“Ano aalis ka?” Pasigaw na tanong ni Direk Carlo nang magpaalam akong aalis na sa pagtea-teatro.
“Direk, pansamantala lang naman ho. Kailangan ko lang po talaga ng malaking pagkakakitaan para sa pamilya ko. Pag medyo nagkaluwag-luwag babalik ho ako.”
“Se-Anne naman. Alam mong malaking dagok sa theater company natin kung mawawalan kami ng magaling na writer. Mahirap makahanap ng kasing galing mo”
“Direk naman. Makakahanap rin ho kayo. At kapag naman po may oras ako, gagawa parin po ako ng mga script sa play at ipapadala ko po sa inyo.”
“Mukhang hindi ko na talaga mababago ang desisyon mo Se-Anne… Hay… Alam mo namang pamilya na ang turingan natin sa bawat isa dito sa teatro kaya naman magiging masaya ako kung magiging masaya ka sa desisyon mo. Teka alam na ba to ni Jared?”
Napahinto ako sa tanong ni Direk. Alam na nga ba ni Jared? Hindi pa. Hindi ko alam kung paano sasabihin. Hindi ko kaya. Baka ako pa ang unang umiyak kesa sa kanya.
“Magpapaalam din po ako kay Jared, direk,” tanging nasabi ko at tuluyan ng umalis sa opisina ni Direk Carlo.
Paano ko sasabihin kay Jared?
Jared, I’m so sorry pero kailangan na kitang iwan. Mas kailangan ako ngayon ng pamilya ko. Ang panget, parang mag-ina lang peg namin.
Paano kaya kung ganito. Jared, aalis na ako dito sa teatro. Ma-mi-miss kita ng sobra. Sana wag mo akong kalimutan ha. Ingatan mo lagi ang sarili mo.
Waaah! Mas lalong OA. Para lang akong mamamatay na GF na nagpapa-alam sa boyfriend niya. Bukod sa hindi naman talaga pa ko mamamatay, hindi ko rin boyfriend si Jared, kaya wala akong karapatang mag-inarte.
E kung sabihin ko na lang yung totoong nararamdaman ko. Yung tunay na laman ng puso at isipan ko. Wala naman ng magigiging ‘awkward moment’ between us kasi hindi naman na talaga kami magkikita. I want to be real for the last time. Gusto kong sabihin kay Jared na mahal ko siya. Wala akong pakialam kung magmumukha akong desperada this time, but I just want to tell him.