Chapter 8

621 6 0
                                    

BISPERAS ng kasal nina Carol at Greg. Nakaugalian na sa probinsiya ang magdaos ng kasiyahan sa gabi bago ang takdang kasal kinabukasan. Halos lahat ng kamag-anak ni Carol sa magkabilang panig ng ama't ina nito ay naroroong lahat. Maging ang mga magulang ni Tanya ay naroroon.

"Siyanga pala, Tanya, inimbitahan ko si Isagani na pumunta ngayong gabi," pagbibigay-alam ni Carol sa kanya. Magkatulong nilang tinatapos na sulatan ang ilan pang pirasong pigurin na anghel na magiging giveaways nito sa kasal.

"Ganoon ba?" bale-wala niyang tugon.

"Ano'ng ganoon ba? 'Di ba ang sabi mo ay gusto mo siyang bigyan ng chance. Kaya sinasabi ko sa iyong pupunta si Isagani para ipaalala sa iyo ang ipinangako mo. Baka kasi kapag nakaharap mo 'yong tao ay tarayan mo na naman."

Naiiling na tiningnan ni Tanya ang pinsan. "Sinabi ko nang gusto kong bigyan ng chance si Isagani. Pero hindi nangangahulugan iyon na ako ang magpapakita ng motibo sa kanya, 'no!"

"Sus!" Eksaheradong napabuntong-hininga si Carol. "Nagpapaalala lang naman ako. Alalahanin mo mamaya lang ay narito na rin si Jonathan. Natural lang na imbitahan namin siya ni Greg dahil best man siya sa kasal namin."

Biglang natigilan si Tanya sa narinig. Kung pupunta mamaya ang binata ay magkakaroon siya ng pagkakataon na iparating dito na totoong may nobyo na nga siya. Subalit nakokonsiyensiya naman siya dahil kinakailangang gamitin niya si Isagani para maiwasan si Jonathan. Pero wala naman siyang ibang maisip na paraan.

"Bilisan na natin ang pagtatapos nito. Inaayos na yata sa ibaba ang mga equipments na gagamitin sa sayawan mamaya."

Lihim na pinagmasdan niya ang masayang kilos ng pinsan. Pagdaka'y may naramdaman siyang lungkot nang maisip na bukas ay hindi na gaya ng dati ang lahat. May Greg na itong dapat pag-ukulan ng panahon at hindi na puwede ang nakagawian nilang pagkukuwentuhan ni Carol na inaabot ng madaling-araw.

"Mag-asawa na rin kaya ako," aniya na basta na lamang sumagi sa kanyang isip. Subalit mabilis niyang ipinigil ang ulo nang lumarawan sa balintataw niya ang anyo ni Jonathan. Isang kahangalan ang naisin kong dalhin ang pangalan ng lalaking iyon!

NAGSISIMULA pa lamang kumagat ang dilim ay dumadagsa na ang mga tao sa maluwang na bakuran nina Carol. At dahil doon ay nagkukumahog na ang ikakasal sa pag-aasikaso sa kanilang mga bisita at kamag-anakan. Tumulong din sa pag-aasikaso sina Mang Almario at Aling Soledad. Ang mga ito ang in-charge sa mga pagkaing ihahain. Ngunit isang oras pa lamang ang nakalilipas ay sumuko na sa pagod ang dalawang matanda dahil sa dami ng mga bisita.

Patang-pata ang katawan ni Tanya nang dumalang ang mga taong nagsisipagkuha ng makakain sa mahabang lamesa. Kaya sinamantala niya ang pagkakataon, pumuwesto siya sa sulok kung saan malaya niyang isinandal ang katawan sa tumba-tumbang upuan.

Sa kinapupuwestuhan ay tanaw niya ang pag-indayog ng mga kabataan sa maharot na tugtugin na kasalukuyang pumapailanlang sa hangin. Tanaw niya rin ang pinsan at ang nobyo nito na nakatayo sa bungad ng bakuran upang salubungin ang mga bisitang dumarating. Bahagyang tumaas ang kilay ni Tanya at umalis sa pagkakasandal sa rocking chair nang makilala ang dalawang bagong dating.

"Ano'ng ginagawa ng babaeng 'yan dito?" asar niyang tanong sa sarili habang pinagmamasdan si Rina sa maarte nitong pagkakaangkla sa braso ni Jonathan. Sa hitsura pa lang ng babae ay halatang hindi nito feel ang makihalubilo sa mga naroroon. Marahil, kaya lamang ito sumama ay dahil kay Jonathan.

Lalong nagbangon ang inis sa dibdib ni Tanya nang makalipas ang ilang sandali ng pakikipaghuntahan nina Jonathan at Rina sa mga ikakasal ay nakihalo na ang dalawa sa mga nagsasayaw ng sweet sa gitna ng sayawan.

"Hi!" anang tinig ng isang lalaki mula sa kanyang likuran.

Nagulat pa siya nang makita si Isagani. Mas gumuwapo ito kaysa noong huli nilang magkita.

Nakatadhanang Puso - Sheryll BarredoWhere stories live. Discover now