NARARAMDAMAN niya ang unti-unting pag-angat ng eroplano sa lupa. Nahigit ni Michelle ang hininga, mahigpit na naihawak ang kamay sa armrest ng upuan.
"Hey, are you really nervous?" Ginap ni Harvey ang kanyang nanlalamig na kamay.
"Sabi ko sa iyo, ngayon lang ako sasakay sa eroplano," aniya.
"Relax, parang ka rin lang nakasakay sa bus," anang binata. Hindi niya binitiwan ang kanyang kamay hanggang hindi nararamdamang nagre-relax si Michelle.
Pagkaraan ng ilang minuto, pumatag na ang lipad ng eroplano. "See?" nakangiting sabi nito.
Pinakawalan niya ang hangin na naipon sa dibdib. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa kamay ni Harvey.
Tumawa si Harvey. "Puwede ka nang sumilip sa bintana. Makikita mo sa ibaba."
Malakas siyang umiling. "Malulula ako. Baka dito pa ako magkalat," sabi niya.
Actually, hindi lang ang pagsakay sa eroplano ang first time sa biyahe niyang ito. First time din niyang magbiyahe ng malayo. Sa Pasay siya ipinanganak, lumaki at nagkaisip. Ang pinakamalayong nararating pa lamang niya ay ang Cavite at Laguna. First time din na magkakahiwalay sila ni Karen nang matagal-tagal. Dalawang linggo. First time din siyang sumama sa bahay ng boyfriend upang ipakilala sa magulang nito. There were lots of "first times" on this trip.
Niyaya siya ni Harvey na magbakasyon sa Boracay. Tagaroon ang mga magulang ng binata. May pinamamahalaang resort daw ang ama nito. Boracay... Agad na umiling si Michelle. May kilala siyang taga-Boracay din noon, but that was ten years ago...
Para sa kanya, kapag ipinakilala na siya ng lalaki sa magulang, parang seryoso na ang relasyon. And she never really believed na ganoon nga kaseryoso si Harvey sa relasyon nila. Una, bata pa ito. Mas matanda siya rito ng apat na taon. Twenty-two pa lang ito.
Pero hindi siya tinigilan ni Harvey sa kakukulit hangga't hindi siya napapayag.
"You've never been to Boracay, have you? It's a paradise. Lalo na kapag summer. Maraming turista. Maraming activities sa isla."
Na sinang-ayunan naman ng nanay niya.
"Hindi mo pa naranasang magbakasyon sa malayo, bakit hindi ka pumunta? Naririto naman ako na magbabantay kay Karen."
Napapayag din si Michelle. Nag-file siya ng dalawang-linggong bakasyon. Mas excited pa si Karen at ang nanay niya sa napipintong pagbabakasyon niya kaysa sa kanya. It was the real vacation she'd ever had magmula nang magtrabaho siya sa hotel may anim na taon na ang nakakaraan.
Taga-Boracay ang ama ni Harvey. Doon na rin isinilang at lumaki ang binata. Nang mag-aral sa college, saka lang ito lumipat ng Maynila.
Naikwento na sa kanya ni Harvey na matagal nang biyudo ang ama nito. Twelve years old pa lang ito noon.
"Mahal na mahal siguro ng tatay mo ang nanay mo," sabi niya.
Ikinibit lang ni Harvey ang mga balikat.
"Ano ba ang ikinamatay ng nanay mo?" curious na tanong niya.
"Vehicular accident," aniya.
Sumulyap si Michelle sa katabi. Nakasandal si Harvey at nakapikit. "A-ano na lang ang sasabihin ng tatay mo kapag nag-uwi ka ng babae sa inyo?"
"He won't mind," sabi ng binata na bahagyang nagbukas ng mata at tumingin sa kanya.
"Dahil sanay nang nag-uwi ka ng babae sa inyo?" Nakangiti siya pero seryoso ang dating.
Umayos ng upo si Harvey. Inakbayan siya. "Mitz, you're not just any other woman. You're my girl." Kinabig siya nito pasandal sa dibdib. "Inaamin ko naman, e. Lagi akong may kasamang umuuwi sa Boracay, pero iba ka sa kanila. Huwag kang mag-alala, safe ka roon. May chaperon ka, si Auntie Citas, ang kapatid ni Papa na sumunod sa kanya. Para iyong dragon. Laging nakabantay," natatawang sabi nito. "Ang tatay ko naman, okay lang iyon. Mabait, jeproks."
BINABASA MO ANG
Isang Gabing Pag-ibig - Maureen Apilado
RomanceIsang gabing pag-ibig. Iyon lang ang pinagsaluhan nina Albert at Michelle. At iyon ay may sampung taon na ang nakararaan. Ngunit ang karanasang iyon ang nagpabago sa buhay ni Michelle. Sinikap niyang kalimutan na lang ang nakaraan. Ngunit hindi siya...