Sa karagatan ng mga tao...
Alam ko kung pa'no natapos...ngunit hindi ko na maalala pa kung paano nagsimula ang lahat.
Anim na taon. Iyan ata ang bilang kung gaano kita katagal na ginusto, o baka mas matagal pa, hindi ako sigurado.
Puno ng paghanga sa iyo. Bawat paggalaw mo'y inaalala ko. Binibilang ko ang panaginip na kasama kita. Binibilang ko ang pagkakataong ikaw ay nasilayan sa isang araw. Inaalala ko ang aksidenteng pagdampi ng balat natin.
Hindi ko malilimutan ang mga ngiti mo, kahit pa dahil natutuwa ka lang sa paglalaro ay parang sa'kin mo rin pinapahatid na masaya ka.
Nagagalak na umuwi, dahil alam kong makikita kita muli. Sa lugar na tagpuan, hindi bilang magka-ibigan ngunit bilang magkaibigan, o baka iniisip ko lang na kaibigan kita? para kahit gaano ay may koneksyon tayong dalawa.
Pero bale, masaya naman, na masilayan kang kasama ako at mga kaibigan natin. Kahit sa tirik ng araw, hindi alintana ito. Puno ng kasiyahan.
Sa pagbabalik-tanaw ng mga memorya, matagal na rin pala. Ilang daang oras na pala ang nagdaan. Hindi ko masisi, kung ang bawat bagay ay hindi hangganan, ngunit sinisisi ko ang sarili, sa unti unting pagkupas ng paghanga sa iyo.
Tinatanong ko ang sarili, kung bakit humupa ito, dahil sa pagkakataong hindi lang kita nasilayan ng parang higit na sa isang taon? na hindi talaga tayo nag-uusap? na parang hindi mo rin ako gusto?
Bawat liham at tula, ay binaon na lamang sa lilim. Kung saan, alam kung hindi mo kayang abutin at masilayan ang bawat salitang inalay ko sa iyo.
Palagi kitang tinatanaw, ngunit kapag sinusuklian mo ito, ako 'yong umiiwas na parang hindi tayo magkakilala.
Sa paglipas ng panahon, nandoon pa rin naman sa puso ko ang paghanga sa iyo. Subalit, tila'y may hawak na ako sa sarili. Hindi ko rin inaasahang na tanungin ko ang sarili sa kung ano nga bang kahihinatnan ng lahat ng ito.
Unti-unting kong napagtanto, na sa pagtagal ng panahon na ginusto kita, mas lumalalim ang sugat na maari kong danasin, hindi sa rasong baka hindi mo ako gusto, kung hindi dahil, hindi ko makasanayang hindi dala dala ang diwa mo sa akin.
Kaya, kahit alam kong naroon sa akin ang desisyon na ipagpatuloy, ninanais ko ngayong tumigil. Na sa prosesong ito, dahan dahan kong tinatanggal ang markang inilagay mo sa akin, higit na ang damdamin kong palagi kang pinipili.
At ngayon, walang ngiti sa pagbitaw, kahit pinili ko ito nang buong-puso. Walang humpay na saya no'ng una kitang masilayan, subalit hindi ko na maalala pa kung kailan, pa'no at bakit. Sa pagbura sa iyo, bawat katanungan ay alam ko, higit na ang bawat emosyon na aking natamasa-sa pagpasiya sa desisyong ayaw ko ring matamasa.
![](https://img.wattpad.com/cover/373834255-288-k957089.jpg)