CHAPTER 21

5.7K 104 14
                                    

Tahimik ang buong byahe ni Clay at Isla hanggang sa sila ay makauwi. Hindi naman mapakali si Clay sa kanyang kinauupuan dahil na rin sa silent treatment nito sa kanya. Halos mabaliw siya sa kahahanap dito at nalaman niya pa sa mismong magulang nito kung nasaan siya. Ngunit sa halip na kumalma siya ay mas lalo lamang siyang nagalit nang malaman kung nasaan ito.

Sa dalawang araw na nawala ito ay hindi niya alam kung ano ang ginawa ng mga ito. Kilala niya si Matthias at gagawin nito ang nanaisin nito. Maraming tanong ang tumatakbo ngayon sa kanyang isipan at kung bakit ito nawala ng halos dalawang araw. Wala naman siyang matandaan na pinag-awayan nila. Sa katunayan nga ay ipinalinis at ipinahanda niya pa kay Faroda ang master bedroom para sa kanilang dalawa upang sa gayun ay magsasama na sila sa iisang kwarto.

Nang maiparada na ni Clay ang sasakyan ay agad namang lumabas si Isla at pabagsak niya pang isinara ang pinto. Naguguluhang napatingin naman si Clay dito at agad din itong sinundan.

"Clay?" tawag ni Faroda nang magkasalubong silang dalawa. Pati ito ay nagtataka rin at nag-aalala kay Isla ngunit tila nakaramdam ito na may nangyari sa dalawa.

"Ipagluto ninyo po sana siya ng makakain niya at tila sinisinat pa po siya. Ako na po ang bahala sa kanya," wika niya at tumango-tango naman si Faroda.

Dali-dali naman siya umakyat at pumasok sa master bedroom sa pag-aakalang pumasok ito roon ngunit wala. Tahimik ang buong kwarto at wala ni anino nito. Agad naman siyang lumabas at tumango sa mismong kwarto nito. Hinawakan niya ang seradura at napansing naka-lock ito. Nasa loob nga si Isla.

Umiigting ang kanyang mga pangang kinatok ang pinto. "Isla, open this door," tawag niya at pigil na pigil sa kanyang galit.

Wala siyang sagot na narinig sa loob kaya inulit niya ulit ang pagkatok ngunit wala pa rin. Hanggang sa napuno na siya at halos parang magigiba na niya ang pintuan. "Isla, don't make me repeat myself again!" sigaw niya at akmang sisipain na ang pinto nang may narinig siyang mga yabag papalapit at binuksan ang pinto.

"Ano'ng nangyayari?" nag-aalalang tanong ni Faroda ngunit tinitigan lamang siya ni Clay at pumasok sa kwarto ni Isla.

Nang makapasok siya sa kwarto nito ay kitang-kita niya ang namumugtong mga mata ni Isla. Parang kanina pa ito umiiyak.

"Bakit?" mahinang tanong ni Isla na nakatalikod sa kanya. "Bakit mo pa ako hinanap? Bakit hindi ka na lang sa kanya pumunta? Hindi ba't ito naman ang gusto mo? Hindi ba't gusto mong magsama na kayo?" sunod-sunod nitong tanong na ikinakunot ng kanyang noo.

Hindi niya maintindihan kung ano ang gusto nitong ipahiwatig. "Hindi kita maintindihan, Isla. Bakit? Saan mo naman nakuha 'yan?" malumanay nitong tanong dahil ayaw niyang matakot ito sa kanya.

"Huwag ka nang magmaang-maamangan, Clay! Rinig ko ang lahat! Rinig na rinig ko ang lahat. Akala mo ba ay pang habang-buhay akong magiging tanga-tangahan? Habang-buhay mong mapaglalaruan? Naroroon ako dahil nakita ko rin ang sasakyan mo sa Heatman. Narinig ko ang boses mo na at may kausap kang iba. Sa tono pa lang ng pananalita mo roon ay halatang gustong-gusto mo na akong mawala sa buhay mo," sagot nito na mas ikinalito pa niya.

Inaamin niyang nakapunta nga siya sa Heatman dahil sa pag-aakalang ipinatawag siya ng kanyang manager dahil may problema raw kahit na on leave na muna siya ngunit nagkamali siya dahil pakana lang pala iyong lahat ni Michelle, isa sa mga niligawan niya noon ngunit hindi na niya ipinursige dahil sa pangit nitong ugali at ngayon ay habol nang habol. Alam din nito na kasal na siya ngunit tikom lamang ang bibig nito ngunit binantaan siya nitong ititikom lamang nito ang kanyang bibig kung papayag siyang maging leading lady sa kanyang mga pelikula.

"Kailan?" mahinahong tanong niya at hinarap naman siya ni Isla.

Sa halip na sumagot ito ay kumuha siya ng tuwalya at tumayo patungo sa banyo.

My Husband is a Ruthless DarlingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon