Chapter 3

288 6 0
                                    

NAKALUWAS nga sila sa Maynila, at sa tulong ng isang biyudong nagngangalang "Eduardo Castro" ay madaling naayos ang pagpunta ni Gigi sa Japan.

Hindi na pinagtakhan ni Shaira ang pagiging liberal ng kanyang kaibigan sa pagiging mapagbigay nito sa paghawak-hawak, paghimas-himas, at paghalik-halik dito ni Mr. Castro.

"Naaalis 'yan sa paligo, 'no! At gasino na ang isang halik kapalit ng karangyaang ibibigay niya sa akin sa sandaling mapaalis niya ako? Mga lapad, Shai, magbibilang tayo ng mga lapad."

Napailing na lang siya sa katuwiran nito. Ito pa rin ang Gigi na kahit noon pa mang nasa high school sila ay laro lamang ang pagpapalit ng nobyo. At sa napakamurang edad—nakaranas na! Iyon ay batay na rin naman sa kuwento nito.

Hindi nga nagtagal ay umalis ito patungong Japan. At tulad ng sinabi nito, siya ang personal na tumatanggap ng mga padala nito. Ibinangko niya ang mga iyon at ni isang kusing ay wala siyang ginalaw. Dahil noong mga panahong iyon ay pinalad siyang matanggap bilang sewer sa pabrika.

Ngunit naaksidente nga ang kapatid niya. Pilit niyang binigyan ito ng marangyang libing sa probinsiya, katabi ng puntod ng kanilang ina. Pagbalik niya sa Maynila ay saka niya isinulat sa kaibigan ang nangyari, maging ang pagkakagalaw niya sa pera nito.

"Huwag kang mag-alala, bruha, pera lang 'yan, 'no?" tugon ni Gigi sa telepono nang mag-long-distance call ito sa kasera nila.

"Nahihiya ako sa 'yo, Gi. P-p pero... w-wala naman akong magagawa."

"Alam ko naman 'yon, don't worry. At huwag mong problemahin ang sarili mo. Who knows, sa ibang araw ay makaganti ka rin sa akin, hindi ba?"

"Kahit siguro ano'ng ipagawa mo sa akin, Gi. Makabayad lang ako ng utang ko, kahit ano, gagawin ko."

ISANG araw ng Sabado, ikinagulat niya ang di-inaasahang bisitang napagbuksan niya ng pinto ng inuupahang bahay.

"G-Gigi."

"Hello! Moshi! Moshi!" anitong sinugod siya ng yakap.

"Akala ko'y hindi ka na babalik! Mantakin mong tatlong taon ka sa Japan!"

"Malakas lang ang loob nitong kaibigan mo, gaga! Kaya lang, nagkahigpitan. Sinuyod ang lahat ng TNT, eh. Kaysa naman makulong ang beauty ko, uwi na lang. Anyway, no regrets naman ako."

"Grabe ka! Ang ganda-ganda mong lalo."

"At ikaw, mukha ka nang sinulid sa katatahi mo sa pabrika."

"Ikaw naman," tila nahihiyang turan niya. Totoo naman, sa hitsurang-hitsura lang, malayo na ang agwat nito sa kanya. Lalo itong pumuti; idagdag pa roon ang magagarang nakakabit sa katawan nito. Natupad nito ang ambisyon!

Medyo natagalan din siya sa paghahanap sa maipapameryendang tiyak niyang magugustuhan nito. Malamig na malamig na Coke at hamburger buhat sa kanto.

Papasok na siya sa tarangkahan nang makita niya ang isang sasakyang ngayon lamang niya nakitang pumarada sa tapat ng inuupahan niyang kuwarto. Out of curiosity, sinino pa muna niya sa tinted na salamin ng kotse kung sino ang nasa loob niyon. Wala.

Napatda siya nang malamang nasa loob na pala ng bahay ang may-ari ng magarang kotse.

"Siya ang sinasabi ko sa 'yong kaibigan ko, Aldrin. Si Shaira," pagpapakilala ni Gigi sa lalaking nakaabrisete rito.

Ngumiti ang lalaking lalo pang nagdagdag sa appeal nito. The man was so irresistible. Sino mang babae ay tiyak na magkakandarapa rito maangkin lang ito. And obviously, ganoon ang nangyari ngayon sa kanyang kaibigang halos ayaw nang humiwalay rito.

"Hi, Shaira! Matagal na kitang kilala base sa pagkukuwento ng fiancée ko. At totoo nga palang napakaganda mo."

Dagli niyang naramdaman ang pamumula ng pisngi. Sanay siyang napupuri dahil sa pabrika'y hindi lang sampu sa mga katrabaho niyang lalaki ang nanliligaw sa kanya na hanggang ngayon ay umaasa pa ring tatapunan niya ng kahit na kaunting pagtingin.

Fight For Love - Riza TayagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon