NAGKATOTOO ang nasa isip ni Tanya. Nang marating nila ang Novo Hotel at magkaagapay nilang tinalunton ang main entrance, ay nakasunod ang tingin sa kanila ng lahat ng naroroon.
They made a striking couple. Makatawag-pansin ang guwapong mukha ni Jonathan na lalo pang naragdagan ang karismang taglay sa taas nito at sa prominenteng balikat na bakas sa suot nitong polo shirt.
Samantala, tunay na kaakit-akit si Tanya sa black dress na suot. Inihantad ng kanyang kasuotan ang makinis niyang mga braso't balikat. Mas naging kapansin-pansin din ang perpektong kurba ng kanyang katawan.
Ang treinta y singkong edad ni Jonathan ay hindi naging alangan sa edad ni Tanya. Kahit nagsisimula na ang show ay bumabati lahat nang makapansin kay Jonathan. Pagkatapos naman iyon ay ipinapakilala siya ng lalaki sa mga ito.
Feeling "Cinderella" nang mga sandaling iyon si Tanya. Ang basahan niyang suot kanina ay parang magic na pinalitan ng kanyang fairygod mother nang isang magarang gown. At kasama sa magic na iyon ay ang pagbibigay ng isang prinsipe sa katauhan ni Jonathan.
Mapait siyang napangiti. Tulad ni Cinderella, ang gabing iyon ay may katapusan. Bukas ng umaga ay gigising siyang wala na ang mga magagandang bagay na iyon.
Dalawang oras ang itinakbo ng naturang fashion show. Pasado-alas-dose na nang lumabas sila ng Novo Hotel. Tamang-tama ang oras ng paghatid sa kanya ni Jonathan pauwi. Inabutan niyang nasa sala pa si Carol.
Gaya ng inaaasahan ni Tanya, nagtaka ang pinsan sa naging ayos niya. At bago pa ito magtanong ay niyaya niya kaagad ito sa silid nito. Doon niya inilahad ang mga pangyayari.
BUMALIK na si Tanya sa Maynila dahil sa kanyang trabaho. Ilang araw pa lamang siyang naroroon nang dalawin siya ni Carol.
"May problema ba?" Kinabahan siya sa biglaang pagluwas ng pinsan.
Natawa ito nang mahina. "Wala."
"Eh, bakit napasugod ka rito?"
"Dito kasi ako sa Manila magpapagawa ng wedding gown," nahihiyang tugon ni Carol.
"Ibig mong sabihin magpapakasal ka na?"
Namilog ang kanyang mga mata.
Marahan itong tumango.
"Ang bilis naman yata."
Napayuko si Carol. "Sa susunod na taon pa sana ang balak namin ni Greg. Pero ang Itay, gusto niya ngayon na. Paano, nalaman niyang nakitulog ako noong isang gabi sa bahay nina Greg. Nagkasakit kasi siya, eh," mahaba nitong paliwanag.
"Ako ba ang gagawin mong maid of honor?"
"Siyempre naman. Ikaw ang best friend ko. Kaya lang..." Kusang inihinto ni Carol ang sasabihin.
"Kaya lang ay ano?"
"Kaya lang baka hindi ka um-attend sa kasal ko kapag nalaman mo kung sino ang best man namin."
Tinaasan ni Tanya ng kilay ang sinabi nito.
"Sino?"
"Yung boss nina Greg at Isagani. Si Jonathan Perez."
"H-ha? Bakit ngayon ko lang yata nalaman na si Jonathan ang boss nila?"
"Industrial partner lang si Mr. Ching. Ang totoo talagang may-ari ay si Jonathan. Ano.. pupunta ka ba?"
Nagkibit siya ng mga balikat. "Bahala na... kung papayag si Itay na um-attend ako kahit naririyan si Jonathan."
Maluwang ang ngiti ni Carol sa narinig. "Huwag kang mag-alala dahil nasabi ko na kina Tita Soledad. At pumayag sila. Tutal naman daw ay kasal ko naman iyon at sandali lang kayong magkakasama ni Jonathan."

YOU ARE READING
Nakatadhanang Puso - Sheryll Barredo
Romance"Shut up!" singhal niya rito. Alam na niya ang ibig tukuyin ng binata. "Kung inaakala mong mahal kita, you're deeply wrong. Si Isagani ang mahal ko." Maluwang ang ngiting napinta sa mga labi ni Jonathan. "You're lying.:" anas nito. "Sinasabi mo lang...