Walang Panimula
Nagdaan na ang mga oras, malapit nang maubos ang mga kandila, ngunit wala pa rin akong maisulat na panimula. Hindi ko pa rin mabuo ang mga salita.
Uunahin ko ba noong una kitang nakita? o iyong mga memorya noong bata pa tayo. Marami. Maraming mga ideyang pumapasok sa aking isipan-ang butas lamang ay puro kasiyahan. Sobrang taliwas sa kung ano ang kasalukuyan kong natamasa.
Sa kabila ng mga balakid na nagpagugulo sa aking isipan at pumipigil sa akin na sumulat, nais kong balikan ang mga dati-ang mga karanasang nagpinta sa aking diwa.
Hindi ko na maalala ang eksaktong buwan kung kailan at kung paano una tayong nagkita. Pero, nakatatak sa aking puso't isipan ang memorya sa unti unting paghanga sa iyo. Sa araw na palagi kitang matutunghayan, sa paglalarong palagi kang nakikita at nakakasama. Sa mga pagtawa mong nakapagbibigay sa akin ng kasiyahan.
Isa rin sa mga palagi kong binabalikan ang kaginhawaan at katiwasayan matapos umuwi sa paaralan. Kase naman, alam kong ikaw ang uuwian. Ikaw ang sasalubungin sa paglalaro at pahinga sa huling yugto ng araw sa pag-alpas ng dapit-hapon.
Tunay kang natatangi. Maraming mga taong nahahalina sa iyo. Samantalang ako ay nasa gilid lamang ng anino mo, nakatayo at walang salitang namumutawi. Pati ang paghanga para sayo'y inilihim, ibinaon sa damdamin.
Hanggang sa ito ay tumagal. Hanggang sa ito ay akin nang nakagisnan sa bawat araw, buwan at taon. Nagdaan na ang maraming mga kaganapan, subalit wala paring nagbago-ikaw parin. Halos pitong taon. Halos mangalahati na sa buhay ko.
Kahit ilang araw na ang lumipas iba pa rin ang epekto kapag nakakasalubong ka sa daan, kapag naiisip kita at naririnig ko ang boses mo.
Wala pa ring kupas ang mga tintang ginamit para ikaw ay maalayan ng liham at tula.
Subalit, tulad ng aking paghanga na ibinaon na lamang ay kagaya rin ito ng mga liham na buo kong inialay para sayo. Nasagi sa aking isipan na tuluyang ipahayag ito, ngunit nandito pa rin ako sa gitna ng paglalakbay at nakatayo lamang sa kawalan.
Lahat ng plano ay nabura, lahat ng mga sana'y salita nang pagpapahayag ng aking damdamin ay ibinalik sa lilim. Mananatiling misteryo na lamang.
Hanggang sa ang tadhana na mismo ang gumawa ng paraan. Hindi para ako ay magabayan sa paglapit sa iyo, kung hindi tulakin ako upang lumisan sa linya na nakakonekta sa iyo.
Noong una, akala ko pa ay panandalian lamang ang pagsagi sa akin na huminto na sa iyo. Subalit, hanggang dahan-dahang bumalot na ito sa aking isipan. Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay habang buhay kitang hahangain at walang-hanggan kong titiisin ang mga itinagong salita para sa iyo.
Kasabay nang pagbabago sa paligid at sa ating sarili, kay maling patuloy kitang mamahalin habang unti unti mo ring mararanasang magmahal sa iba. Na pipilitin kong isiksik ang paghangang hindi mo naman nakita, nalaman at nadama.
Sa aking katahimikan, hindi mo ba natunghayan lamang sa kung paano kita pagmasdan at kung paano gumaan ang aking awra kapag nandyaan ka.
Pero, sa gitna nito'y, kahit mabigyan ka man ng antilo, ito ay wala pa rin kung kalaban mo ang duwag kung sarili. Magdadalawang isip ka pa rin sa walang kasiguraduhan.
Inilaban ko naman. Sinubukan kong sabihin sa iyo at humanap ng tamang panahon.
Huling araw ng mayo.
Iyon na sana ang tiyempo. Ang araw na pinakahihintay ko. Sa pagkakataong iyon na maipahayag ko ang mga salitang matagal ko na sanang sinabi, iyon din ang huling araw ng palugit upang kahit papaano'y humakbang ako tungo sa iyo. Subalit, ako'y nahuli; ako'y naunahan ng tadhana.
Ayokong tumigil nang basta-basta na hindi man lang pinag-isipan. Subalit ang kapalaran na mismo ang sumenyas.
Binalik-tanaw ko ang mga nagdaang dahilan kung bakit kailangan kong ihinto ito. At marami-maraming rason. Hiniling ko na sana'y walang kwenta, subalit lahat may kabuluhan, lahat ay para sa katiwasayan.
Sa mismong araw na tinigil ko na, mas namutawi ang lungkot sa paparating na araw, buwan at taon, na ang presenya mo'y wala na sa akin. Na wala na akong maramdaman kapag ikaw ay madaanan. Wala ng epekto kapag naririnig ko ang iyong pangalan.
Na lahat ng karanasan at dinama ko noon para sa iyo ay nakabaon na lamang sa limot. Pati ang pag-asang matuklasan mo ito.
Sa pagtatapos ng pahina, walang nabuong wakas na kasiyahan. Sa kabila nito ay nakalaya naman sa mga pag-asang walang katiyakan- at sa pagpalagi sa walang hanggang pagtingin sa iyo na puno ng kanlungan, na sa huli galos lang ang kabayaran.
Malapit na sa huling talata, puno pa rin ng mga titik at salita ang dumadaloy sa aking kamay. Gayunpaman, napundi na ang mga ilaw-kumupas na ang mga tinta. Sa pagbabalik-tanaw ng mga memorya, lahat ay natapos na.
Lahat ng kuwento'y umabot na sa kasukdulan nang hindi man lang nasimulan.