Chapter 4

317 8 0
                                    

PAGDATING ni Arrex sa bahay ng namayapa nang ama sa New Manila para sa meeting na itinakda ng abogado ng ama, ay nabuglawan niya sa sala at kampanteng nakaupo ang magiting na anak ng kanyang stepmother habang nagbabasa ng diyaryo.

"Hello, my dear brother!" masiglang bati nito sa kanya, saka inilahad ang palad matapos tumayo mula sa kinauupuan. Tila wala siyang nakitang dumeretso sa lanai. Doon sila nakatakdang papagharapin ng kanilang abogado at wala siyang panahon para makipag-plastikan dito.

Sinundan siya ni Aldrin. "Attorney Mondragon will be here in fifteen minutes. Katatawag lang niya kanina at—"

"Alam ko. You don't have to tell me every detail of it, dahil bago ka pa man tinawagan ni Attorney, ay ako muna," sarkastiko niyang agaw sa mga sasabihin pa sana nito. Kinambatan niya ang unipormadong kawaksi at nanghingi ng mainit na kape. Panay ang taas-baba ng kanyang dibdib.

"Why don't we sit down, Arrex? Mahaba-haba pa ang ipaghihintay natin kay Attorney Mondragon," anyaya ni Aldrin sa kanya na nagpatiuna nang naupo. Nagsindi ito ng sigarilyo, pagkararaan ay humitit at isinunod naman ang pagsasalin ng brandy na lagi na'y nakalagak sa ibabaw ng mesang naroon. Sumimsim ito roon.

"Saan mo gagamitin ang pera ng papa ko, Aldrin?" matigas ang tinig na tanong niya nang matahimik ito. Hindi ito agad nakapangusap, parang hindi napaghandaan ang kasagutan sa kanyang tanong. Pamuli itong nagsalin ng alak.

"Answer my question, Aldrin!"

"I thought napag-usapan na natin ito sa ibabaw ng ring?" anitong agad na nakabawi, sumandal sa upuan at nag-shot. "I'm just claiming what's mine, dear brother."

"Nang walang kahirap-hirap? Magpapasasa ka sa pinaghirapan ko rin sa third round ng naging laban natin?"

"I know kung gaano ka kagaling sa boxing and how hard you tried to win the fight, but life's really like that. At ako ang nagkataong nagwagi. So no hurt feelings," tila bale-wala nitong sabi, talking as if centavos lamang ang pinag-uusapan nila na lalong nakapagpangit ng kanyang galit.

Halos maningkit ang mga mata niya sa galit nang dukwangin niya si Aldrin sa kinauupuan at saka uli nagpukol dito ng panibagong katanungan. "Ano ang kinalaman mo sa biglang-biglang pagkamatay ng papa ko, Aldrin?"

Kitang-kita niya ang awkwardness na agad na lumarawan sa mukha nito subalit hindi na nito nagawang sagutin ang tanong niya dahil siya namang pagbungad ng humahangos na abogado.

"Whew! Pardon me, guys. Talagang ang traffic sa bansa natin, wala nang kapag-a-pag-asang mabago. Anyway, it doesn't change a bit about our business today—" Natilihan ito nang maramdaman ang tila di-magandang sitwasyong kasalukuyang naghahari sa lanai.

"You may take your seat, Attorney," wika niya rito nang maramdaman ang panandaliang pananahimik nito. Siya na mismo ang humila ng silya para dito. "Maybe it's high time, Attorney, na malaman ng lalaking ito ang nakasaad sa testamento ng papa ko. First and foremost, dahil ayokong naiistorbo ako sa negosyo ko, higit lalo kapag tungkol sa walang-kakuwenta-kuwentang bagay!"

Napatangu-tango ang abogado. Isa-isa na nitong inilabas ang mga dalang papeles mula sa attaché case nito.

ANG PANGINGISLAP ng mga mata ni Aldrin ay agad napalitan ng pag-aapoy matapos nitong marinig ang mga binasa ni Atty. Mondragon. "That's not true! Tell me, Arrex, that these are all lies!"

"You heard them right, Aldrin. Ten percent lang ng kayamanan ng papa ko ang ibinibigay niya sa 'yo, na makukuha mo lang sa sandaling may asawa ka na. But don't worry, hindi naman ako ganoon kasama para hindi pa ibigay sa 'yo ang matagal mo nang inaasam at halos ay hindi makapagpatahimik ng iyong kalooban. Ngayon pa lang ay ibinibigay ko na ang karapatan mong maangkin ang manang iniwan ni Papa, may asawa ka man o wala."

Fight For Love - Riza TayagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon