Chapter 6

584 8 0
                                    

MULING umuwi si Tanya sa Sta. Catalina nang sumunod na linggo upang tulungan si Carol sa pag-aasikaso sa nalalapit nitong kasal.

Pagdating niya sa kanila ay agad siyang inurirat ng ina tungkol sa itim na damit na nakita nito sa kanyang tokador.

'Mukhang mahal ang pagkakabili mo sa damit na iyon, ah,' anito.

'H-hindi ho sa akin ang damit na itim,' nauutal niyang wika.

'Aba'y kanino iyon? Iyon ba ang mga klase ng damit na isinusuot mo sa pinagtatrabahuan mo?'

Marahan siyang napatango. 'Sa kasamahan ko ho iyon. Nagkaroon ho kasi kami ng party sa trabaho at kinailangan ko nang ganoon klaseng damit. Biglaan kasi kaya pinahiram na lamang ako ng damit.'

Ayaw niyang magsinungaling subalit mas mabuti na ang gayon kaysa naman malaman ng mga ito ang totoong nangyari — na nakikipag-ugnayan siya sa isa sa mga Perez.

Kung bakit kasi hindi niya kaagad naisauli ang naturang damit. Naipasya niyang dapat na niyang ibalik iyon sa lalong madaling-panahon.

PAGKATAPOS ni Tanya na mananghalian ay nagbihis siya ng pang-alis na damit.

'Saan ka pupunta, anak?' tanong ni Almario nang makasalubong siya sa ibaba ng bahay.

'May lakad ho kami nina Carol,' pagkakaila niya.

'Ano bàyang nasa supot, ha?'

'D-damit ho ni Carol. Naiwan niya ho ito nang matulog siya rito.'

'Ganoon ba? Mag-iingat ka na lang. Huwag kang gaanong magpapagabi.'

'Oho.'

Dire-diretso nang humakbang si Tanya palayo sa kanila. Nang makarating sa highway ay agad niyang pinara ang jeep na patungo sa San Martin.

ILANG sandali pa ang lumipas ay nasa bukana na siya ng rancho ng mga Perez. Kahit sa malayo ay kitang-kita niya ang malaking bahay na animo palasyo sa pagkakatayo niyon sa gitna ng malawak na lupain.

Nahigit niya ang hininga sa matinding paghanga. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tatapak siya sa lupain ng kaaway.

Muli siyang napatingin sa bahay nina Jonathan. Ilang taon na rin niyang hindi nakikita ang ama nitong si Danilo.

Noong musmos pa sila ng kanyang Kuya Tomas ay madalas silang mapadaan doon kapag isinasama sila ng kanilang ama sa tuwing magpapagiling sila ng palay sa kanugnog na baryo.

Madalas nilang makita ang isang lalaking animo panginoon na nakasakay sa kabayo habang nagmamando sa mga tauhan sa rancho nito.

Subalit ngayon ay wala na si Danilo sa malawak na lupaing iyon. Nakakulong na ito ngayon sa silyang de gulong at habang lumilipas ang mga araw ay unti-unting nanghihina ang katawan nito.

'Miss, may kailangan ho kayo?' untag sa kanya ng lalaking nakatalagang magbantay sa bukana ng rancho.

Marahan siyang napatango. 'N-nariyan ba si Mr. Jonathan Perez?'

'Maaari ko ho bang makuha ang pangalan n'yo? Wala kasing ibinilin sa akin si Señorito Jonathan na may darating siyang bisita ngayon,' muling pag-uurirat ng bantay.

'Hindi niya inaasahan ang pagpunta ko. Pero pakisabi sa kanya na isasauli ko lang itong damit na ipinahiram niya sa akin. Tanya ang pangalan ko. Tanya Miramar.'

Saglit siyang tinitigan nito. 'Sandali lang.'

Tumalikod ang lalaki at may kinausap sa radyo na hawak-hawak nito.

Mayamaya ay inalis nito ang pagkaka-lock ng bakal na gate. 'Maghintay lang ho kayo sandali at may tauhan na magsusundo sa inyo para dalhin kayo kay Señorito Jonathan.'

Nakatadhanang Puso - Sheryll BarredoWhere stories live. Discover now