Kabanata 5

48 5 5
                                    

Brownies

Nagpapalitan lang kami ng pabor ni Sylvier. Noong tanghaling nagbigay siya ng chicken curry, kinabukasan, bumili ako ng limang tali na suman sa nanay ni Tino para ibigay sa kanya. Pero pinamahagi lang niya iyon sa mga trabahante ng Casa, at nakita ko pang dalawang tali ang napunta kay Macey. Matapos noon, nagbigay ulit siya, ginataang langka naman para sa tanghalian. Ang kapalit naman na binigay ko ay puto, na muli niyang pinalitan nang sumunod na araw ng sinigang na bangus.

Wala na akong maisip na ibigay. Hindi siya mahilig sa kakanin, at ang mga binibigay ko ay pinapamahagi lang niya. Mukhang pareho kaming ma-pride at ayaw magkautang na loob sa isa't isa. Ang mga binibigay niya, tinutumbasan ko, kaya hindi pwedeng siya ang huling magbibigay. Nagsimula lang ito sa simpleng pagbitbit niya sa mga eco bag at paghatid ko sa bahay nila, at hindi matatapos sa sinigang na bangus iyon. Ako dapat ang huli.

Hindi ako makaisip. Ayaw ko ring magtanong kay Kuya Osias, na mukhang nagdududa na rin. Sa mga tingin niya, parang alam na niya ang nangyayari, pero hindi lang niya ako inaasar dahil mas nakatuon siya sa pagiging malapit namin ni Tino. Isinasantabi na lang niya ang bulgaran kong pagbibigay ng kakanin kay Sylvier, na pinamimigay naman ng lalaki. Kaya siguro, iniisip ni Kuya na para sa mga trabahante iyon at hindi na binibigyan ng ibang kahulugan.

"Magkaiba naman kasi kayo, Siris. Ikaw, kahit anong pagkain kinakain mo, at sabi mo nga, lahat paborito mo. E siya, hindi mo naman alam ang hilig niyang pagkain. Ang alam lang natin, ayaw niya sa kakanin."

Ang sabi ni Tino matapos kong ilabas ang pagkadismaya ko sa pag-iisip kung ano ang itatapat sa huling ulam na binigay ni Sylvier. Totoo ngang mahilig magbigay ng ulam, gaya ng sabi ni Manang. Pero parang nawili yata siya, inakalang nasasarapan ako sa mga luto niya, kaya't di na matigil sa pagbibigay.

Narito kami ni Tino sa labas ng gate, nag-aabang sa nagtitinda ng sorbetes matapos marinig ang tunog ng bell nito. Oras na ng meryenda, kaya't inaya ko siyang iyon ang meryendahin. Hawak-hawak ko ang dalawang recyclable na pint ng ice cream na walang laman. Dalawa ang dala ko dahil isa kay Kuya Osias, na gusto rin bumili pero tamad mag-abang sa sorbetero, dahil mainit daw kasi.

"I'm not really interested in what he likes."

"Eh, di kahit anong pagkain na lang. Huwag ka ng ma-stress sa kaiisip?"

"Kahit ano, tapos ipamimigay niya lang. And besides, do I look stressed, Valentino?"

Ngumiwi si Tino nang tawagin ko siya sa buong pangalan niya. Inirapan niya ako at kumamot sa pisngi. Mahina kong inihampas ang lalagyan ng ice cream sa braso niya para matigil siya sa pagkakamot.

"Pwede namang huwag magbigay. Ngayon lang ako nakakita ng kagaya niyong dalawa. Kapag nagbigay ang isa, magbibigay din ang isa. Ginawa niyo pang cycle."

Umismid ako habang nakatanaw sa kalsada. "Ayaw kong ako ang huling binigyan. Mas gusto kong ako ang huling nagbigay."

"Ayaw mong magkaroon ng utang na loob kay Sylvier kaya nagbibigay ka ng kapalit sa mga ibinibigay niya. At sa tingin mo, ganoon din ang iniisip niya?"

"Yeah. Kind of."

"Hindi mo ba alam na kapag nagpatuloy ang pagbibigayan niyo, mas lalo lang dumadami ang utang na loob niyo sa isa't isa?"

"Is that how it works?"

"Para sa akin, oo. At hindi naman iyon tungkol sa mga bagay na binigay... tungkol iyon sa thought na naisip niyang magbigay. Kuha mo ba, Siris?"

"Maybe. I don't know, Tino. You know I'm not as genius as you." Ang totoo, hindi ko lang talaga inintindi ang paliwanag niya dahil natatanaw ko na ang makulay na payong ng bisikleta ng sorbetero di kalayuan.

Meeting In The Purple Afterglow (Out Of My League Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon