ANG LAKI ng mga eyebags ni Nico nang magising kinabukasan. Thirty minutes lang naman siyang nakipagkuwentuhan kay Jenjen nang makita siya nitong nakatayo sa kalsada sa labas ng compound. Inaya siya nito sa loob ng compound at sumama naman siya. Doon pa ito nagyaya sa garden nina Pearl. Para daw malaman ni Pearl na naroon siya.
Pero nainip lang siya sa pakikipag-usap kay Jenjen dahil hindi naman lumabas si Pearl. Akala niya ay matutuwa ito dahil naroon siya sa garden. Panay pa nga ang sulyap niya sa bintana ng silid nito. Pero pinagsarhan lang siya nito ng bintana. Galit ito sa kanya, alam niya.
Kaya matamlay siya nang umagang iyon. Ni wala pang tatlong kutsara ng kanin at fried bacon ang nalunok niya.
HABANG sakay ng tricycle papasok ay buhos na buhos ang pag-iisip ni Nico kay Pearl. Nag-iisip siya ng mga strategy para mapasagot niya ito.
He couldn't just let her go. Hindi ngayon na nakilala na niya ito. Gagawin niya ang lahat mapasagot lang ito. Sukdulang magpaka-Andres de Saya siya sa dalaga.
Nang bumaba siya ng tricycle ay medyo magaan na ang loob niya.
ALIGAGA naman si Pearl sa pagsusuklay ng buhok sa loob ng comfort room. Patingin-tingin sa kanya si Corinne na para bang ibang tao ang kasama nito. Nasa mukha nito ang paninibago sa kanya. Lalo pa itong nagtaka nang ilabas niya ang face powder na lihim niyang kinuha sa vanity mirror ng mama niya at apply-an ang mukha.
"Oh, my golly! Sta. Lucia! Sta. Ana! Sta. Paquita, kung meron man ganoong santa," eksaheradong sabi nito. "Naghihimala ang langit at magugunaw na ang mundo!"
"Bakit ba?" pakli niya habang ipinagpapatuloy ang walang kawawaang pagpupunas ng powder sa mukha. Ano ba naman ang malay niya sa pagpapaganda?
"Iyan ang bakit?" turo nito sa ginagawa niya. "Iyan pala ang nagagawa ng taong in love. Ganyan pala ang nangyayari sa mga batang maagang kumekerengkeng."
"He!" singhal niya. "Masama ba ang magpolbo? Kung ikaw nga, minsan naka-lipstick na... o!" Pinigil niya ito nang magtangkang tumanggi. "Marunong akong tumingin sa totoo at pekeng kulay ng mga labi mo, 'no! Minsan nakikita kong glossy iyan at mapula. Eh, kulay-bukayo ang mga labi mo."
"Sira!" Nauna na itong lumabas sa kanya. Bababa pa sila sa school ground para sa flag ceremony.
"Pero, aminin mo na..." bulong ni Corinne nang nasa pila na sila. Lumapit pa ito sa kanya at idinikit ang bibig sa tainga niya. "Type na type mo si Nico kaya ka nagkakaganyan."
Siniko niya ang kaibigan at muntik nang madagil ang dibdib nito.
"PUWEDE ba kitang ihatid?" lakas-loob na lapit ni Nico sa magkaibigang Pearl at Corinne na magkasabay na naglalakad sa shed palabas ng gate ng campus. Halu-halong emosyon ang nasa mukha nito habang hindi malaman kung paano tatayo sa harapan ni Pearl. Recess time ay hindi ito magpakita sa kanya.
Pinipigil niya ang mapangiti. Halu-halo ang mga emosyong nababasa niya sa mga mata nito: pangamba, hiya, at takot. Takot? Bakit naman ito matatakot sa kanya? Hindi naman siya nangangain ng tao. Siguro ay natatakot na mapahiya na naman.
Si Corinne ay natawa na lamang. "I think I'm in love... I think I'm in love... with you... Ohh..." kanta nito at nagpauna na sa paglalakad.
Kapwa sila walang imik ni Nico habang magkaagapay na nakasunod. Patuloy pa rin sa pagkanta si Corinne. Pulang-pula naman ang mukha niya.
"Dito na lang ako," narinig niyang sabi ng kaibigan. "Hiwalay uli ako sa iyo, best friend. Para naman magkaroon ng chance si Nico na mag-propose."
Napakamot na lamang sa batok si Nico.
Sumakay na sa tricycle si Corinne.
"SI JENJEN?" tanong ni Pearl kay Nico nang mapag-solo na sila. Hindi niya alam kung papara na rin siya ng tricycle o maglalakad na lang. Tutal, malapit lang ang subdivision nila mula sa school.
BINABASA MO ANG
Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel Panganiban
Romance"See?" pagbibiro niya kay Nico nang makatayo. Nagsalubong ang mga kilay nito. "I'm really sorry, Lara," anito uli sa babae. Hindi na pinansin ng binata ang pagsama ng mukha nito. Hinawakan na lamang siya nito sa braso at hinila palabas. "Ano ba?" pi...