Masakit para kay Leo na hindi man lang ipinaglaban ni Lee ang kanilang relasyon. Basta na lang ito sumuko. Wala pa sa plano niya ang pag-aasawa, ngunit kung kagipitan, handa na rin sana niyang pakasalan ang kasintahan.
Pero si Lee... Muli niyang tinungga ang beer. Titingin-tingin lang sa kanya si Charizze habang inuunti-unti nito ang inom ng pineapple juice. Naroon sila sa Cosmo Bar, ang paborito niyang puntahan kapag nagpapakalango at nagpapalipas ng sama ng loob.
Para hindi sila maging kapuna-puna, ibinili siya ng dalaga ng leather jacket at sumbrero. Madalas kasing may makita siyang kaibigan doon, kaya hindi na rin ito tumutol sa bago nitong getup.
"Kumuha ka rin lang ng bodyguard, totoy pa," puna ng isang kaibigan niya.
"Pare, alalay ko lang iyan kapag nakakainom ako. Driver," aniya.
Sa mga pagkakataong kasama ni Leo ang mga kaibigan, nagpapaiwan na si Charizze sa sasakyan. Hindi niya gustong mausisa ng mga kaibigan nito, lalo't hindi siya gaanong makapagsalita dahil mabobosesang babae siya. Kabado siya sa madalas nilang paglabas-labas ni Leo. Halos gabi-gabi, pasado alas-dose na kung makauwi sila sa bahay. At ilang gabi niya na ring napapansin ang kotseng pula na palaging nakabuntot sa kanila.
Sinabi niya iyon kay Leo habang pauwi na sila, pero pinagtawanan lang nito iyon.
"Ano'ng ginagawa mo? Kayang-kaya mo naman akong ipagtanggol, 'di ba? Ano na nga ang belt mo... beltless?" Binuntutan nito iyon ng nakakainis na halakhak.
Kung hindi lang niya inaalala na lango ito, mangani-ngani na niya itong batukan. Tulad noong nagdaang gabi, lasing na naman ito, pero mas grabe ngayon. Inalalayan niya ito na sumampa sa Pajero. Sa likod niya ito pinaupo. Ikinakabit pa lang niya ang seat belt, nakatulog na ito.
Biglang may pumasok na dalawang lalaki sa loob ng sasakyan. Bago pa siya nakahuma, natutukan na siya ng baril. Tinakpan ng panyo ang kanyang ilong.
Wala na siyang namalayan pa sa mga sumunod na pangyayari.
Dahan-dahang nagmulat ng mga mata si Charizze. Madilim ang kinaroroonan niya. Nakahiga siya sa papag. Matagal siyang nakiramdam. Katabi niya si Leo, kabisado niya ang amoy ng pabango nito.
Bigla ang dating ng realisasyon: Kinidnap sila! Napabalikwas siya nang bangon. Niyugyog niya ang katabi.
"Leo... Leo... gising!"
Ungol lang ang naging sagot nito. Muli niya itong niyugyog, bahagyang tinampal sa pisngi.
"Leo, ano ba?" Gigil na gigil na siya. "Nakidnap tayo!"
Ngunit sadyang lasing pa ito, ni hindi ito dumilat.
Sa inis niya, sinuntok niya ito sa likod saka nahiga sa tabi nito. Wala ring mangyayari kung kikilos siya ngayon. Kailangang maging alerto siya bukas. Hindi niya maaring iwanan ito. Tumalikod siya, nasusulasok siya sa amoy-beer na hininga nito. Ilang sandali pa'y mahimbing na rin siya. Hindi na niya namalayan ang pagyakap nito sa kanyang bewang, ang pagdantay nito sa kanya.
Nagising siyang nakasiksik sa binata. Nakayakap siya rito. Inis niyang itinulak ito. Nagising ito.
"Bakit ba?"
Hindi nito maimulat ang mga mata, silaw na silaw sa liwanag na naglalagos sa mataas na bintana.
"Gising na!" pilit niya.
"What the hell..." mura nito. "Talagang maaga tayong makakarating sa impiyerno kapag hindi tayo nakatakas," paanas niyang sabi. "Leo, nakidnap tayo. Kidnap! Naiintindihan mo?"
"What?" Bigla itong napabangon, sapo ang ulo. Masakit. Dala ng hangover. "Ano'ng ginagawa mo?"
"Por Dios, Leo!" Natampal niya ang noo. "Kung hindi ka lasing na lasing kagabi, nakapanlaban ako. Pero tiyak, tangay ka rin. Hindi kita kayang buhatin para itakas, ano?"
YOU ARE READING
My Love My Heroine - Maureen Apilado
RomanceDahil sa pangungulit ng inang napa-paranoid na sa sunud-sunod na kidnappings, napilitang makipag-kompromiso si Leo. Pumayag itong magkaroon ng bodyguard ngunit kailanga' y babae. At hindi basta babae kundi babaeng maganda. Kahit hindi naman totoong...