Chapter 7

407 10 0
                                    

ANG BILIS ng panahon, pansin ni Pearl sa kalendaryong nasa ibabaw ng kanyang study table.

Inalis niya ang tingin doon at tumitig naman sa picture frame na katabi niyon.

Picture nila ni Nico.

Kuha iyon ikatlong buwan magmula nang sagutin niya ang binata nang yayain siya nitong mag-dinner date.

First time niyang lumabas sa gabi na nakasuot ng evening dress. Isang simpleng straight cut na murang asul. Sleeveless at hanggang tuhod ang haba. Malambot ang tela niyon. At si Nico naman ay naka-midnight blue na polo at gray na slacks. Bagay na bagay sila.

Tanggap na tanggap si Nico ng pamilya niya. "Kuya" na nga ang tawag dito ng kapatid niya.

Kahit siya ay labas-masok na rin sa bahay nina Nico. Ilang beses na rin siyang nag-stay roon nang maghapon.

Magkasundo na rin ang pami-pamilya nila. "Balae" na kung magtawagan ang papa niya at ang tatay nito. Maging ang mga ina nila ay madalas na magkuwentuhan ng tungkol sa kanilang dalawa.

Enjoy na enjoy niya ang pagkakaroon ng first boyfriend. Lalo na at marami ang nagsasabing pumayat na siya. Nagkaroon din ng resulta ang pagdidiyeta niya. Kung siya ay pumayat, si Nico naman ay hindi pa rin tumataba. Payatot pa rin ito. Pero lalo lamang itong gumuguwapo sa paningin niya habang nagtatagal.

Naging inspirado rin siya sa maraming bagay. Naging inspirasyon niya si Nico sa pag-aaral. Hindi gaya ng ibang mga kasing-edad niyang nagka-boyfriend lang ay nakalimutan nang asikasuhin ang pag-aaral. Siya ay lalong nagpursigeng mapataas ang mga grades.

Kaya lamang ay mayroon siyang nag-iisang problema kay Nico.

"ANG TAGAL mo naman, Kulas," iritadong salubong ni Pearl kay Nico nang bumungad ito sa pintuan ng kanilang classroom. Nitong mga huling linggo lamang niya nakasanayang tawagin itong "Kulas".

Nadulas lamang ang dila niya noong minsang datnan siya nitong nag-aaral sa hardin nila at hablutin ang hawak niyang notebook.

Mula noon ay natatawag na niyang "Kulas" si Nico. Lalo na kapag bad trip na bad trip siya.

Nakapamaywang na siyang tumayo at dinampot ang bag sa katabing armchair. Totoong naiinis na siya. Siya na lang ang natitira sa floor na iyon. Nauna nang umalis si Corinne.

Bagama't alas-kuwatro pa lamang ay wala na ni isang estudyante sa building dahil ang lahat ay nasa school ground at nanonood ng mga laro.

Intramurals nila, kaya halos karamihan ng mga estudyante ay nasa school ground at nanonood ng mga laro. Isa iyon sa mga huling events ng kanilang high school life.

Fourth year na siya at ilang buwan na lang ay graduation na.

Naiinip na siya sa paghihintay rito. Seven months na rin sila ni Nico at unti-unti ay parang nawawala na ang amor niya rito.

Mayamaya pa ay nakita na niya itong humahangos na palapit sa kanya. Tila napansin na nito ang pagkainip sa mukha niya.

"Ten minutes pa naman bago ang usapan nating oras, ah," pagpapaliwanag nito. Hahalik sana ito sa pisngi niya subalit umiwas siya. Napapahiyang kinuha na lamang nito ang bag niya.

Nauna na siya sa paglabas ng classroom. Padabog siyang naglakad.

"SORRY na," narinig niyang sabi ni Nico mula sa kanyang likuran.

Lalong napasimangot si Pearl. Mula't sapul ay gayon na ang naririnig niya kay Nico kapag bad trip siya. Sorry na lang nang sorry. Kahit siya ang dahilan. Kahit ang dahilan lang ay ang mga walang kapararakan niyang pagta-tantrums.

Sa Akin Lang Ang Iyong Puso - Raquel PanganibanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon