"ANG SABI mo, Mommy, two weeks kang magbabakasyon. Bakit ka umuwi agad?" pangungulit ni Karen sa ina. Nakaupo ito na magkakurus ang mga paa sa ibaba ng kama ng ina.
"Kasi nga, kailangan ni Harvey na bumalik agad dito sa Maynila. Di ba, naaksidente nga si Tom, iyong drummer nila?"
Pagbaba nga nila sa domestic airport ay nakabandera sa mga tabloids ang pagkakaaksidente ni Tom, ang kaibigan ni Harvey at drummer ng grupo nito. Iyon ang idinahilan ni Michelle sa oras na pagbabalik nila ni Harvey.
Sumilip si Aling Nena sa kuwarto ng mag-ina. "Bakit hindi mo muna hayaang makapagpahinga ang mommy mo?" sabi sa apo. "Pagod siya sa biyahe."
"Pagod ka, Mommy?"
Natawa si Michelle sa anak. "Halika nga uli rito!" Niyakap niya ang bata. "Saka kaya po ako umuwi agad, kasi nami-miss kita." Pinupog niya ng halik ang anak.
"Miss you, too!" Malambing na yumakap si Karen sa ina.
May ilang araw pang natitira sa kanyang dalawang-linggong bakasyon ngunit nag-report na agad si Michelle sa trabaho.
Tulad ng dati, kapag may problema siya, trabaho ang napagbabalingan. Pagdating ng gabi, pagsayad ng ulo sa unan, tulog na agad siya upang pagkaraan lang ng ilang oras, muli siyang magigising. Hindi na uli siya makakatulog.
MAGDADALAWANG linggo na buhat nang dumating siya mula sa Boracay.
"Mommy, kailan pupunta rito si Kuya Harvey?" tanong ni Karen.
"Busy siya," sabi niya. "Bakit?"
"Iyon kasing pangako niya sa akin. Bibigyan niya ako ng poster na may signature ng mga kabanda niya," sabi ni Karen. "Mommy, kapag tumawag siya sa iyo, ipaalala mo, ha? Baka nakalimutan na niya."
Tumango na lang siya.
Nakikinig lang si Aling Nena sa usapan ng mag-ina. Matamang inoobserbahan ang anak. Kagagaling lang niya sa bakasyon, ngunit sa halip na mukhang nakapagpahinga, mukha siyang aburido.
"May nangyari ba sa Boracay, hindi ba?" banayad na tanong ni Aling Nena nang sila na lang ng anak sa sala.
Kabisado na siya ng ina; hindi siya makakapagkaila. Napabuntunghininga si Michelle.
"Bakit hindi mo pa sabihin kay Karen ang totoo?" sabi ng ina.
Napangat siya ng mukha. "Ano ho'ng totoo?"
"Na nagkagalit kayo ni Harvey. Split na kayo, hindi ba?"
Nais matawa ni Michelle sa lengguwahe ng ina. Sa isang banda, mahilig manood ang nanay niya ng mga balitang showbiz.
"Mabuti nang alam ni Karen ang real score ninyo ni Harvey. Para naman hindi na umaasa ang bata na magkikita pa sila. Alam ko, mas bata sa iyo si Harvey, Michelle, pero ang mahalaga, kasundo niya si Karen."
Pupuwedeng paniwalain na lang niya ang ina na split na nga sila ni Harvey, ngunit ayaw naman niyang magsinungaling. Nagsinungaling na siya noon...
"N-nagkita ho kami ng tatay ni Karen," pagtatapat niya. Noong una, hindi siya napilit ng mga magulang na ipagtapat kung sino ang ama ni Karen.
Pagkaraan ng limang taon, saka niya sinabi kung sino ang ama ni Karen. By that time, wala na silang magagawa.
Si Aling Nena naman ang nabigla. "Sa Boracay?"
Tumango siya.
"Alam mong naroroon siya?"
"Alam kong tagaroon siya pero hindi ko alam na naroroon pa rin siya. Nabigla nga rin ako nang makita ko siya. K-kung alam kong naroroon siya, h-hindi naman ako pupunta roon."
BINABASA MO ANG
Isang Gabing Pag-ibig - Maureen Apilado
RomanceIsang gabing pag-ibig. Iyon lang ang pinagsaluhan nina Albert at Michelle. At iyon ay may sampung taon na ang nakararaan. Ngunit ang karanasang iyon ang nagpabago sa buhay ni Michelle. Sinikap niyang kalimutan na lang ang nakaraan. Ngunit hindi siya...