KAKU's ANGEL
by: Lorna Tulisana
MULA sa pinagkukublihan ay matiyagang naghintay si Kaku. Natanaw nito sa guardhouse ang paghikab ng dalawang bantay.
Ilang araw din niyang pinag-aralan hindi lang ang kabuuan ng lugar kundi maging ang mga guwardiya dito.
Kasalukuyang nasa tagiliran ng Philippine Historical Museum ang binata. Agad nitong isinagawa ang nabuong plano matapos makita ang pagsandal at pagpikit ng isa habang ang kasama ay abala sa pakikinig ng musika sa radyo.
Maingat at patingkayad itong nagpatago-tago sa anino ng dilim hanggang makarating sa likurang bahagi ng gusali.
Hindi naging mahirap para kay Kaku ang makapasok sa loob dahil nakiayon ang pagkakataon. Naiwang nakabukas ang pinto dito. Mukhang nakasunod sa kanya ang suwerte.
Napangisi ito nang makarating sa unang palapag. Malamlam ang liwanag, pero naghatid ng kakaibang ningning ang mga antigong bagay sa paligid.
Mabilis nitong pinasadahan ng tingin ang mga naroon; maliit man o malaki. Isa-isang sinipat ang nakapaloob sa kabinet at kahong-salamin maging mga nakasabit sa dingding.
Umakyat din ito sa pangalawang palapag hanggang pangatlo. At dito nakuha ang kanyang buong atensyon ng isang gintong maskara na ayon sa balita ay iniregalo ni Paraoh Girab ng Egypt sa gobyerno dahil sa mainit na pagtanggap nang binisita nito ang Pilipinas.
Biglang naagaw ang atensyon ni Kaku nang may mapansing liwanag sa isang silid na bahagyang nakaawang ang pinto. Tinungo niya ito.
Sinalubong ng kadiliman ang binata nang pumasok. Lumarawan sa mukha nito ang pagtataka habang inaapuhap sa dingding ang switch ng ilaw.
Kasunod ng pagbaha ng liwanag ay ang pagbungad ng babaing pabaluktot na nakahiga ang kahubaran sa sementadong sahig.
Pinagala ni Kaku ang tingin. Walang anino o anumang komosyon dito maliban sa isa lamang itong tambakan ng mga sirang gamit.
"Oohhh!"
Mabilis na isinara ng binata ang pinto nang umungol at gumalaw ang babae. Hindi dapat malihis ang kanyang isip sa orihinal na pakay niya sa lugar na iyon.
"Mukha ngang may tao!"
Napahinto sa paghakbang si Kaku nang may maulinigang mga tinig at yabag.
"Tatawag na ba ako ng backup, pare?"
Umatras ang binata at mabilis pumasok sa silid na nilabasan. Pinatay nito ang ilaw, ngunit kahit anong pindot sa switch ay nanatili ang liwanag sa maliit na bombilya.
"Ohh!"
Muling nadako ang mga mata ni Kaku sa unahan. Hindi na ito nagdalawang-isip pa nang tanggalin ang suot na jacket at itapis sa kahubaran ng babae.
"Ohh!"
Napatitig ang binata sa maganda at maamong mukha. Tila ang pagkakasilay dito ay dagliang pumaram sa sakit, kalungkutan at kabiguang pinagdaraanan niya sa buhay.
"Tingnan mo, doon!"
Pinigil ng isang kamay ang tangka sanang pagtayo ni Kaku nang marinig ang papalapit na ingay. Bumaba ang mga mata nito sa paanan, ngunit napatingala din ito nang magpatay-sindi ang bombilya.
At kasabay ng tuluyang pagkawala ng liwanag sa silid ang marahas na pagbukas ng pinto...
----
"AHHHHHH!"
Napabalikwas sa pagkakahimbing si Kaku. Agad nitong hinanap ang pinanggalingan ng malakas na sigaw.
"Manloloko! Manloloko!"

BINABASA MO ANG
NSC2015 - Prefinals
General FictionA collection of the Novellavision Story Contest entries for the Prefinals Stage.