Wala pa sa plano ni Pearl ang magkaroon ng seryosong crush. Of course, mayroon silang mga crushes ni Corinne. Greatest crush nila si Ryan Philippe. Napanood nila ang artistang iyon sa Cruel Intentions. Isa sa mga pelikulang patago nilang pinanood sa kuwarto niya dahil ang sabi ng marami ay hindi raw pang-high school ang tema.
Oo nga. Hindi pang-high school students ng Pilipinas kundi pang-high school students ng Amerika. Wild. Ilang beses nilang tinakpan ng kamay ang kanilang mga mata. Pero malaki ang awang ng kanilang mga daliri.
Totoo. Wala siyang matinding crush sa kahit sinong kaklase nila o kaeskuwela man. Hindi pa siya seryoso sa ganoong mga bagay. Lalo naman ang magpaligaw at magka-boyfriend.
Hindi dahil sa ipinagbabawal ng parents niya. Liberal naman ang mga ito. Sa katunayan, naikuwento na kaagad niya sa mga ito kagabi sa dinner ang sinabi ni Nico.
Okay naman sa papa niya. Basta raw huwag niyang pababayaan ang kanyang pag-aaral.
Matutuwa si Nico.
Ang problema ay hindi pa siya handang maligawan. At ayaw pa niyang magpaligaw. Hindi kasi siya iyong tipong nililigawan. Ano na lang ang sasabihin ng mga kaklase niya? Ano na lang panunukso ang matatanggap niya? Para na niyang naririnig ang mga sasabihin ng iba. Pati ang sasabihin ni Jenjen. Baka matahin pa siya ng mga ito.
"Si Pearl, nililigawan ni Nicholas Torrefiel? Eh, 'di ba, hindi naman iyon maganda? sasabihin ng mga maaarteng classmates niya na nagpapa-charming sa mga Torrefiel brothers! Ang taba-taba n'on, ah, idadagdag pa ng mga ito.
Naiinis siya sa sarili. Hindi siya naging insecure kahit kanino pagdating sa mukha at katawan. Wala siyang pakialam kesehodang mabagal ang development ng katawan niya. Pero maligawan ng isa sa mga itinuturing na heartthrobs sa school nila... Hihimatayin yata siya.
Kahit na nga ba payat si Nico, guwapo pa rin ito.
Maraming nagkaka-crush sa mga Torrefiel! Iyong mga popular girls pa sa school nila. Lahat ng mga babaeng iyon ay nangangarap na magkaroon ng boyfriend na Torrefiel. Kahit sino sa anim.
Miyerkules ng hapon. Oras ng homeroom nila Pearl. Ang presidente ng kanilang klase na si Theresa ay nasa harap at sinesermunan sila tungkol sa mga kalokohan ng klase.
Siya naman ay nasa puwesto niya sa first row sa gawing pintuan. Nakapangalumbaba at nakatingin sa labas. Bored siya. Hindi siya interesado sa pinagsasabi ni Theresa dahil hindi naman siya kahit kailan nakisama sa mga kalokohan ng iba nilang mga kaklase.
Sila ni Corinne ay kabilang doon sa mga manang at santa ng kanilang klase. Maligaya na silang magkuwentuhan nang pabulung-bulong sa mga bakanteng oras.
Nakapangalumbaba siya habang pilit na inaalis sa isip ang mukha ni Nico nang humarang sa kanyang tinitingnan ang isa ring lalaking junior student na hindi niya matandaan ang pangalan. Sinenyasan siya nitong lumabas. Umiling siya ngunit mapilit ito. Nang hindi makatiis ay tahimik siyang lumabas.
"May naghahanap sa iyo. Ipinatatawag ka ng tita mo, importante raw," sabi nito paglabas niya. "Hayun!" anito, sabay turo sa lalaking nakatayo sa corridor sa di-kalayuan.
Tumiim ang tingin niya dahil hindi niya maaninag ang mukha nito. Nakayuko pa ito. Humakbang siyang palapit.
"Si Nico!" bulalas niya nang unti-unting humugis sa isip ang bulto ng lalaki.
Lumapit ito sa kanya. "Hi," bati nito sa kanya nang huminto siya sa tapat nito.
She smiled shyly. Paano ay nakatutunaw ang ngiti nito. Pati mga matang nakatitig sa kanya ay kung anu-ano ang nababasa niya.
"Para sa iyo."
Mula sa mukha nito ay bumaba ang paningin niya sa tangan ng kamay nito. Hindi siya agad nakahuma nang makita ang two full-bloomed white roses na hawak nito. Long-stemmed iyon at nababalutan ng ribbon ang mga sanga.
BINABASA MO ANG
Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel Panganiban
Storie d'amore"See?" pagbibiro niya kay Nico nang makatayo. Nagsalubong ang mga kilay nito. "I'm really sorry, Lara," anito uli sa babae. Hindi na pinansin ng binata ang pagsama ng mukha nito. Hinawakan na lamang siya nito sa braso at hinila palabas. "Ano ba?" pi...