"ANG SUSUNOD kong aawitin ay para sa mga taong kapiling namin ngayong gabi. Maraming salamat ho sa pagpunta."
May ngiti sa mga labi ni Tanya nang ipalaganap ang tingin sa loob ng di-kalakihang bar na pinagtatrabahuan niya bilang isang singer. Dalawang taon na siya roon at masasabi niya na malaki na ang naitulong sa kanya ng Jetro's Bar. Hindi man niya magawang maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo — tulad ng una niyang balak nang lumuwas sa Maynila — ay malaking ginhawa naman sa kanyang pamilya ang perang kinikita niya gabi-gabi sa pagkanta at pagpapatawa sa mga taong dumadayo roon.
Karamihan ng mga kasamahan ni Tanya ay mga bakla. Mas kuha ng mga ito ang kiliti ng kanilang manonood kapag sa larangan na ng pagpapatawa. Wala man sa mood si Tanya sa gabing iyon ay ibinuhos pa rin niya ang galing sa pagkanta. Pilit na iwinaglit niya pansamantala ang problemang natanggap kanina lamang umaga nang tumawag ang kanyang kapatid na lalaki mula sa probinsiya. Ang pagkabalisa na nasa dibdib niya ay lalo lamang naragdagan nang mapadako ang tingin niya sa isang sulok. Hindi man ganap na maaninag ang mukha ng matangkad na lalaki ay sapat na ang liwanag na tumatama rito upang makita niya ang matiim na pagkakatitig nito sa kanya.
Sanay na si Tanya na matitigan ng mga lalaking customers. Karamihan pa nga ay hindi nag-aalinlangan na lapitan siya para lamang sabihin na kamukha niya ang Hollywood actress na si Catherine Zeta-Jones. But this time, kakaiba sa lahat ang mga matang taglay ng lalaking walang sawa sa pagtitig sa kanya ngayon. She found herself unable to look away from him.
Pamilyar sa kanya ang lalaki ngunit hindi niya lamang ganap na maalala kung saan at kailan niya ito unang nakita. Ang matiim na titig nito ang sanhi upang mapansin ang pagkabalisa niya sa gitna ng entablado. Masigabong palakpakan ng mga tao ang nakapagpaalala kay Tanya kung nasaan siya ng mga sandaling iyon. Natapos niya ang pagkanta nang hindi namamalayan.
What was happening to her? Bigla siyang nataranta sa titig lang ng lalaking pamilyar sa kanya ngunit hindi naman niya maalala kung sino ito.
"Salamat!" tanging namutawi sa mga labi niya bago bumaba ng entablado at magtungo sa backstage.
"TANYA, may problema ka ba?" maarteng tanong ni Gerardo. "Napansin kasi namin na kanina ka pa matamlay at parang hindi mo alam ang ginagawa mo sa stage."
Sinundan nito si Tanya nang tunguhin niya ang dressing room. Doon ay binura niya ang makapal na makeup niya sa mukha. Last song na niya kanina at wala siyang balak na tapusin ang show tulad ng nakasanayan niyang gawin.
"Meron. May problema na naman kasi sa bahay," kibit-balikat niyang sagot. Seventy-five percent lang ang katotohanan sa isinagot niya sa kausap.
May iba pang dahilan kung bakit bigla siyang hindi naging komportable sa pagkanta kanina. Iyon ay dahil sa lalaking nakamasid sa kanya. Inilabas niya mula sa malaking bag ang maong pants at white T-shirt na ipampapalit niya sa midriff na suot at black fitted jeans na pang-ibaba.
"My dear, hindi ka na ba mawawalan ng problema sa pamilya mo?" Babaeng-babae ang kilos ni Gerardo nang maupo sa silyang nasa harapan ng dressing mirror.
Hindi siya kumibo sa tinuran ng kasamahan. Namalayan niya ang pagdantay ng palad nito sa kamay niyang nakapatong sa ibabaw ng table.
"Tanya, kung sakali mang nabibigatan ka na sa problema mo. Narito lamang kami ng mga kapatid mo sa Jetro's. Hindi namin magagawang talikuran ang itinuturing naming bunsong kapatid dito."
Napangiti siya at natutuwa sa pag-aalok ng tulong nito. Sa lahat ng kasamahan niya ay ito ang madalas niyang kausap kapag masama ang loob niya o may masaya mang nangyayari sa kanya.
"Salamat. But it's a family problem, Ge." Tapos nang ayusin ni Tanya ang mga gamit sa loob ng malaking bag. Handa na siya sa pag-uwi sa dormitoryong tinutuluyan na ilang kanto lang ang distansiya mula sa bar na pinagtatrabahuan.
YOU ARE READING
Nakatadhanang Puso - Sheryll Barredo
Romance"Shut up!" singhal niya rito. Alam na niya ang ibig tukuyin ng binata. "Kung inaakala mong mahal kita, you're deeply wrong. Si Isagani ang mahal ko." Maluwang ang ngiting napinta sa mga labi ni Jonathan. "You're lying.:" anas nito. "Sinasabi mo lang...