Sa paglatag ng kumot na mga bituin
naroon siya, nag-iisa sa dilim
pinagmamasdan ang mga magkatipan
hawak-kamay na binabaybay ang daan.Tila ba lagi siyang nag-aabang,
sa kung ano, hindi niya rin alam
Walang katapusang paghihintay
palamuti sa gabing nalulumbay.Napakalawak ng madilim na mundo
Awit ng kulisap ay 'di na magkatono
masakit ang hampas ng kaibigang hangin
pero 'di nagpatinag, sanay nang 'di piliin.Naturingang walang sariling kislap
mabuti pa nga ang munting alitaptap
Kung 'di mag-aalay ng liwanag ang araw,
sa gabi'y tuluyan nang di matatanaw.Gustong sumali sa kumpulan ng bituin
ngunit siya'y naiiba, di rin papansinin
Nasanay nang maging tagamasid
habang ang iba'y nagsasaya sa paligid.'di kaya siya nagpapagod mag-isa,
sa malalim na gabi, takot kaya siya?
Humiling din kaya siya sa mga bituin,
na ayain minsan palayo sa madilim na papawirin.'di kaya siya napapagod maghintay
Sa walang tanglaw na paglalakbay
Nalulungkot din kaya ang buwan,
umiiyak kasabay ng pagpatak ng ulan?
BINABASA MO ANG
nang Lumuha ang Buwan
PoetryNag-iisa, nag-iisip, tumatangis. Nang napako ang mata sa kadiliman ng gabi saka niya napagtantong siya'y may kakampi, tinangay ng malamig na hangin ang kalungkutan puso'y napanatag nang lumuha ang buwan.