CHAPTER FOUR

51 2 0
                                    

CHAPTER FOUR

"KAYA ko lang naman ginawa yon e para ipakita sa Jonathan na 'yon na wala talaga akong gusto sa kanya," pagdidepensa niya sa sarili sa harap ng mga kaklase.

"Di totoong ngang si Rom Calbayog ang crush mo?" panghuhuli ni Lirio.

"Hindi, no?"

"Aminin mo na." Si Zenaida. "Kaya pala gustung-gusto mong nagtatapon ng basura kapag cleaner tayo. Napapadaan ka sa classroom nila. "


"Di kung gusto n'yo e iba na lang ang
pagtapunin n'yo ng basura."

Na sa pagkainis niya, ginawa nga ng lider nila. Na para bang hinuhuli ang reaksiyon niya. Hindi naman siya nagpahalatang naiinis pero siya na rin ang nakapansin na sa sobrang
panggigigil, sumobra na ang kintab ng parteng binubunutan niya sa sahig. Ibang-iba sa mga bahagi ng sahig na katabi.

"Ikaw naman kasi," sabi ni Ailene nang pauwi na sila. "Halatang-halata ka. Kaparis na lang kahapon, akala ko, uuwi ka na. Hinintay mo lang siguro na makalayo ako at bumalik ka,, ano? Kaya ka nakapanood ng laro nina Rom."

"Hindi, a." tanggi niya bagama't totoo ang sinasabi ng kaibigan. Gusto sana niyang pasama kay Ailene sa pag-aabang kay Rom pero napapahiya na rin siya sa kaibigan. Saka baka mainis na ito sa pinaggagagawa niya.


Ang lokong Jonathan na 'yon, pagmumura niya sa isip. Nabisto tuloy siya ni Ailene. Pero sa isang sulok ng isip, mas minumura niya ang sarili.

Napaka engot niya para lantarang mag-cheer kay Rom gayong ang kalaban nito ay ang mga kaklase niya.

ANG hirap talagang alisin ni Rom sa isip niya. Kahit sa mga oras na nasa bahay siya, kahit nasa pasyalan sila ng mga kaibigan, si Rom pa rin ang naiisip niya.

Madalas nga siyang parang nangangarap nang gising kapag nasa bahay. Titingin sa malayo nang nakapangalumbaba, iisip ng mga
sitwasyong magkasama sila ni Rom at nililigawan siya nito, o nakakaunawaan na sila, saka siya mapapabuntunghininga.

Natuto tuloy siyang gumawa ng love
poems. Natutong mag-appreciate ng mga lumang kanta. Nadiskubre kasi niya, applicable pala sa nararamdaman niya ang mga
lumang kanta kaysa mga nauuso ngayon.

And they call it puppy love...

Young love, sweet love...

First love never ever dies ...

Kailan kaya siya mapapansin ni Rom? O mangyayari kaya na ligawan siya nito? Maganda naman siya.
Kung height ang pag-uusapan,
bagay dito ang height niya. May utak naman siya. Lagi nga siyang kasama sa top ten mula noong mag-high school siya. Nito nga lamang mainlab siya kay Rom ay parang hindi siya gaanong makakonsentra sa pag-aaral. At pakiramdam niya, hindi talaga siya makapag-
concentrate hanggang malabo ang lagay ng puso niya kay Rom.

Baka nga mabuwang pa siya.

Kaya isang araw, lakas-loob na niyang kinausap ang Kuya Rudy niya.

"Kuya, halimbawang nahalata mong may gusto sa iyo ang isang babae, ano'ng gagawin mo?"

"Bakit, me nagkakagusto ba sa 'kin dito sa lugar natin?" parang nagbibirong sabi ng 17 taong gulang na lalaki. Tuloy pa rin sa
pagkumpuni sa tinidor ng racer bike na ito rin mismo ang nag-assemble.

"Wala," sabi niyang nakihipu-hipo sa mga turnilyo at bearing  sa lapag. "Itinatanong ko lang."

"Bakit gusto mo malaman?"" natitigilang sabi ni Rudy na napatitig na sa mukha niya. " Me gusto ka sa isang lalaki, gano'n?"

AAYAW-AYAW, HAHABOL-HABOL - HELEN MERIZ (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon