hindi niya alam kung dapat ba niyang pagsisihan ang pagpili ng oras na iyon sa kanyang pagsisimba. Di-sinasadya ay nasulyapan niya si Nico na nakaupo sa linyang malapit sa kanya.

Sa kanya ito nakatingin. Nakatitig ito na tila ba binabasa ang kalooban niya. Sumenyas ito nang magkasalubong ang tingin nila.

Umiling siya at ipinag-walang bahala lamang ito. Hindi niya gustong mag-angat ng paningin dahil nararamdaman niya ang mga mata ni Nico na nakatingin pa rin sa kanya.

Nang matapos ang misa ay nagmamadali na siyang humalo sa hugos ng mga taong palabas. Pasikut-sikot siya hanggang sa marating ang gate at agad na nakapara ng tricycle.

"Pearl!" narinig niyang tawag mula sa kanyang likuran. Lalo pa niyang binilisan ang pagsakay sa tricycle. Malayu-layo na ang sinasakyan niya nang magawa niyang lumingon. Naroon pa rin sa sidewalk si Nico. Nakasunod ang tanaw sa kanya. At hindi nakaligtas sa kanyang malinaw na mga mata na galit ito. Sa pagkakataong iyon ay napagalit na niya marahil ito nang husto.

Marahil ay titigilan na siya nito.

SINO'NG niloko niya? asik ni Pearl sa sarili habang nagbibihis ng pambahay sa loob ng kanyang silid. Nawaglit marahil si Nico sa kanyang isip pero hindi sa kanyang puso. Deep inside her, sa kaibuturan ng puso't isipan niya, naroon pa rin ang binata at hinding-hindi naalis.

Tinakpan lamang niya iyon sa pag-aakalang mas mahalaga sa kanya ang ambisyon. O ginawa niya talagang dahilan ang pag-aaral para hindi na muli itong maalala. Hanggang ngayon ay hindi niya matanggap na nakipaghiwalay siya rito para sa kanyang ambisyon. Nagtagumpay nga siya ngunit hindi naman lubos ang kanyang kaligayahan. Something was always missing.

Hindi niya namalayang namamalisbis na pala ang mga luha sa kanyang pisngi.

Umupo siya sa kama. Sapo ng dalawang palad ang mukha ay napahagulhol siya. Iyong iyak na hindi niya nagawa kahit kailan.

Ngayon lang niya aaminin, mahal na mahal pa rin niya si Nico. Mahal na mahal niya na hindi niya pinagsisisihan ang isang gabing nakapiling niya ito. Kahit na nga ba pulos pagkukunwari ang gabing iyon. Hindi na siya mahal ni Nico. May Lara na ito.

SA TAPAT ng gate ng compound nina Pearl ay huminto ang kotse ni Nico. Marahas niyang binuksan ang pinto ng kotse at halos masira iyon nang itulak niyang pasara.

Dumiretso siya sa gate at hindi na nag-abalang kumatok. Suwerte namang bukas ang tarangkahan; wala siyang nakitang tao sa paligid.

Iisa ang tinatahak ng kanyang mga paa. Paliko sa kanan, sa bahay nina Pearl.

Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel PanganibanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon