NGITI

226 20 7
                                    

NGITI

Geraldine Faye Damaso

Galit ako sa mundo. Galit ako sa mga magulang ko na simula bata pa lamang ako ay walang nang ginagawa kung hindi ipagkumpara ako sa mga kapatid kong nakakatanda sa akin. Ang ate at kuya ko raw ay masisipag mag-aral at matataas ang grades. Pati sa kilos at galaw ako ay napagkukumpara pa kami. Lagi nilang sinasabi na kung hindi ako gagaya sa mga kapatid ko ay wala akong mararating sa buhay. Galit din ako sa mga kapatid ko. Lagi rin nilang ipinamumukha sa akin na mahina ako at wala na akong nagawang tama. Kaya nawalan ako noon ng tiwala sa sarili ko at sa ibang taong nakakaharap ko. Iniisip ko na lahat sila huhusgahan, sasabihan ako ng mga masasakit na salita at pag-uusap pa ako. Ang pakiramdam ko ay wala akong kakampi sa mga panahong iyon kaya ibinuhos ko na lamang ang lahat sa pag-aaral at pagpapakita sa lahat ng tao na hindi ako mahina at ako ang nakakataas sa kanila. Naging matapobre ako dahil mayaman naman kami at nagagawa ko ang mga gusto ko. Wala akong pakiaalam sa mga taong masasaktan ko kahit may masabi o may magawa akong masama.

Pero nagbago ang lahat sa hindi iniaasahang pangyayari. Nakatagpo ako ng isang batang nagpabago ng tingin ko sa mundo. Lahat ng galit, hinanakit ko sa pamilya ko at sa ibang tao ay nawala nang dahil sa kanya. Siya ang naging inspiration ko para ipagpatuloy ang buhay, para matutong ngumiti at maging masaya at mabuting tao. Hindi ko na alam kung ano ang eksaktong naramdaman ko nang makilala at maging ka-close ang batang si Arron. Isang makulit pero maalalahanin na bata. Wala na siyang ginawa kung hindi kulitin at pasayahin ako. Kahit hindi maganda ang unang naging trato ko sa kanya ay hindi siya sumuko. Ipinakita niya pa rin ang pagmamalasakit sa akin at ang halaga ng buhay kahit ano pang problema ang nakakaharap ko. Nakita ko sa kanyang mga mata ang ganda ng buhay sa kabila ng kabi-kabilang problema at hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa mundo.

Miss na miss ko na siya at kung maibabalik ko lang ang mga panahong magkasama kami... ipaparamdam ko sa kanya kung gaano niya nabago ang buhay ko at kung gaano siya kahaalaga sa akin. Isa siyang anghel na bumaba sa lupa upang baguhin ako at mapalapit sa Panginoon.

Sa pagkakaalala ko, isang taon na ang nakakaraan nang napagdesisyunan kong subukang hindi magpahatid sa driver ko pauwi. Tinahak ko ang daan pauwi na naglalakad lamang sa kabila ng layo nito sa tinitirahan ko. Gusto ko lang mapag-isa at makapagmasid sa mga lugar kung saan hindi ko naranasan makapaglibot at makapaglaro. Lagi na lamang kasi akong hatid-sundo at lagi lamang nasa bahay, kinukulong ang sarili sa kwarto at mga libro lamang ang kaharap.

Naisipan kong huminto sa isang parke at umupo sa may upuan malapit sa swing habang na nagpapatugtog ng kanta sa aking Ipod nang biglang may lumapit sa akin.

"Ate ganda, bakit malungkot ka?" sabi ng isang batang gusgusin na sa tingin ko ay walong taon gulang pa lamang. Ang unang naging reaksiyon ko ay ang pandidiri. Nakakadiri siya dahil gula-gulanit ang kanyang suot. Madungis at amoy pawis na halatang buong araw nasa kalye.

"lumayo ka nga sa akin! Ang baho-baho mo," sabi ko sa kanya pero ngiti lang ang naging sagot niya.

"ano ba! Sabi ko sa 'yo lumayo ka eh. Siguro magnanakaw ka no? Tsk! Mga patay-gutom na pahirap sa lipunan."

"Hindi naman po ako magnanakaw. Sadyang mahirap lang po kami pero nakakakain naman po ako tatlong beses sa isang araw," sabi niya habang nakangiti.

"Paki-alam ko sa 'yo. Puwede bang maghanap ka na lang ng ibang taong makukulit," sabi ko pero hindi pa rin siya natinig sa kanyang kinatatayuan.

Hindi ko na lang siya pinansin at patuloy na lang ako sa pakikinig nang bigla niya akong kalabitin na siyang ikinagulat ko.

"Yuck! Anong karapatan mo para kalabitin ako? Tsk! Ang dumi-dumi eh,' sabi ko habang kumukuha ng alcohol para ipahid sa balat kong nadampian niya. Nakita ko ang lungkot na nadama ng bata sa inasta ko pero wala akong pakialam. Kahit bata siya ay dapat matuto siyang lumugar.

NSC2015 - PrefinalsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon