Hindi mapigilan ni Kean ang tumawa habang nakatayo at nakahalukipkip pa ang dalawang braso at pinapanuod niyang maglaro ang isang estudyante ng balloon popping na nasa stall na hindi naman malayo sa kanya. Puro kasi sablay ang tira ng naglalaro at wala pang napuputok na lobo para manalo ng papremyo.
"Hays! Ang tanga-tanga mo naman Gilbert!" pang-aasar ng kaibigan ng naglalaro sa kanya.
Sinamaan nang tingin ni Gilbert ang kaibigan niyang si Hugo. "Maka-tanga ka naman!" naiinis na singhal niya sa kaibigan. "Ang hirap kaya nito!" reklamo pa niya saka sumimangot.
Tumawa nang malakas si Hugo na lalong ikinainis ni Gilbert.
Napapailing na lamang si Keann sa nakikita niya. Naalala niya sina Helga at Indigo na wagas din kung mang-asar sa kanya.
Muli namang nag-pokus sa paglalaro si Gilbert.
Patuloy na pinanuod ni Keann ang naglalaro. Hindi na naman niya mapigilang matawa dahil sablay na naman ang mga sumunod nitong tira.
"Gusto mo?"
Nagulat na lamang si Keann at kaagad na lumingon kay Kaleb na hindi man lang niya namalayang nakatayo na pala sa tabi niya at nakatingin habang ngumunguya. Sumunod na tiningnan ni Keann ay ang hawak na garapon ni Kaleb na inaalok sa kanya. Naglalaman ng cookies ang garapon na hawak-hawak ng kaliwang kamay nito.
Kumunot ang noo ni Keann. Muli niyang tiningnan sa mukha si Kaleb. "Saan mo naman nakuha 'yan?" tanong niya sa nagtatakang tono.
Nilunok muna ni Kaleb ang cookies nginunguya niya bago magsalita. "Doon sa cooking club," sagot niya. "Ibinigay nila sa akin," dugtong pa niya. "Masarap siya, tikman mo," aniya pa saka inalok ulit kay Keann ang cookies.
"Ibinigay lang sa'yo?" magkasunod na tanong ni Keann kay Kaleb. Nagtataka pa rin ang tono niya.
Tumango-tango si Kaleb. "Oo," sagot niya.
"'Di ba ibinebenta nila 'yan?" tanong ni Keann.
Tumango-tango ulit si Kaleb. "Babayaran ko nga sana kaso ayaw naman nilang tanggapin ang bayad ko. Marami na daw kasi silang benta at nakuha na din nila 'yung tubo nila kaya okay lang daw na bigyan nila ako nito," kwento niya.
"Kahit na, dapat pinilit mo pa ring bayaran 'yan," sabi ni Keann. "Sa kikitain nila manggagaling ang funds nila sa club para sa mga susunod na buwan," sabi pa niya.
Napangiti na lamang si Kaleb. Biglang naging mapanuri ang tingin ni Keann kay Kaleb.
"Baka naman kasi kaya ka binigyan dahil ginamit mo 'yung charms mo sa kanila," hindi napigilan ni Keann ang bibig na sabihin 'yon at huli na para bawiin niya pa. 'Sh*t! Sh*t! Sh*t! Ano bang sinasabi ko?' isip-isip niya pa.
Mahina namang natawa si Kaleb sa sinabi ni Keann. "Hindi ko ginamit ang charms ko," paglilinaw niya. "Sadyang charming lang talaga akong tao, kasalanan ko ba 'yon?" tanong pa niya saka ngumiti ng nakakaloko.
Lumukot ang mukha ni Keann na ikinatawa na lamang muli ni Kaleb. May kayabangan din talaga si Kaleb minsan.
"Oh, sige na at kumuha ka na nitong cookies," alok ni Kaleb at muling inilapit kay Keann ang garapon. "Masarap siya," sabi pa niya.
Muling tiningnan ni Keann ang garapon ng cookies. Nagkibit-balikat na lamang siya saka kumuha ng isang cookies sa nakabukas na garapon at kinain ito.
Tumatango-tango si Keann habang nginunguya niya ang cookies. Masasabi niyang masarap nga ang pagkain.
BINABASA MO ANG
Fall For You (BL)
Teen FictionThe more you hate, the more you fall. All Rights Reserve, 2024 A Francis Alfaro Original