"PUWERA bisita! Puwera bisita!" Alingawngaw ng tinig mula sa megaphone. Inaayos ni Pearl ang dala niyang backpack sa ibabaw ng mahabang upuan. Sa mga kasama niyang teheras ay nangakapuwesto na rin ang mga kagaya niyang pasahero. Ang mga naroroon naman para maghatid ay nagkani-kaniyang gayak para makababa ng barko.
Masuwerte at kakaunti lamang ang mga pasaherong bumili ng ticket para sa air-conditioned room at iilan lamang silang umoccupy ng mahahabang teheras na dapat ay pang-apatang mga pasahero kapag puno ang barko. Makakaunat siya ng higa sa durasyon ng biyahe. Wala siyang kaagaw sa napiling puwesto.
"Puwera bisita! Puwera bisita! Paalis na ang barko!" muli niyang dinig kasabay ng pag-ugong ng makina ng MV Sta. Monica patungong Abra de Ilog, Mindoro galing Batangas Pier.
Tiningnan niya ang oras sa suot na wristwatch at napagtantong alas-tres na ng hapon. Iyon ang huling biyahe para sa araw na iyon. Ang susunod ay mamaya pang ala-una ng madaling-araw.
Umayos siya ng higa sa mahabang upuan. Tatlong oras na lang at dadaong na sila sa Abra de Ilog at pitong oras pa bago siya makarating ng bahay sa San Jose. Mahaba-habang biyahe subalit wala siyang choice.
Pinakiramdaman niya ang paligid habang nakahiga. Ramdam na ramdam niya ang mabining mga alon.
Ah! Kailan ba siya huling umuwi? Tatlo? Apat na taon?
Pagka-graduate niya ng kursong Accountancy sa Maynila ay dalawang linggo rin siyang umuwi sa San Jose. Ngunit bakasyon grande lamang iyon. Natulog lamang siya at kumain, ni hindi nga siya lumabas ng bahay para maglibot at pasyalan ang mga kakilala at kaibigan.
Mas marami pa nga ang pagkakataong lumilipad siya patungong Canada kung saan nakabase ang kanyang mga magulang. Tuwing Pasko at mahahalagang okasyon siya pumupunta roon. Ang kanyang papa ang sumasagot sa kanyang round trip ticket.
Third year college siya nang ma-approve ang petition nila sa Canada. Ngunit nagpaiwan siya dahil graduating na siya noon. Isa pa, balak niya talagang tuparin ang kanyang pangarap na maging isang abogado kaya kailangan niya talagang magpaiwan para makapag-aral ng Law.
At ngayon ay nagre-review na siya para sa nalalapit na bar exam sa susunod na taon. Sandali na lamang ang bubunuin niya at makababalik na rin siya sa San Jose for good.
AGAW-TULOG na si Pearl nang istorbohin ng isang malakas na paghagok. Mabigat ang talukap ng kanyang mga mata dahil wala pa siyang diretsong tulog mula pa kagabi. Hinintay niya kasi ang supposed to be flight niya sa eroplano nang ma-cancel iyon.
Nagpatuloy ang maingay na paghilik na talaga namang nakaririndi. Sing-ingay niyon ang makina ng barko dangan lamang at nasa loob sila ng aircon room kaya't disimulado. Ang pumalit naman ay ang tila pagod na pagod na paghagok at paghilik na sa hula niya ay nagmumula sa isang napakalaking tao. Malaking tao lamang ang makagagawa ng gayong ingay.
Tinakpan niya ng face towel ang tainga at idiniin ang pikit ng mga mata. Ngunit nagising na siya; buhay na buhay sa kanyang pandinig ang paghilik na iyon. Tila iyon bumabarena sa kanyang tainga. Sumasakit na ang kanyang ulo.
Naiinis na bumangon si Pearl at luminga sa paligid. Nakita niyang may ilan sa mga pasaherong idinadaan na lamang sa pagbabasa ng diyaryo ang natitirang oras sa pagbiyahe.
Narinig niyang muli ang hilik. Luminga siya at pinakiramdaman kung saan iyon nanggagaling. Nang muli niyang marinig ay humantong ang kanyang mga mata sa isang taong nakahiga sa teheras na katapat sa kanya. Isang lalaki. Napatitig siya rito.
Malaking tao ito. At base sa pagkakalawit ng mga binti nito sa teheras at pagkakalapat ng mga paa sa sahig ay nahulaan na niya kung gaano ito katangkad. Nakaharap sa kanya ang ulo nito ngunit hindi niya maaninag ang mukha dahil may nakatakip iyong asul na panyo. Tulog na tulog ito.
BINABASA MO ANG
Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel Panganiban
Romantizm"See?" pagbibiro niya kay Nico nang makatayo. Nagsalubong ang mga kilay nito. "I'm really sorry, Lara," anito uli sa babae. Hindi na pinansin ng binata ang pagsama ng mukha nito. Hinawakan na lamang siya nito sa braso at hinila palabas. "Ano ba?" pi...