Chapter 4

637 10 1
                                    

PAGBABA nila sa airport, lumipat sila sa bus patungo sa pier. Mula roon, sasakay sila ng ferryboat patungo sa isla.

"M-magbabarko pa tayo?" ani Michelle.

"Yes. Sandali lang naman, less than an hour," anang binata. Binitbit na nito ang bag nila. Nakipila sa mga sumasakay sa ferryboat.

Huminga nang malalim si Michelle, palihim na nag-antanda bago sumunod. Sa pagtingin pa lang niya sa banayad na pag-alon ng dagat, parang nahihilo na siya.

"First time mo ring sasakay ng ferryboat?" anang binata.

Tumango siya. Hindi pa man umuusad ang ferryboat, parang babaliktad na ang kanyang sikmura.

It was the longest journey she had ever taken. Sabuong paglalayag ng ferry mula sa Aklan patungong Boracay ay hindi na siya nakalabas ng banyo. Suka siya nang suka hanggang sa mapait na ang lumalabas sa bibig.

Labis na nag-alala ang binata. Hindi malaman ang gagawin. Naroroon ang paghagod sa kanyang likod. Hilamusin siya ng maligamgam na tubig. Paamuyin ng kontra sa hilo.

"Dapat pala, uminom ka ng Bonamine kanina," sabi nito.

Nanlalata ang kanyang pakiramdam nang dumaong ang ferry sa pantalan. Sila ang kahuli-hulihang pasaherong bumaba. She was so glad nang muling makatuntong sa lupa ang mga paa.

May lumapit sa kanilang isang lalaking nasa katanghaliang taong gulang na rin. "Harvey!?" tuwang sabi nito.

"Mang Arthur!" masaya ring bati ng binata. Inakbayan nito ang nobya. "Mang Arthur, si Michelle ho. Mitz, si Mang Arthur, ang dakilang assistant ni Daddy."

"Kumusta ho kayo?" ang tanong ng dalaga.

"Mabuti naman, Miss..."

"'Michelle' na lang ho," aniya.

"Sana, magustuhan mo ang pagbabakasyon dito sa amin, Michelle," nakangiting sabi nito.

"Sigurado ho," aniya. "Ngayon pa lang ho ako nakarating dito. Ang ganda-ganda nga pala rito."

Tulad din ng ibang taga-isla, very proud naman si Mang Arthur kapag pinupuri ang lugar. Pagkuwa'y binatbit na nito ang kanilang mga bagahe at dinala sa sasakyan na nakaparada sa di-kalayuan.

Open ang magkabilang side ng sasakyan. Sa likod sila umupo para makita nang mabuti ang view. Ngunit hilo pa si Michelle para ma-appreciate nang husto ang kagandahan ng lugar.

"Si Daddy?" tanong ni Harvey sa matandang lalaki.

"May sinamahang mga guests sa pag-iscuba diving," sabi ni Mang Arthur.

Habang daan, ina-update ni Mang Arthur si Harvey sa mga nangyayari sa isla. Nakikinig lang si Michelle sa usapan ng dalawa.

"Kapag special ang mga guests sa hotel, si Daddy mismo ang nag-eentertain sa kanila," kuwento ni Harvey kay Michelle.

PAGHINTO ng sasakyan sa porch, bumukas ang main door at lumabas ang isang may-katabaang babae nasa mid-thirties na marahil. Blonde ang buhok. Malalaki ang mga alahas sa katawan.

"Mama Citas!" nagtatawang sabi ni Harvey at pabuhat na niyakap ito.

"Harvey! Ibaba mo nga ako!" galit na utos sa pamangkin. Nakangising ibinaba naman ito ng binata.

Tumingin it okay Michelle. Wari'y sinusuma ang kabuuan ng dalaga.

"Michelle, this is Tita Citas. Tita, si Michelle," pakilala ni Harvey sa dalaga.

"Hello, Mrs. Yuchengco. Magandang tanghali po," aniya.

"Yuchengco?" kunot-noong ulit ni Citas.

"I'm sorry, sweet, nalimutan kong sabihin sa iyo, apelyido ng mommy ko ang ginagamit ko sa banda. Actually, it's Harvey Albert Yuchengco Almonte."

Isang Gabing Pag-ibig - Maureen ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon