Chapter 1

2.2K 21 0
                                    

"Bakit ngayon pa itinaon ni Harvey ang pag-uwi rito?" reklamo ni Citas. Pang-ilang beses na itinanong iyon sa kapatid buhat nang malamang tumawag ang pamangkin at sinabing magbabakasyon ito roon nang ilang linggo kasama ang kaibigan.

Hindi man lang nag-angat ng mukha si Albert mula sa binabasang dyaryo habang nag-aalmusal. "Why not? Bahay din niya ito," ang malumanay na sabi.

"Maari siyang umuwi kahit kailan at kahit anong oras niya gusto, hindi ba?"

Bahagyang gumapang ang init sa mukha ni Citas. "Alam ko. Ang sabi ko lang, bakit ngayon pa? Kung kailan nakahanda na ang lahat para sa gagawing party sa Sabado ng gabi."

Kasabay ng party ang pagbubukas ng gallery sa hotel kung saan ie-exhibit ang gawa ng mga local na artists, partikular na ang mga gawa ni Inno Contis.

Inis na ibinaba ni Albert ang hawak na dyaryo at hinarap ang kapatid. Alam niya, hindi titigil si Citas hangga't hindi nareresolba ang pinoproblema nito.

"Ano'ng gusto mong gawin ko?"

Sandaling hindi nakaimik si Citas. "I don't know with you," anito. Huminga ng malalim. "Ang sinasabi ko lang naman, I don't want Harvey or one of his awful girlfriends fouling things up. Kabisado mo naman ang takbo ng utak ng anak mo. He will do anything just to spite me."

Napabuntunghininga si Albert. May basehan ang kaba ni Citas. Kahit kailan ay hindi nagkasundo ang kanyang anak at ang kapatid. Kung ano ang ayaw ni Citas, tiyak, iyon ang gagawin ni Harvey.

"Gusto mong pagbawalan kong umuwi si Harvey, ganoon ba?"

Naglubag si Citas nang makita ang expression ng mukha ng kapatid.

"Alam mo kung anong klaseng mga babae ang inuuwi rito ng anak mo. Tulad nu'ng punkista na isinama niya rito two summers ago. Por Dios, may tattoo pa sa pusod at sa dibdib na ang sabi ay mahilig sa painting. Ang alam lang naman palang pinturahan ay ang talukap ng mga mata at ang buhok. Saan ka nakakita ng buhok na green at pula, parang parrot? Nang malasing, nagsayaw na nang hubo't hubad sa ibabaw ng mesa sa harap ng mga bisita. Iyon pala, cultural dancer nga sa Japan, nagsasayaw ng itik-itik na ang tanging costume ay ang panyo sa ulo. God, nakakahiya. Ayokong mapahiya."

Huminga nang malalim si Citas upang wari'y pakalmahin ang sarili. Ngayon at nakuha na nito ang attention ng kapatid, kailangang maganda ang argument. "Kuya, alam mo kung gaano kaimportante para sa akin ang pagbubukas ng gallery. Gusto kong maging matagumpay ito. Kaya nga, nag-anyaya pa tayo ng mga taga-media mula sa Maynila. Pinagkagastusan natin sila."

"Harvey is a celebrity here. Baka sa halip na ang tungkol sa exhibit at sa bagong bukas na gallery ang isulat ng mga reporters na iyon, mas gustuhin pa nilang isulat ang latest tsismis tungkol sa anak mo at kung sino mang girlfriend na kasama. Matatabunan ang real purpose kung bakit sila inanyayahan ditto, ang i-promote ang exhibit at ang gallery."

"I-promote si Contis, you mean," matabang na sabi ni Albert.

Hindi agad nakakibo si Citas. "Kuya, the man is a genius! He just need to start somewhere."

Hindi na niya sinalungat iyon. Nakita rin niya ang mga gawa ni Contis at naniniwala na siya na may hinaharap ito sa pagpipinta. Magaganda ang mga seascape nito. Kaya nga siya pumayag na tulungan ito.

Lumaylay ang mga balikat ni Citas sa kawalan ng reaction ng kapatid. "You just don't care if I succeed or not, do you?" Napasinhot ang babae sabay dampi ng putting panyo sa mga mata. "Sabagay, ano lang naman ba iyong pagod ko na mawawala kung sakali, hindi ba?"

Alam ni Albert kung gaano kaimportante para kay Citas ang gallery. It was her gallery, kahit nap era niya ang ginamit ditto. Nang matapos sa kolehiyo si Citas, mas pinili nitong magtungo sa Amerika. Pinayagan na rin ito ni Albert. Ginastusan niya ang pag-a-abroad ng kapatid. Hindi magkasundo ang kanyang asawang si Rina at si Citas. Nakapagtrabaho si Citas sa isang art gallery sa California. Doon nabuhay ang interest nito sa art. Nang mamatay si Rina, may sampung taon na ang nakararaan, umuwi si Citas sa Boracay. Ang sabi ay para alagaan silang mag-ama. Hindi na niya itinanong iyon. Nagsisimula nang gumanda ang negosyo niya sa Boracay. Naging busy na siya.

"She became his housekeeper and in return, she had her place with the elite society on the island.

Dati, kuntento na ito sa pagtatrabaho para sa ibang tao na gustong magdaos ng art exhibit sa mga hotels sa Boracay. Nakikihati sa karangalang tinatanggap ng iba. Ngayon, hindi na sapat iyon para kay Citas. Alam ni Albert, matagal na rin ang pangarap ng kapatid na magkaroon ng sariling pangarap bilang patroness of the arts.

