Chapter 3

473 5 0
                                    

"HELLO, sis! Kumusta ang biyahe mo?" bungad ni Tomas nang makita si Tanya.

Gusto niyang mapailing. Maluwang ang ngiting nasa mga labi ngayon ng kapatid at halatang hindi gaanong binibigyan ng pansin ang problema sa babuyan ng kanilang kapitbahay.

Hindi katulad niya na halos pumutok na ang ulo sa kaiisip kung saan kukuha ng salaping ipantatapal sa problema nito.

Balak niyang pagalitan ang kapatid ngunit nang makita ni Tanya ang lapnos na balat sa balikat ni Tomas ay lumambot ang kanyang puso.

"Kuya Tomas, ano ba naman ang ginawa mo? Tingnan mo nga yang braso mo, nang dahil sa kaka-experiment mo sa mga sirang makina ng sasakyan ay muntik ka nang matusta."

"Wala ito, sis." Pinunasan nito ang kamay na puro grasa.

"Ano ba talaga ang nangyari? Bakit pati ang nanahimik na babuyan ni Mang Narding ay nasunog?"

Iiling-iling na sumagot si Tomas. "Sis, hindi ko naman akalain kasi na sasabog 'yong makina nang i-start ko ang sasakyan. Hayun, namalayan ko na lang ang pagkalat ng apoy. Mabuti nga't mabilis akong nakalabas doon."

"Kuya, hindi ba't nasa bakanteng lote ka nagro-road test? Paanong nangyaring nakarating ang apoy sa piggery?"

"Nòng time kasing iyon ay hindi ko naalis ang mga tuyong dayami. Kaya hayun, mabilis na kumalat ang apoy. At sa malas, bukod sa kawalan ng tubig gawa ng tubong inaayos sa bayan ay matagal bago rumesponde ang nag-iisang bombero dito sa Sta. Catalina."

Nanghihinang napaupo si Tanya sa bangko. "God! I bet, hindi man nadamay ang lahat ng alaga ni Mang Narding, tiyak na malaking halaga ang gugugulin sa pagpapagawa ng isang babuyan. At walang ibang sasagot sa pampagawa niyon kundi tayo dahil ikaw ang may kasalanan kung bakit iyon nasunog."

Banayad na tinapik ni Tomas ang balikat ng bunsong kapatid. "Huwag kang mag-alala, bago dumating ang takdang petsa na ibinigay sa akin ng matandang iyon ay may paraan na akong maiisip. Ako'ng bahala!"

Sinimangutan niya ito. "Kuya, kung mag-e-experiment ka na naman sa makina ng sasakyan para lang kumita nang malaki ay huwag mo nang ituloy ang balak na iyon. Baka lalo lang madagdagan ang ating problema. You see, hindi pa nga tayo nakakatapos sa problema natin sa lupang nakasangla, heto't may panibago na naman."

"Leave it to me, sister. Nakausap ko na si Franco, 'yong gumagawa ng kaha ng mga sasakyan. Nangako siya sa akin na kukuhain niya akong latero sa trak na kanilang gagawin. Malaki rin ang kikitain ko doon."

Naiiling na lamang si Tanya. "Bahala ka na nga."

TAPOS na silang maghapunan nang dumating sa tahanan nina Tanya si Carol.

"Iha, napasugod ka yata," ani Soledad nang mabungaran ang pamangkin.

"Nabalitaan ko ho kasi kay Kuya Tomas na umuwi si Tanya."

Napalabas ng kuwarto si Tanya nang marinig ang boses ng pinsan at matalik na kaibigan. "Carol!" masaya niyang agaw sa atensyon nito. Napabaling ito sa kanya. "Bruha, ba't hindi mo man lang ako dinaanan sa bahay?"

"Pasensiya ka na. Hindi kasi ako sa highway bumaba kundi nag-shortcut ako nang umuwi dito."

"Ha? Bakit?"

Ikinuwento niya rito ang nangyari kanina. Ang tungkol kay Jonathan ay inireserba niya. Mamaya na lamang siya magkukuwento kapag napagsolo sila ni Carol.

"Ikaw, kumusta ka na?" baling niya rito.

"Mabuti naman. Kung ang love life ko ang kukumustahin mo, eh, mabuting-mabuti dahil may boyfriend na ako," kinikilig na pagbabalita nito.

Nakatadhanang Puso - Sheryll BarredoWhere stories live. Discover now