Chapter 11

652 8 0
                                    

MALAKI ang ipinagbago ng hitsura at ugali ni Leo. Kung noon ay napakadali niyang ngumiti, ngayon ay parang napakamahal ng ngiti niya. Lagi siyang nakakunot-noo, na tila ba laging may masakit sa kanya.

Wala na ang dating makinis na mukha. Nagpatubo na siya ng balbas at bigote. Ang dating matipunong pangangatawan ay naging payat. Matagal siya sa pagamutan. Noong una, buong-akala nila'y puputulin na ang kanang paa niyang tinamaan ng bala.

Salamat sa makabagong siyensiya, nagawang isalba ng mga doktor ang kanyang kanang paa. Hindi na nga siya gumagamit ng saklay sa paglalakad, ngunit kapag natagalan siya sa pagkakatayo o kapag napagod siya, kumikirot pa rin iyon.

Noong nasa hospital siya, halos hindi nakayang gamutin ng anumang pampamanhid ang kirot na nararamdaman niya. Wala na siyang hinihiling noon kundi kunin na lang sana siya ng nasa Itaas. Hanggang ngayon, madalas pa rin siyang hindi makatulog sa gabi, lalo na kapag kumikirot ang binti.

Wala sa loob na hinihimas-himas niya iyon. Naging gawi na yata niya iyon, lalo na kapag nag-iisip siya.

Ni minsan, hindi nawaglit sa isip niya si Charizze. Naroroon pa rin ang labis na sama ng loob at hinanakit niya sa dalaga. Alam niya na wala itong masyadong naging pinsala. He was glad for that. Ang labis na isinasama niya ng loob, pagkatapos ng pangyayari'y hindi man lang siya nito pinagkaabalahang puntahan.

Noong nasa St. Luke's pa lang siya, kapag nagdidiliryo na siya sa labis na kirot, tinatawag niya ang dalaga. Ngayon siya nagpapasalamat at hindi siya pinuntahan nito. Ayaw niyang makita siya ng dalaga sa gayong kalagayan. Ayaw niyang kaawaan siya nito.

Wala na siyang balita tungkol kay Charizze. Kung gugustuhin niya, madali lang iyon. Alam niya kung paano mako-contact si Pros. Ngunit hindi niya iyon ginawa. Mas minabuti niyang kalimutan na lang ang lahat at magsimulang muli.

Nang gumaling siya, sa halip na umuwi sa Pilipinas, ipinasya niyang sa Amerika na lang tuluyang manirahan. Nagtayo siya ng sariling negosyo. Maraming Filipino at Chinese sa California na sabik sa produkto mula sa bansang pinanggalingan. Bagama't marami na ring tindahan na nagtitinda ng mga oriental products, hindi siya nag-atubiling magtayo ng isa pa.

Sa tulong ng tamang advertisement, naging malakas ang negosyo niya. Sumosyo ang ibang kaibigan at kamag-anak niya. Hindi naman niya iyon tinanggihan. Mabilis ang naging pag-unlad ng tindahan na pinangalang Oriental Stuffs. Iyon ang kanyang naging kanlungan. Sa tindahan na halos siya nakatira. Hindi naman problema ang kanilang stocks. Si Mr. Sy ang nagpapadala ng mga stocks nila sa tindahan. Ibinuhos na lang niya ang panahon sa pagmamanage niyon.

Hindi niya alam kung totoong pagkakataon o hindi, nagkita sila ni Lee sa tindahan niya.

"Lee?" tawag niya.

Mangha si Lee, hindi na nito halos nakilala ang dating kasintahan. Patakbo itong yumakap sa kanya at kahit maraming tao ay pinaghahalikan siya nito.

"Oh, God, Leo! I can't believe this! Nagkita rin tayo!" maluha-luhang sabi nito.

Pinagtitinginan na sila ng mga tao kaya niyaya niya ang dating nobya sa loob ng opisina niya.

"Kumusta ka na?" tanong niya, matapos itong paupuin at alukin ng meryenda.

"Aren't you glad to see me?" may hinampong tanong nito, tila ramdam ang malamig na pagtanggap niya.

Ngumiti siya, pero hindi nakarating sa kanyang mga mata. Ganun naman ang ngiti niya, walang buhay. "Of course, I am. Ang tagal din nating hindi nagkita."

"Leo, mali ako, inaamin ko. Hindi kita ipinaglaban noon. Pero ngayon... handa na ako. Kung tatanggapin mo pa ako, makikipagdiborsiyo ako kay Vincent. Wala naman kaming anak, kaya walang problema."

My Love My Heroine - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now