Prologue

1.6K 14 0
                                    

RIZAL Memorial Coliseum

Nasa kasagsagan ng pag-eensayo si Arrex Domingo. Sa totoo lang, halos lampas na sa itinakdang oras ng kanyang manager ang ginagawa niyang pag-eensayo.

Bakit hindi siya magsusumigasig? Matagal niyang pinaghandaan ang labang ito na nakatakdang maganap sa isang buwan—ang pagharap niya sa itinuturing niyang pinakamahigpit na katunggali: si Aldrin Carbonel—ang mayabang at tusong anak ng stepmother niya. Gusto niyang patunayang hindi siya nito kaya. Hindi nito makakamtan ang kayamanang inaasam nito. Manalo man siya sa labang ito o hindi! Never!

Parang alingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga katagang binitiwan ni Aldrin nang mabatid niyang ito pala ang nakatakda niyang makatunggali. "So, my dear arrogant and brute brother, shall we call this a fight for love and wealth? Kapag natalo mo ako, ora mismong mawawala ako sa paningin mo. Pero kapag napunta sa akin ang korona, you know very well what it means—akin ang lahat-lahat ng sa 'yo, including your... dream girl!"

Sa isang bench, tila wala sa sariling nakaupo si Shaira sa panulukang bahagi nito, malayo sa karamihan, na para bang mas nais niyang magsarili. Kanina pa siya rito, subalit kontento habang matamang pinagmamasdan ang isang lalaking hindi pa man niya nakakaharap nang personal, tila nakatatak na sa katauhan niya ang lahat ng maaaring maganap sa kanila.

Hindi niya mawari, pero ginigitian ng butil-butil na pawis ang kanyang noo. Bakas sa maamo niyang mukha ang matinding suliraning bumabagabag sa kanyang kaibuturan. Hindi lang minsang nanulay ang butil ng luha sa kanyang pisngi. Hindi niya nais gawin ang ganitong klaseng trabaho, subalit batid ng Diyos na siya'y walang mapagpipilian.

Halos mabutas ang punching bag sa tindi ng mga suntok na ibinabaon dito ni Arrex. Pakiwari niya, mukha iyon ng kanyang magiting na katunggali, at ang pag-eensayong ginagawa niya ngayon ay ang aktuwal na paglalaban na!

"Kid, time is up!" sigaw ng kanyang longtime manager habang nilalapitan siya nito, kasunod ang alalay na maagap na nag-abot ng tuwalya at bote ng mineral water sa kanya.

"Kid, this is just a practice. But the way I look at you, para bang nakikipaglaban ka na," anang manager niya. "I know very well kung gaano kalaki ang kagustuhan mong mapagwagian ang labang ito. Pero mas makabubuti sigurong magpigil ka ng emosyon mo."

Napatango-tango siya. Siya namang pag-alingawngaw ng tinig na pumukaw sa kanyang atensyon. "We love you, Arrex Domingo!" sigaw mula sa kalumpon ng limang kababaihang, base na rin sa mga suot na uniporme, ay mga kolehiyala. Pawang may itsura at hindi basta-basta ibabale-wala.

Subalit ang maiitim niyang mga mata ay hindi natuon sa mga ito, kundi sa babaing nasa harapan ng mga ito, na bagama't nakatuon ang paningin sa dako niya, tila lagus-lagusan lang ang titig sa kanya ng malamlam na mga mata nito habang nakapangalumbaba.

"What a pretty face," sa sarili'y naibulong niya, hindi na napaknit pa ang matiim na pagkakatitig sa babaing halos ilang hakbang lang naman ang agwat buhat sa lugar na uupuan sana niya.

"Arrex! Come up here, please!" muling hiling ng mga kolehiyalang labis ang kasiyahan nang panhikin niya ang mga ito.

"Well, inyo na ang penmanship ni Idol," wika ng isang pilya, ang ngiting sumilay sa mga labing pinapula ng may-kakapalang lipstick. "Basta ako, ang souvenir na hihingin ko sa kanya... 'yong tipong pati sa panaginip ay madadala ko." At isinunod nitong ilabas ang automatic camera.

Isa-isa silang nagsipag-pose sa tabi niya. Pero nang may nagsuhestiyon na grupo naman ang kunan, bigla ay nagkaroon ng problema. "Who will give us a group shot?"

"I've got an idea," anang isang naipukol ang paningin sa babaing nakaupong hindi alintana ang komosyong nagaganap sa gawing itaas nito. "Miss, I hope you don't mind... puwede bang... Miss—?"

Fight For Love - Riza TayagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon