Chapter 3

413 8 1
                                    

"Ang OA mo naman," naiinis na komento ni Jenjen kay Pearl. Nasa harap ito ng kanyang tokador at nagsusuklay ng buhok. Kahit nakatalikod ito sa kanya, alam niyang nakasimangot ito.

Pagkakain lang ng miryenda ay nagbago na ang mood ng pinsan niya. Akala pa naman niya maghapon itong magpapa-charming kay Nico. Pero pagkatapos nitong lantakan ang isang slice ng cake, nagpaalam na ito. Wala siyang nagawa kundi sumunod dito.

Nahulaan na niya. Naaasar ito sa kanya dahil sinira niya ang araw na inaasahan nito. Pagkakain kasi kanina ng miryenda sa mga Soliven ay nasira na ang mood nito. Hindi kasi nito nakausap si Nico. Hindi man lang kasi ito tinapunan ng binata ng tingin. At kung mayabang lamang siya ay sasabihin niyang siya ang pinagpapansin ni Nico kanina at hindi si Jenjen.

Hindi niya maitatanggi na malimit niya itong mahuli na pasulyap-sulyap sa kanya kanina habang kumakain sila.

"Mga titig na tila na-love at first sight sa isang babae! Nakakakilig naman. Tse! Ang lakas mong mag-ilusyon, Pearl," sita niya sa sarili.

Napangiti siya sa pag-iisip na iyon.

Sa unang pagkakataon ay parang naisahan niya si Jenjen. Feeling beautiful tuloy siya ngayon. Kahit sigurado siyang ni katiting ay wala namang gusto sa kanya si Payatot.

"Ano'ng OA doon? Eh, sa nabigla nga ako paggising ko na nandoon siya sa harap ko. Hindi ko nga kilala 'yong tao," naalala niya ang nabungarang hitsura ni Nico na nakatitig sa kanyang legs. Para siyang kinilabutan na kinilig na hindi niya mawari.

"Bakit tumili-tili ka pa? Baka naman nagpapansin ka na roon, Pearl. Akin 'yon," tila batang paalala nito. "Magiging boyfriend ko iyon."

Naiiling na lamang na humiga siya nang patihaya sa kama at pinagmasdan ang kisame; ang ulo ay nakaunan sa magkasalikop na mga kamay. Naalala pa niya ang mukha ng matangkad na payatot.

May hitsura si Nico. Guwapo pa nga kung magkakalaman lang ito nang husto. Bagay sa hugis ng mukha nito ang maigsi nitong gupit. Ang mga mata nito ay tila nangungusap. Katamtaman ang tangos ng ilong nito na bahagyang malaki ang butas. Pero hindi masagwa.

Ang masasabi niyang talagang asset nito ay ang mga labi nito. They were perfect. Kulay-old rose pa. Iyon daw iyong tinatawag na kissable lips.

At makinis ang kutis nito at isa lang yata ang taghiyawat.

Higit sa lahat ay matangkad ito. Maganda ang bone structure. Okay ring maglakad. Hindi kuba. Confident pa nga.

Payatot nga lang.

"Ano'ng iniisip mo riyan?" hindi nakatiis ay sita ni Jenjen sa kanya nang makita nitong pangiti-ngiti siya nang wala namang dapat ngitian. Tila nagdududa ito.

"Wala," tugon niya.

Tumiim ang tingin nito. "Sasagutin ko na si Nico bukas," anitong nakatingin sa kanya. "Ipangako mo na hindi mo sasabihin kahit kanino. Kahit sa mga schoolmates natin, at lalo na kay Mama."

Naguguluhang napatango na lamang siya. Eh, ano ba? Kung gusto nitong magka-boyfriend, ano naman ang kiber niya roon?

PARANG nagkatotoo ang sinabi sa kanya ni Jenjen kahapon. Recess time nila at kasama niya ang best friend niyang si Corinne. Kumakain sila sa ilalim ng isang puno sa school grounds habang nilalantakan ang biniling tig-isang chicken sandwich at soft drink.

Nakita niyang bumababa si Nico sa hagdan ng building. Tila galing ito sa third floor kung saan naroon ang mga classrooms nilang mga third year students.

Hinulaan na niyang pinuntahan nito ang pinsan niya at sa wari ay totoo ang kanyang hinala. Kasunod nito si Jenjen. May sinasabi ito kay Nico na sa wari niya ay hindi naman pinakikinggan ng binata. Nakahawak pa nga ang kamay nito sa binata, parang pinipigil ito sa paglalakad.

Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel PanganibanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon