BALATKAYONG BIYAYA
Ni: Ofelia Angeles
Genre: Drama
"KILALA MO NAMAN AKO, ADOR. Kapag sinabi ko'y ginagawa ko," matigas ang tinig na wika ni Gilbert sa kausap habang nakatayo sa harap ng pintuan nito. "Aba! Napakinabangan mo na nga ang pera ko, tapos tinataguan mo pa 'ko!"
"Hindi naman sa gano'n. Lagi lang talaga akong wala sa bahay at nagdidilihensiya ng panggastos namin. Alam mo namang nawalan na 'ko ng trabaho nang mag-shutdown yung factory," paliwanag ng lalaki.
"Wala akong pakialam kung nagsara ang pabrika niyo!" mainit ang ulong bulalas niya dito. "Basta bayaran mo 'ko!"
"Pero wala pa 'kong pera ngayo. Baka pwedeng sa susunod na linggo na lang. Nakikiusap ako sa 'yo," mahinahong pagsusumamo ng lalaki.
Ngunit buo na ang kanyang pasya nang araw na 'yon.
"Pasensiyahan tayo, Ador. Naniningil lang ako ng utang," pagkasabi niya ay bahagya pa niya itong tinabig at dire-diretso siyang pumasok sa bahay nito. Nilibot niya nang tingin ang kabuuan niyon. Sa kanyang nakikita ay di maikakailang naghihirap ito sa buhay. Walang masyadong kasangkapan at gamit doon. Larawan sila ng isang pamilyang naghihikahos din at nakikipaglaban sa gutom araw-araw. Napako ang tingin niya sa isang telebisyon na nakapatong sa maliit na lamesa. Kasalukuyan pang nanonood ng programang pambata ang mga anak nito. Napabuntong-hininga siya at marahang lumapit doon, sabay ini-off ang t.v at binunot sa saksak. Napatingin sa kanya ang dalawang batang sa tantiya niya'y walo at tatlong taong gulang. Nagtatanong ang mga matang napatingin sa kanya ang mga 'yon.
"Sana pinatapos mo muna silang manood," malungkot na wika ni Ador na naroon na pala sa kalapit niya.
"May lakad pa 'ko. Marami pa 'kong gagawin," ang walang emosyong sagot niya dito at binuhat na ang telebisyon palabas ng bahay na 'yon. Narinig na lamang niya ang iyakan ng mga bata sa loob habang papalayo siya at isinasampa sa sahig ng kanyang tricycle ang dalang gamit. Napapailing siya ngunit di niya pinagsisisihan ang kanyang ginawa.
Nakangiti siya nang makarating sa bahay nila. Binuhat niya ang t.v. at may pagmamalaking pinakita sa anak niyang si Gerson.
"Yehey! May t.v na ulit tayo!" masayang bulalas ng bata.
"Oo, at ilalagay natin 'to sa kwarto mo," aniya.
NAPASILIP SI CECILLE sa kanyang mag-ama mula sa kusina nang marinig ang malakas na boses ng anak. Napakunot ang kanyang noo sa nakita, sabay napailing.
"Sa'n na naman galing 'yan?" ang dismayadong tanong niya sa asawa nang magtungo sa komedor at magsimula nang maghain. Magta-tanghali na noon. Napalingon si Gilbert sa kanya.
"Bayad-utang," matipid nitong sagot.
"Kuh... Nanghila ka na naman ng gamit nang may gamit," napapailing na sansala niya dito. "Bakit kasi 'di mo hintaying bayaran ka?"
Hindi niya mapigilan ang sarili na di magmaktol sa ugali ng asawa. Naging ugali na nito ang gano'n, ang mambatak ng mga gamit ng mga taong walang maibayad sa utang. Nagpapautang ng patubuang pera ang asawa niya. Ang perang natanggap nito sa trabaho bago iyon mag-shutdown ay naisipan nitong ipuhunan sa gano'ng uri ng negosyo. Hindi nga siya sigurado kung dapat ngang tawagin iyong "negosyo", bagaman totoong tumutubo naman ang pera ng asawa niya nang higit pa sa dalawa o tatlong ulit, hanggang ngayo'y hindi pa rin niya makasanayan ang gawain nito na may tatlong taon na rin mula nang simulan nito. Ang pinaka-ayaw lang kasi niya, madaling nasisilaw at naaakit mangutang sa asawa niya ay ang mga kilala nilang sugarol, o di kaya'y mga taong gipit na gipit sa buhay lalo't may emergency sa pamilya tulad ng pagkakasakit o ooperahan. Hindi nag-aatubili ang asawa niya na magpautang sa mga 'yon, dahil mas malaki anito ang nabalik sapagkat natatagalan umano ang pagbabayad. Kadalasan anito, ang tubo lang ang halos binabayaran at nakapirme pa rin ang orihinal na utang. Doon anito malaki ang kita dahil sa tubo.

BINABASA MO ANG
NSC2015 - Prefinals
Fiksi UmumA collection of the Novellavision Story Contest entries for the Prefinals Stage.