"Wala kang dapat ipag-alala, Citas. Hindi type ni Harvey ang ganoong pagtitipon kaya malabong dumalo iyon."

Nasa mukha pa rin ni Citas ang pangamba. Tinapik ni Albert sa balikat ang kapatid. "Just don't provoke him, okay? Kakausapin ko siya." Tumayo na siya. "Papasok na ako."

Ilang sandali pa'y patungo na si Albert sa hotel. May isang kilometro ang layo sa bahay niya. Nilalakad lang niya iyon o kung minsan ay binibisikleta. Pinaka-exercise niya iyon to stay trim, maliban sa madalas na paglalangoy tuwing umagang-umaga.

Ang bahay niya ay nakatayo sa taluktok ng mataas na lupa na nakapanunghay sa dagat. May kalahating ektarya ang pinaka-grounds nito. Napapaligiran ng makapal na halamang namumulaklak para magkaroon sila ng privacy. Laging maganda ang umaga sa Boracay. Nangingislap ang puting buhangin sa dalampasigan. Ang blue-green na tubig-dagat na habang papalayo ang tingin ay nagiging asul. Sa ganoong oras, maraming tao sa beach. Habang tumataas ang araw ay papadami ng papadami ang tao. Lagging masaya ang paligid lalo na kapag ganoong summer.

Napabuntunghininga si Albert. Kung minsan, natutukso siyang lumipat sa Maynila, tulad ng nais ni Rina noon. Ngunit hindi niya magawang iwanan ang Boracay. Dito siya isinilang at marahil, ditto na rin siya mamamatay. Dati'y isa lang iyong maliit na pamayanan, kung saan ang ikinabubuhay ng mga tao ay pangingisda at pagtatanim ng mga gulay. Sino ang mag-aakalang magiging isang tanyag na tourist spot ang Boracay, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Maaga silang naulila ni Citas. Nasa ikatlong taon siya ng kursong Engineering sa state college sa Aklan nang mapasama sa lumubog na barko ang kanilang mga magulang. Huminto siya sa pag-aaral at si Citas na lang ang pinagpatuloy na noo'y nasa ikatlong taon pa lang sa high school.

Walang naiwang kabuhayan ang mga magulang nila kundi ang may sampung ektaryang lupaing iyon na nasa isla. Mabato, medyo mataas na lugar. Madalang ang tanim. Ang tanging bentahe roon ay nakaungos ito sa dagat.

Minana pa iyon ng yumaong ina sa mga magulang nito. Walang hilig sa lupa ang kanilang ama. Isa itong mangingisda. Ang lupa, hinayaan lang na nakatiwangwang. Naggugubat. Maraming lumapit sa mag-asawa upang bilhin ang lupang iyon. Gusto na ipagbili ng kanilang ama at ibibili na lang ng bangkang de-motor na gamit sa pangingisda ngunit hindi pumayag ang kanilang ina.

"Para iyan sa mga anak mo, baling-araw," sabi nito. Tuwing summer, maraming dumarayong nagpi-picnic sa lugar nila dahil sa maputi ang buhangin at malinaw at mababaw ang tubig-dagat sa gawing iyon.

Pagdating ng tag-araw, gumagawa ang ama nila ng maliliit na kubo-kubo, pinauupahan sa mga nagpi-picnic. Iyon naman ang binabantayan nila ni Citas at ng nanay niya."

""Darating ang araw, gaganda ang lugar na ito," sabi ng kanilang ina. "Pagdating ng araw na iyon, yayaman tayo, mga anak. Makakatikim na rin kayo ng ginhawa."

Ngunit hindi na naabutan ng kanilang mga magulang ang pagdating ng araw na iyon. Walang alam na hanapbuhay si Albert. Tumutulong lang siya sa ama sa pangingisda o sa pagtatanim ng gulay kapag bakasyon. May nakuha silang kaunting pera mula sa shipping company sa pagkamatay ng mga magulang. Iyon ang pinuhunan, nagsimula si Albert ng isang maliit na negosyo. Buy and sell. Pinapakyaw niya ang mga huli ng mga mangingisda sa kanila at dinadala sa Aklan. Pagbalik, may dala na siyang ibang mga paninda, ibinabagsak sa mga tindahan sa isla.

Kahit paano, nakaraos silang magkapatid. Natustusan niya ang pag-aaral ni Citas. Hanggang sa simulang mag-boom ang tourism sa bansa. Maraming mga developers ang dumayo sa Boracay. Namili ng mga lupang patatayuan ng resort. Habang mas malapit sa dagat, habang mas maganda ang beach front, mas mahal ang bayad.

Maraming lumipat kay Albert para bilhin ang lupa nila. Ngunit hindi siya pumayag. May sarili na siyang plano sa lupang iyon.

Hindi naman niya kayang i-develop ang lupa niya na siya lang. Kailangan niya ng kapitalista. Naghanap siya ng partner. Isinosa niya ang tatlong ektaryang lupa nila. Ginawa nilang resort. Middle and working class ang target clientele nila. Nagtayo sila ng mga cottages na kaya ng mga bakasyonistang on a budget.

Lugi sila sa unang taon ng operasyon. Kung mayroon man silang tinubo, iyon ay ang mag-ina niya: sina Rina at Harvey.

Napangiti si Albert sa bahaging iyon ng alaala...

Isang Gabing Pag-ibig - Maureen ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon