Chapter 6

611 11 0
                                    

"Mahirap lang sina Michelle. Dispatcher sa Baliwag Transit ang kanyang ama, at ang ina ay nagbabangketa lang sa Baclaran. Ngunit kahit mahirap lang sila, pilit na iginagapang ng mga magulang na mapagtapos siya sa pag-aaral.

First year college na siya sa darating na pasukan. Pinag-iipunan ng mga magulang ang kanyang pampa-enroll. Gusto niyang makatulong sa mga magulang. Pinakiusapan niya ang mga ito na payagan siyang magtrabaho, kahit sa buong summer vacation lang. Gusto niyang makaipon ng pambili ng gamit sa pag-aaral. May maliit na bar ang Ninong Ronnie niya sa Ermita. Dating kapitbahay nila ito sa apartment nila sa Pasay, ngunit pinalad na makapagtrabaho sa Japan. Nang bumalik, nagtayo ng sariling negosyo. Iyon nga ang bar at tindahan ng mga imported na alak.

Menor-de-edad pa si Michelle. Hindi pa siya maaaring mag-apply sa malalaking establisyimento at hahanapan siya ng medical certificate. Ngunit kahit bata pa, malaking bulas siya at medyo mataba pa. Marami pang baby fats. Puwedeng dayain ang edad.

Alam naman ni Mang Deo na hindi ipapahamak ng kumpare ang anak, pumayag na ito. Ang schedule ni Michelle ay mula alas-dos ng hapon, kung kailan nagsisimulang magbukas ang bar, hanggang alas-nuwebe ng gabi. Tinuruan siya ni Ninong Ronnie na magtimpla ng alak at mag-serve. Madali naman niyang natutuhan iyon.

Enjoy naman si Michelle sa trabaho. Lalo't malakas sa tip. Hindi naman siya mababastos ng mga customers at malayo naman siya sa mga ito. Malaking tulong sa kanila ang pagtatrabaho niya sa Ronnie's Liquor and Wine. Hindi na problema ng mga magulang ang pambili niya ng gamit sa school.

Nag-enroll siya sa UE, kumuha siya ng Hotel and Restaurant Management. Nagkasundo sila ni Ninong Ronnie na puwede siyang mag-part-time tuwing weekend at tuwing holiday.

Katabi ng Ronnie's ay art gallery at antique shop. Kapag may exhibit sa gallery, si Ronnie ang nagce-cater ng wine. Semestral break. Nasa Ronnie's Liquor and Wine uli si Michelle. Nataong may opening ng exhibit sa gallery. Tinawag ni Ronnie si Michelle. "Ikaw ang isasama ko kapag nag-cater tayo sa kabila," sabi nito.

Tuwang-tuwa si Michelle. Mahilig siyang tumingin-tingin sa mga paintings na naka-display kapag napapadaan siya roon. Naging ka-vibes niya si Artee, ang may-ari ng shop. Binabae ito. Natutuwa ito dahil sa ipinapakita niyang interest sa mga paintings.

Sa tuwing mapapadaan siya sa shop, nakakakuwentuhan niya si Artee. Marami siyang natutuhan tungkol sa mga paintings at mga antiques mula rito.

"Magbihis ka nang maganda. Formal iyong party," sabi ni Ronnie. Binigyan siya nito ng pang-upa ng cocktail dress at pampa-parlor. "It's a black-dress affair."

Itim na cocktail dress na yari sa satin at lace ang napili niya. Mahaba ang manggas; above-the-knee ang haba ng laylayan. Medyo mahaba ang cut sa leeg. Litaw ang cleavage ng may-kalusugang dibdib. Medyo asiwa siya noong una, ngunit in-assure siya ng may-ari ng panteahan ng gown na bagay sa kanya iyon at disente namang tingnan."

Itinaas ng hairdresser ang kanyang buhok.

Nasiyahan siya sa ayos niya. Nagmukha siyang sosyal at nag-mature nang kaunti ang itsura niya. Natuwa si Artee nang makita ang ayos niya.

"That's my girl! Ayokong magmukhang waitress ka rito."

Isang kiming ngiti ang naging tugon niya.

Importante ang okasyong iyon. Isang tanyag na Filipino painter ang mag-e-exhibit. Mga pawang kilalang tao at mga art patroness ang imbitado.

Ipinuwesto nila ang bar sa isang corner ng gallery. Doon sa hindi makakasagabal sa mga tao. Maging ang Ninong Ronnie niya na siyang nakatalaga sa bar ay naka-black coat and tie. Si Michelle ang magse-serve ng alak. Kahit na naroroon siya para magtrabaho, nag-e-enjoy pa rin siya. Hindi lang sa pagtingin sa mga paintings kundi sa pagtingin sa mga bisita. Lalo na sa mga babaing bisita. Nagkikislapan at naglalakihan ang mga suot na alahas sa katawan. Nagagandahan ang mga suot na gowns. Iyong walang mga maipakita sa harap, ipinakikita ang likod.

Isang Gabing Pag-ibig - Maureen ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon