Isang villa resthouse ang tumambad sa harapan ni Isla nang maiparada na ni Matthias ang sasakyan. Halos tumalon naman sa saya si Cerius nang may makita siyang pool sa labas ng bahay. Aakalain mo talagang isa itong isang resort ngunit ayon kay Matthias ay isa raw ito sa pag-aari ng kanyang ina.
"Wow! Mama can I swim mamaya?" masiglang tanong ni Cerius habang inaalis naman ni Isla ang seatbelt nito.
Umiling naman siya. "Bukas na lang anak at gabi na. Masyadong malamig at baka siponin ka mahirap na. Hayaan mo bukas na bukas din ay magpapaalam muna tayo kung pwedeng gamitin ang pool ha," sagot naman niya at bigla naman lumungkot ang mukha nito.
"Ayos na ayos sa akin na gamitin mo ang pool, Cerius. Alam mo bang may mga cute rin kaming salbabida riyan? Bukas na bukas din ay papahanginan natin para magamit mo pero sa ngayon kailangan mong magpahinga at matulog okay buddy?" wika ni Matthias at agad namang kumandong ito sa kanya at tumango.
Natatawang tumango naman si Matthias at kinarga papasok ito sa loob. Sinalubong naman sila ng dalawang matandang mag-asawa na siyang nagbabantay ng bahay.
"Magandang gabi po, Sir at Ma'am," salubong ng matandang lalaki.
"Magandang gabi rin po," sagot naman niya at ngumiti.
Nangingiting tumatango naman ang matandang babae at lalaki sa kanya. "Kumain na ba kayo? Gusto ninyo bang ipaghanda ko kayo ng makakain?" tanong ng matandang babae.
Umiling naman si Matthias. "Isla, sila ang pinagkatitiwalaan ni Mama rito. Siya si Mang Gosing at siya naman si Manang Melda. Kung may kailangan ka man ay puwede mo silang hanapin," pagpapakilala ni Matthias sa dalawa. "Kumain na po kami sa labas para hindi na po kami makaabala sa inyo sa ganitong oras. Handa na po ba ang kwarto?" tanong niya at tumango naman si manang Melba.
"Ay oo nakahanda na at may mga extra rin akong mga kumot at unan na inilagay pa roon dahil nga sinabi mong may bata kayong kasama. Heto ba siya? Naku ang gwapong bata!" puri ni manang Melba habang nangingiting tinititigan si Cerius.
Kumaway naman si Cerius sa dalawa at mas lalo namang giliw na giliw ang dalawa kay Cerius.
"Hala sige pumanhik na kayo sa mga kwarto ninyo para makapagpahinga na kayo at bukas na bukas din ay ipagluluto ko kayo ng pang-agahan," wika ni manang Melba na nakangiti.
Nagpasalamat naman sila sa dalawa bago tuluyang umakyat. Kitang-kita na rin ang antok sa mga mata ni Cerius. "Anak, pigilan mo muna ang antok mo at kailangan mong mag-half bath muna at magsipilyo," wika ni Isla at tumango naman sa kanya ang kanyang anak.
Nang tuluyan na silang makapasok ay samantalang iniwan na muna sila ni Matthias. Agad naman niyang inasikaso si Cerius upang makatulog na ito nang maaga.
"Mama," tawag sa kanya ni Cerius habang nasa banyo na silang dalawa. "Saan tayo pupunta? Bakit hindi tayo umuwi sa bahay natin? Hindi tuloy ako nakakain ng cake," tanong ni Cerius at bahagyang lumuhod naman siya upang mapantayan ang tangkad nito.
"Kasi naisipan namin na magbakasyon muna tayo. Tapos bukas bibili ako ng maliit na cake gusto mob a 'yon?" tanong naman niya upang sa gayun ay malihis niya ang mga tanong ng kanyang anak.
Nangingiting tumatango naman ito sa kanya.
Patapos na silang dalawa at bibihisan na lamang niya ito nang tila narinig niyang tumunog ang kanyang selpon hudyat na may natanggap siyang mensahe. Agad naman siyang kinabahan kahit na hindi niya pa alam kung sino ang nagpadala nito.
Agad naman niyang binihisan si Cerius at kita na rito na antok na antok na ito. Maingat niya itong inihiga sa kama at kinumutan. Nakaandar na rin pala ang aircon ngunit bahagya niya itong pinahina upang hindi gaanong malamig at tama lang na makayanan ng kanyang anak. "Goodnight, my little one. Mahal na mahal kita," wika niya sabay halik sa noo nito.
Nanatili siya sa tabi nito hanggang sa masigurong tulog na tulog na nga ito. Bago siyang tuluyang lumabas ay kinuha niya ang kanyang selpon upang silipin kung sino ang nagpadala sa kanya ng mensahe.
Para naman siyang nanlumo nang makitang hindi ito galing kay Clay ngunit agad naman niyang natanong sa kanyang sarili na parang hinihintay pa niya ang paramdam nito.
"Isla, ano bang iniisip mo?" usal niya at napahilot sa kanyang sentido. Kanina ay takot na takot pa siya at ngayon at tila hinahanap-hanap niya pa ito.
Galing pala ang mensahe kay Matthias.
Naghihintay ito sa labas upang makapag-usap silang dalawa.
Nilingon naman niya si Cerius at sa muli ay hinalikan niya ang noo nito bago tuluyang lumabas ng kwarto. Nakapagbihis na rin siya dahil may damit siyang nakita na inihanda sa kanya ni manang Melba. Simpleng damit lang at may kaluwagan sa kanya ngunit mas nakaramdam siya ng pagkakomportable rito.
Habang pababa siya ng hagdan ay agad niyang natanaw sa labas ang pigura ni Matthias. Nakatalikod ito sa kanya at tila nagsisigarilyo. Sa tanang buhay niya ay ngayon niya lamang nakitang nagsisigarilyo ito.
Nang matanaw naman siya nito at kumaway ito at agad na pinatay ang sigarilyon hawak-hawak.
"May cheesecake rito at juice," wika ni Matthias habang paupo si Isla.
Namayani naman ang katahimikan sa kanilang dalawa at tinatanaw lamang mala-asul na tubig sa pool. Marami ring mga bituin ang nagkalat sa kalangitan na kinagigiliwan niya. Mapayapa at tahimik ang kanyang pakiramdam. Napapikit naman siya at pinakiramdaman ang paligid. Kung sana ay ganito lamang ang buhay.
"Isla." Basag ni Matthias sa katahimikan at nilingon naman niya ito. "Ayaw man kitang ibalik sa kanya at alam kong nangako ako sa 'yo ngunit hindi naman ako bulag upang hindi ko makita at maramdaman ang lahat. Ayokong sa huli ay ako parin ang talo kahit na ibinibigay ko na ang lahat," panimula nito at napabuga ng paghinga.
"Matthias," mahinang tawag niya na tila ba nababasa na niya kung ano ang nais nitong ipahiwatig.
Ngumiti naman ito sa kanya. "Alam kong sinusubukan mo. Ramdam ko naman ang pagmamahal mo ngunit iba pa rin kapag siya. Sa maikling oras ng inyong pagkikita sa simbahan alam kong bigla na lamang nawala ang lahat. Mag-asawa pa rin kayo, Isla. Mahirap sa akin ito dahil napamahal na rin sa akin si Cerius at itinuring ko na rin siyang sa akin," mahabang lintanya nito at tumayo mula sa pagkauupo at lumapit sa direksyon ni Isla.
Napasinghap naman siya nang biglang lumuhod ang binata sa kanyang harapan at kinuha ang kanyang mga kamay. "Mahal na mahal kita, Isla. Alam mo 'yan. Kaya kong gawin ang lahat para sa 'yo . . . para sa inyong dalawa ngunit hindi sa ganitong paraan dahil ang mas lalong maaapektuhan nito ay si Cerius. Ayokong habang buhay ay para tayong nagtatago at tumatakas. Hindi ibig sabihin nito na hindi na kita mahal ngunit mahal na mahal kita kaya koi to ginagawa. Maybe it's time to face him. Linawin mo sa sarili mo ang lahat at magdesisyon. Ngunit kahit anuman ang maging desisyon mo ay maluwag kong tatanggapin dahil sa una pa lang ay alam ko na kung ano ang pinasukan ko. H'wag kang mag-alala sa akin dahil kaya ko ang sarili ko. Ang mas inaalala ko ay kayong dalawa. Mahal na mahal kita, Isla," mahabang wika ni Matthias habang nakayuko at mahigpit ang pagkahahawak sa mga kamay ni Isla.
Niyapos naman niya ng mahigpit na yakap ang binata at hinalikan ang buhok nito. Nanatili sila sa ganoong pwesto nang ilang minuto habang pinapatahan niya sa pag-iyak si Matthias.
BINABASA MO ANG
My Husband is a Ruthless Darling
RomanceClay Verdera is an actor while Isla Aurora Randal is just a typical person. Makabagong panahon ngunit makalumang paniniwala pa rin ang nananalaytay sa kanilang mga pamilya. They were arranged into a marriage but it has to be a secret because of Cla...